Ang hypothermia, o ang pagkawala ng init ng katawan, ay isang kondisyon na nakaaapekto sa temperatura ng katawan. Ito ay maaaring maranasan kung ang isang indibidwal na walang sapat na proteksyon sa katawan ay mananatili nang matagal sa isang lugar na napakalamig. Maaari itong magresulta sa mabilis na pagbagsak ng temperatura ng katawan na kapag umabot sa 35°C (mula sa normal na 37°C) ay tiyak na makaaapekto sa normal na paggana ng iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng puso, utak, at iba pa. Ito ay delikadong kondisyon at itinuturing na isang medical emergency. Kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa tuloy-tuloy na pagpalya ng mga organ hanggang sa kamatayan.
Image Source: www.ccm-ct.org/
Ano ang sanhi ng hypothermia?
Ang pagkakaranas ng hypothermia ay pinakamadalas sa mga bansa na may panahon ng tag-lamig o winter kung saan umuulan ng niyebe. Ngunit maaari pa rin itong maranasan sa maiinit na lugar gaya ng Pilipinas dahil sa mga sumusunod:
- Matagal na pagkakababad sa basang damit
- Pananatili sa labas nang walang sapat na proteksyon sa kasagsagan ng malamig na panahon tulad ng bagyo.
- Pananatili sa labas nang walang sapat na proteksyon sa kalamigan ng gabi
- Pagkakababad sa malamig na tubig
- Sobrang lamig na hangin dahil sa aircon
Ano ang mga sintomas na maaaring maranasan kung dumaranas ng hypothermia?
Ang pangunahing sintomas ng pagkakaranas ng hypothermia ay ang panginginig, isang hindi kontroladong mekanismo ng katawan na awtomatikong mararanasan bilang pangontra sa lamig. Ngunit bukod dito, maaari ding maranasan ang iba pang sintomas gaya ng sumusunod:
- pagkahilo
- pagkagutom
- mabilis na paghinga
- hirap sa pagsasalita
- pagkalito
- problema sa koordinasyon
- pagkapagod ng katawan
- mabilis na tibok ng puso
- mahinang pulso
- unti-unting pagkawala ng malay-tao
Dahil ang kondisyong ito ay progresibo, hindi agad nalalaman ng mga taong dumadanas nito na sila ay apektado na ng hypothermia. Dapat tandaan na ito ay isa uri ng medical emergency o nangangailangan ng agarang atansyong medikal.
Ano ang lunas sa hypothermia?
Ang hypothermia ay kabaligtaran ng heatstroke. Kung sa heatstroke, kinakailangang pababain ang sobrang taas na temperatura para malunasan, sa hypothermia naman ay nangangailangan ng karagdagang init. Narito ang ilang lunas o mahuhusay na hakbang para sa mga indibidwal na dumaranas ng hypothermia:
- Iwasang galawin ng husto ang katawan ng taong dumanas ng hypothermia. Maaaring magdulot ng cardiac arrest ang biglaang pagkakagalaw sa pasyente.
- Ilayo ang indibidwal sa nagdudulot ng hypothermia. Kung ang pasyente ay nasa malamig na lugar, ilayo siya mula doon at ilagay sa mas mainit na lugar.
- Tanggalin ang basang damit
- Balutin sa kumot ang nilalamig na pasyente
- Alisin ang damit at yakapin ang pasyente. Makatutulong nang malaki ang init ng katawan.
- Painumin ng mainit na inumin gaya ng mainit na sabaw at mainit na kape.
- Gumamit ng warm compress.
- Ilubog ang paa ng pasyente sa maligamgam na tubig.
Kung hindi pa rin bumabalik sa normal na temperatura ang katawan, mabuting dalhin na ang pasyente sa pagamutan. Dito’y maaaring isagawa ang ilang pamamaraang medikal gaya ng sumusunod:
- Pagpapainit sa dugo sa pamamagitan ng hemodialysis.
- Mga gamot na itinuturok sa dugo na nakatutulong din sa pagpapainit.
- Pagpapahinga sa pasyente gamit ang humidified oxygen
Paano makaiiwas sa hypothermia?
Pananatiling mainit ng katawan sa panahon ng taglamig ang pinakamainam na hakbang para maiwasan ang hypothermia. Narito ang mahuhusay na hakbang para dito:
- Magsuot ng makapal na damit sa panahon ng taglamig.
- Iwasang kumilos ng matindi na magdudulot ng sobrang pagpapawis.
- Panatilihing tuyo ang damit.
- Kung hindi naman mahalaga, huwag nang lumabas sa panahon ng taglamig.
- Gumamit ng kumot sa pagulog.
- Iwasang buksan ang mga bentilador at aircon kung malamig naman ang panahon.
- Kung nilalamig, uminom ng mainit na sabaw o inumin.