Kulani sa leeg: Mga karaniwang tanong

Ang kulani o lymph nodes sa leeg ay isang normal na bahagi ng ating katawan ngunit kapag ang mga ito ay ating nakakapa, lalo na sa mga bata, ito’y nagiging sanhi ng pag-aalala. Ano nga ba ang ibig-sabihin kapag ang isang tao ay may kulani? Sagutin natin ang inyong mga tanong tungkol sa mga kulani sa leeg.

Dumadami ang kulani sa leeg pero masigla naman ang bata

Q: Magandang araw po doc, 3 years old na po ang baby girl ko. Dumadami po kasi ang kulani nya sa leeg umaabot na po sa batok. Pinalaboratory at x-ray ko po sya, ang resulta po ang pneumonia daw. Uminom po sya ng antibuotics pero hindi po nawawala. Umabot na po ng isang taon ang kulani. Ano po kaya ang sakit nya?

A: Karamihan ng pagkakaron ng kulani sa bata ay normal lamang. Sa totoo, lahat ng tao ang may kulani, pero sa karamihan sa atin, ang mga ito ay maliliit at hindi nakakapa. Ang mga kulani o ‘lymph nodes’ ay mga bahagi ng katawan kung saan ‘nakatira’ ang mga lymphocytes, mga cell na bahagi ng ‘immune system’ at siyang lumalaban sa mga mikrobyo kung may impeksyon o iba pang pagkakasakit. Dahil dito, ang paglaki ng kulani ay posibleng isang sintomas ng pagkakasakit. Ngunit pwede rin naman na kahit tapos na ang sakit, nananatiling nakakapa parin ang mga kulani, lalo na sa mga bata.

Kung dumadami ang kulani sa leeg, magandang ipatingin ulit ito sa doktor lalo na at isang taon na ang nakalipas simula nong una siyang na-xray. Bago magpatingin, isiping mabuti kung may mga ibang sintomas ang bata, gaya ng ubo, sipon, pasumpong-sumpong na sinat, at kawalan ng ganang kumain. Isang posibilidad parin ang pagkakaron ng ‘primary complex’ o TB sa mga bata – ito ay isang karaniwang impeksyon ngunit kayang kaya namang gamutin.

Normal lang ba ang kulani ng bata kapag nagkakasakit?

Q: Doc nagkakaroon ng kulani ang anak ko pag nagkakaskit, ubo sipon at lagnat…normal lang po ba un?

A: Oo, sa maraming tao at lalo na sa mga bata, ang pagkakasakit ay sinasamahan ng paglaki ng mga kulani, lalo na sa leeg. Ito ay tinatawag na ‘reactive lymphadenopathy’; ito’y isang normal na reaksyon ng katawan sa impeksyon at tanda na aktibo ang ‘immune system’ ng bata.

May nakakapang kulani sa leeg. Ano ito?

Q: Itatnung ko lang po bakit po madami akong kulani sa bang itaas ng leeg ko sa may baba na panga right and left po… sa left 2 at sa right 3 may nakapa din po ako sa may ibaba ng pisngi ko.. anu po ba ang gamut duon. delikado po ba ang kulani.. yun lang po at maraming salamat sana po ay bigyan nyo po ako ng kasagutan

A: Sa totoo lang marami ka talagang makakapang kung ano-ano sa iyong leeg, kabilang na dito ang mga kulani na normal na bahagi ng katawan. Kung ang mga kulani ay maliit lamang (mas maliit sa ‘jolen’) at hindi naman namamaga o makirot, walang dapat ikabahala, maliban na lang kung may iba kang nararamdaman sa sintomas gaya ng ubo, lagnat, sinat, hirap lumunok, at iba pa.

May mga kulani ako pati lagnat, ubo’t sipon

Q: Hello po , Mayron po akong kulani sa leeg at kumpul-kumpul po sila mayron na po akong mga 6 na kulani sa iisang side may malaki at maliliit. Then po mayron din po akong lagnat, ubo’t sipon ,paninikip ng dibdib. Anu po kaya ang sakit ko?

A: Base sa kwento mo, hindi mo matutukoy kung ano ang sakit mo, ngunit kung ito ay mawawala sa loob ng isang linggo posibleng ito ay isang viral infection lamang na siya ring sanhi ng mga kulani. Ngunit kung ito ay magpatuloy na higit sa dalawang linggo, magpatingin ka na sa doktor upang masuri kung anong maaari mong sakit.

Ano ang pampatanggal ng kulani?

Q: Doc, ano ang pampatanggal ng kulani?

A: Sapagkat ang pagkakaron ng kulani ay normal lang sa maraming mga tao, walang kelangang gawin dito at hindi ito kailangang tanggalin. Bihira lamang ang mga pagkakataon na dapat tanggalin ang kulani, at ito’y sa pamamagitan ng isang operasyon kung saan aalisin ang kulani at susuriin kung anong meron dito. Ito ay kung may suspetsa lamang ang doktor na posibleng ‘cancerous’ ang kulani, o may matinding impeksyon gaya ng TB. Kung ang kulani ay malaki o lumalaki, namamaga, nagnanana, o kakaiba ang korte, magpatingin sa doktor upang masuri ang iyong kulani

Kulani: Tanda ng primary complex?

Q: Isa rin aq sa mga mommy na very worried pagdating sa health ng anak. Last week nagkasakit anak ko (Tonsilitis) nilagnat sya for almost 3 days. Pina check up ko xa then after nia take ng antibiotic bumaba na lagnat nia at till now is ok xa.. Ang pinagwoworried ko lang may kulani xa sa may bandang leeg nia which is sabi ng Doctor i observe ko kasi nga isa sya sa signs na PC xa.. Hindi nmn xa inuubo mula nung dinala ko xa here sa Dubai last Jan. 30 at ngaun lang xa nagkasakit June 2013. Nababahala aq kasi hindi xa pede ipa check up if in case may PC xa here otherwise I have to go back to Philippines kasi pagdito at nag positive xa deportation at blocklisted xa dito sa UAE. In case, hindi nmn xa sakitin at hindi inuubo… may possibility ba xa na may PC because of that kulani? Thanks in Advance.. Mejo worried na mommy lang po.. Have a nice day…

A: Ang paglaki o ‘pagkakaron’ ng kulani sa leeg ay normal lamang na reaksyon sa pagkakasakit. Oo, ang kulani ay posibleng sintomas ng ‘primary complex’ o TB sa mga bata subalit ito ay isa lamang sa posibleng dahilan. Kung wala namang sintomas ng ‘primary complex’ gaya ng ubo, pasumpong-sumpong na lagnat, kawalan ng ganang kumain, mabilis mapagod, at iba pa, walang dapat ikabahala dahil ayon nga sa ilang pag-aaral, 38-45% ng mga normal na bata ay may kulaning makakapa sa kanilang leeg.