Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil sa pagtama ng bahagi ng katawan sa isang matigas na bagay na may pwersa. Dahil sa lakas ng pwersa ng pagtama, ang maliliit na ugat ng dugo sa ilalim ng balat ay maaaring pumutok at ang dugo na dumadaloy dito ay kakalat sa ilalim ng balat. Ang umagos na dugo sa ilalim ng balat ang siyang nagiging pasa.
Ngunit sa ibang mga pagkakataon, may mga pasa na bigla na lamang at misteryosong lumilitaw sa balat nang hindi natin nalalaman. Ito ay kahit wala namang malakas at matigas na pwersa na tumatama sa bahagi ng katawan. Sa mga pagkakataong ito, makabubuting agad na magpatingin sa doktor sapagkat ang mga ganitong uri ng pasa ay maaaring dahil sa mga seryosong kondisyong pangkalusugan gaya ng sumusunod:
1. Senile purpura
Ang senile purpura ay isang kondisyon na kalimitang nararanasan ng mga matatanda na kung saan madaling nagkakapasa ang matatanda sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ito ay dahil sa pagrupok ng mga pader ng mga ugat ng dugo kasabay ng pagtanda ng katawan na nagreresulta madaling pagputok ng mga maninipis na ugat at pagkakaroon ng mga pasa. Ang mga pasa ay maaaring maliit lang o kaya ay masyadong malaki na maaaring mabalot ang isang buong baraso. Bagaman nakakatakot ang malalaking pasa na dulot ng senile purpura, wala namang dapat ikabahala sapagkat ito ay pangkaraniwan lamang at hindi nagdudulot ng panganib sa kalusugan.
2. Epekto ng iniinom na gamot
Bukod sa mga pangkaraniwang gamot na aspirin at paracetamol, marami pang uri ng gamot na nabibiling over-the-counter ang maaaring may mga side effects. At isa sa mga karaniwang side effects ng mga gamot na ito ay ang biglaang pagkakaroon ng pasa. Ang mga gamot na malimit makapagdulot ng pasa ay ang mga anti-inflammatory drugs, ilang antibiotics, at ilan pang gamot para sa sakit sa puso. Makabubuting magpatingin kaagad sa doktor kung sakaling nakararanas ng mga side effects mula sa iniinom na gamot.
3. Karamdaman sa dugo
Ang biglaang pagpapasa din ay maaaring indikasyon ng pagkakaroon ng karamdaman sa dugo. Maaaring dahil ito sa simpleng kakulangan ng platelet sa dugo, o maaari din namang dahil sa malalang sakit na leukemia o kanser sa dugo.
4. Kakulangan ng Vitamin K
Ang vitamin K ay isang bitamina na kinakailangan ng katawan para makontrol ang pamumuo ng dugo. Isang senyales ng kakulangan sa mahalagang bitaminang ito ay ang madalas o madaling pagkakaroon ng pasa saan mang parte ng katawan.