Q: Ano ang maaaring mangyari pag nabuntis ang isang may hepatitis?
A: Huwag mag-alala. Kung ikaw ay babae na ‘carrier’ ng Hepatitis B, o positive ang iyong eksaminasyon para dito, hindi naman ito nangangahulugan ng hindi ka na pwedeng mabuntis, o kung buntis ka ay ito ay mauuwi sa disgrasya. Ngunit, may mga hakbang na mahalagang gawin, at mga ito ay dapat gawin kaugnay ang iyong OB-GYN o iba pang doktor. Ang mga babanggitin ko ay gabay lamang at dapat i-sangguni sa iyong doktor:
Hepatitis B habang buntis
Habang buntis, mahalaga na ingatan mo ang iyong atay upang hindi lumala o sumpungin ang Hepatitis. Kabilang na dito ang pag-iwas sa mga gamot gaya ng Paracetamol na kung napadalas o naparami ang paggamit ay pwedeng maka-apekto sa atay. Huwag na huwag iinom ng alak.
Hepatitis B sa panganganak
Pagkatapos na pagkatapos ng pagkapanganak, huwag na huwag kakaligtaan ang pagpapabakuna ng iyong baby sa Hepatitis B (Hepatitis B vaccine) at ang pagturok sa kanya ng Hepatitis B Immunoglobulin (HBIG). May follow-up ang bakunang ito at dapat ito’y ituloy ng walang palya. Tingnan ang mga mahalagang bakuna para sa mga baby.
Hepatitis B at pagpapasuso
Ayon sa mga pag-aaral, wala namang dagdag na panganib o risk ang pagpapasuso sa kanilang mga sanggol ng mga babae na may Hepatitis B, basta siguradong mayroon at patuloy ang mga bakuna sa sanggol.