Maraming hirap ang hinaharap ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa at sila ang ating tinatawag na Overseas Filipino Workers o OFWs, at kabilang na rito ang mga sitwasyon na maaaring makaapekto sa kalusugan.
Image Source: www.womenshealth.gov
Ayon sa isang ulat sa Philippine Daily Inquirer ngayong Dec 2, ibinalita raw ng DOH na sa mga kasong naiulat sa National AIDS Registry, 1,501 sa 5,729 na naitalang kaso ng HIV sa Pilipinas ay mga OFWs. 75% sa mga OFW na may HIV ay mga kalalakihan. (Tunghayan kung “Paano malaman kung may HIV/AIDS“)
Ngunit hindi dapat natin basahin ang balitang ito ng higit sa kaniyang nilalaman. Una, ang porsyentong ito ay maaaring iugnay sa mas mataas na porsyento ng mga OFW na nagpapa-test sa HIV sapagkat ito’y kailangan ng maraming OFW sa pag-aapply ng trabaho at iba pa. Tiyak na higit pa sa 5,729 ang kaso ng HIV sa Pilipinas.
Pangalwa, ang populasyon ng mga OFWs ay nasa ilang milyon. 1,501 na kaso ay wala pa sa 1/4 ng isang porsyento (<0.25%) ng lahat ng OFW ang may HIV.
Sa kabilang banda, maraming Pilipino ang hindi nagpapa-test ng HIV kahit sila’y high risk para dito, OFW man o hindi kaya hindi natin maaaring ibatay sa mga numerong naibalita ang totoong sitwasyon ng HIV sa Pilipinas. Ngunit dahil hindi nga natin alam ang ekastong numero, hindi tayo dapat makompyansa. Malay mo, higit na mas marami sa mga numerong natala ang tunay na bilang ng HIV sa Pilipinas.
Isa pa, kailangan rin nating bigyang pansin ang kalusugan ng mga OFWs. Sila’y nasa ibang bansa at maraming mga tukso lalo na sa mga kalalakihan. Pag-uwi sa Pilipinas, maaari nilang mahawahan ng HIV ang kanilang mga asawa at sexual partners.
Dahil ito, dapat talagang maglunsad ng mga programng pag-edukasyon sa mga OFWs at ang bawat Pilipino tungkol sa HIV, at tungkol sa paggamit ng condom bilang isang stratehiya upang makaiwas sa HIV at iba pang STD o Sexually-Transmitted Diseases. Hindi “OFW” o “Call center agent” ang dapat tingnan, kundi ang uri ng gawain na iyong pinapasukan. Ang pakikipagtalik ng walang proteksyon ang numero unong gawain na nagdudulot ng HIV sa Pilipinas kaya umiwas sa pakikipagtalik sa iba at gumamit ng condom! (Magbasa pa ukol sa “Paano nahahawa ang HIV/AIDS” dito).
At kung sa tingin mo ay dapat kang suriin para sa HIV, huwag mag-atubiling magpunta sa mga HIV testing centers sa Pilipinas upang malaman mo ang iyong HIV status. Kung kailangan mo ng payo’t gabay maaari ring lumapit sa mga HIV support groups upang mabigyan ka ng kaukulang tulong at gabay.