HIV/AIDS sa Pilipinas: 9,264 na kaso naitala noong 2016

Ayon sa Department of Health (DOH), sa taong 2016 ay may 9,264 na kaso ng HIV na naitala. Sa buwan lamang ng Disyembre ay may 750 na kaso – ang pinakamataas na naitalang sa isang buwan sa buong kasaysayan ng bansa. Sa mahigit na 9,000 na kaso, 1,113 dito ay ganap na AIDS (ibig-sabihin, naging isa nang lubos na sakit na dulot ng virus na HIV) at 439 ang namatay.

Ang mga datos na ito ay nagpapakita na bagamat ang HIV/AIDS ay bumababa na sa maraming bahagi ng mundo, ito’y pataas parin ng pataas sa Pilipinas. At maraming doctor ang nagsasabi ang numerong 9,264 ay hindi pa ang kabuuan ng larawan sapagkat ang karamihan ay hindi nagagawan ng HIV testing.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga hakbang na ginagawa upang malutasan ang pagtaas ng HIV ang pamimigay ng condom sa mga grupong mataas ang posibilidad na magkaron ng HIV, at ang pagkakaron ng mas maraming oportunidad para magsagawa ng HIV testing.

Para naman sa mga Pilipino, ang ang maaaring gawin upang makasiguro patungkol sa HIV/AIDS?

(1) Gawin ang mga iba’t ibang hakbang upang maka-iwas sa HIV. Basahin: Paano maka-iwas sa HIV/AIDS

(2) Tiyakin ang iyong HIV status (positive o negative) sa pamamagitan ng HIV testing. Basahin: Paano malaman kung may HIV/AIDS 

(3) Kung ikaw ay HIV positive, siguraduhing ikaw ay may tamang gamot, at iwasang ibahagi ang virus sa ibang tao. Basahin: Ano ang gamot sa HIV/AIDS?