Ang pagiging isang binata o teenager ay kinikilala bilang isang panahon kung kalian dapat magkaroon ng maraming karanasan o “experience”. Sabi nga nila, “Subok lang ng subok, sabak lang ng sabak!” Ngunit hindi lahat ng bagay ay dapat pang maranasan, lalo na kung klarong klaro sa karanasan ng lahat na ito ay nakakasama. Isang halimbawa nito ang pagsubok sa mga bawal na gamot.
Tingnan ang listahan ng mga bawal na gamot ayon sa RA 9165.
Ang bawal na gamot, gaya ng sigarilyo at paglalasing, ay isang peligro sa kalusugan at kinabukasan ng mga kabataan. Gaya ng maraming patibong ng mundo, ang mga bawal na gamot, gaya ng shabu at marijuana, ay nag-aalok at nagbibigay ng pansandaliang kaligayan o “high”. Ngunit, may mabigat na kapalit ito. Ang mga bawal na droga ay may kakayahang gawing adik ay iyong katawan sa drogang ito – at hanap-hanapin mo tuloy ang mga droga na ito.
Dahil pakiramdam mo ay “kailangan” mo ang droga, bibili at bibili ka ng mga ito. Dahil alipin na ang iyong isip at katawan sa droga, maaaring ibenta mo na ang iyong mga kagamitan, gamitin ang iyong allowance, o nakawan ang iyong mga magulang para lang sustentuhan ang iyong pagka-alipin sa bawal ng gamot. Ang mga gawaing ito ay umpisa na sa pagkasira ng iyong buhay.
Image Source: www.freepik.com
Ang bawal na gamot ay peligro rin sa iyong kalusugan at kaligtasan. Kapag ikaw ay “high”, hindi mo kontrolado ang iyong katawan at ito ay nagiging dahilan ng mga aksidente sa sasakyan. Ang pagbabago sa ugali na hatid ng paggamit (at pagtigil sa paggamit) ng droga ay maaari ring maging sanhi ng mga bayolenteng ayaw na maaaring magdulot ng pinsala at sakuna.
Kapag ikaw ay “high”, hindi mo rin mapigilan ang “tawag ng laman” ay maaari kang gumawa ng mga “high-risk sexual behavior” na siya naman maaaring maging daan para mahawa ng mga STD gaya ng tulo, Hepatitis B, at HIV/AIDS.
Isa pa, ang hiraman ng mga karayom na ginagamot sa mga drogang tinuturok ay isa ring posibleng daan para mahawa ng Hepatitis B at HIV/AIDS.
Kung ikaw ay nalululon sa droga, o may kakilala kang biktima ng mga bawal na gamot, humingi ng tulong at suporta. Tunghayan at Listahan ng mga Himpilan para malaman kung sino ang maaaring lapitan at kausapin tungkol sa problemang ito.