Madalas na tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure o altapresyon. Marami kasing tao ang hindi man lang namamalayan na meron na pala silang ganitong kondisyon, na pwedeng maging dahilan ng stroke o atake sa puso.
Sa kabutihang palad, marami namang gamot para sa altapresyon. Gayundin, mabilis at madali itong ma-diagnose. Ganunpaman, pinakamahalaga pa rin na iwasan ang altapresyon hanggang maaari. Narito ang ilang tips para hindi magkaroon o mapababa ang risk na pagkakaroon ng ganitong kondisyon:
Kumain ng Diet na Mababa sa Sodium
Isa sa pinakamagandang gawin para makaiwas sa high blood pressure ay ang pagkain ng mga masustansyang pagkain katulad ng mga prutas at gulay. Mainam rin para sa magandang pagdaloy ng dugo ang mga pagkain na low fat at high fiber.
Iwasan din ang sobrang daming asin, na madalas matagpuan sa mga chichirya at processed foods. Kapag maraming asin ang mga kinakain mong pagkain, mas mataas din ang posibilidad na ikaw ay magkaroon ng altapresyon. Ito ay dahil may taglay ang asin na sodium, na humahatak ng tubig papasok o papunta sa mga blood vessel. Dahil dito, tumataas ang volume ng dugo na dumadaloy sa mga blood vessel na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyon nito.
Ayon sa maraming health expert, dapat ay hindi lalagpas sa 6 grams o katumbas ng halos isang kutsarita ang dami ng asin sa pang-araw-araw na diet.
Mag-Exercise at Pababain ang Timbang
Ang mga taong overweight at obese ay mas mataas ang risk na magkaroon ng iba-ibang sakit, kasama na ang altapresyon. Syempre, hindi ibig sabihin nito na hindi nagkakaroon ng high blood pressure ang mga taong payat; mas malaki lang ang connection ng pagiging overweight o obese sa pagkakaroon ng altapresyon.
Bago subukang magbawas ng timbang, magpakonsulta muna sa doktor para malaman kung ano ang magandang target weight at kung paano maabot ito sa tamang paraan.
Bukod sa tamang diet, malaki rin ang kontribusyon ng pag-e-exercise sa pagbabawas ng timbang. Malaking tulong na ang 30 minutes of physical activity, lima hanggang anim na beses sa isang linggo. Maging ang mga bata at young adults ay marami ring makukuhang benepisyo sa pag-e-exercise.
Iwasan ang Stress
Kailangan pa ng maraming pag-aaral para masigurado kung ano ang tunay na epekto ng paulit-ulit at sobrang stress sa isang tao. Gayunpaman, kung hindi healthy ang iyong paraan para maka-cope sa stress ay talagang posibleng tumaas ang iyong blood pressure. Halimbawa, may mga taong stress eating ang nagiging reaksyon kapag nakakaranas ng matinding stress. Meron namang mga umiinom ng alak o kaya ay naninigarilyo. Lahat ng ito ay may masamang dulot sa katawan, kasama na ang pagtaas ng presyon ng dugo.
Para maiwasan ang stress, makakatulong ang pagme-meditate. Para sa iba, nawawala ang kanilang stress kapag nag-e-exercise dahil nagkakaroon ng outlet ang kanilang negative emotions. Ang pinakamagandang gawin ay alamin kung ano ang nagdudulot ng stress at isipin kung paano ito maiiwasan o mababawasan.
Matulog nang Maaga
Maraming sakit ang may koneksyon sa kakulangan ng sapat na tulog, kasama na rito ang sakit sa puso, stroke, at high blood pressure. Kailangan ng katawan ang pahinga para maka-recover, at isa sa mga pinakamabisang paraan ng pagpapahinga ang pagtulog. Sikaping makakuha ng 7 hang 8 oras ng tulog gabi-gabi para mapanatiling malusog ang katawan, lalo na ang puso at mga daluyan ng dugo.
Bawasan ang Pag-Inom ng Kape
Kasama sa mga pinaka-karaniwang payo para maiwasan ang altapresyon ay ang pagtigil sa paninigarilyo at pag-iwas sa sobrang pag-inom ng alak. Pero alam n’yo ba na hindi rin maganda para sa blood pressure ang sobrang pag-inom ng kape? Ito day dahil ang kape ay may caffeine, na isang uri ng stimulant.
Kapag uminom ka ng kape, nati-trigger ang iyong adrenal glands na gumawa at maglabas ng adrenaline. Ang adrenaline ay isang uri ng hormone na nagpapabilis ng tibok ng puso at nagpapapakipot ng mga daluyan ng dugo. Ang resulta, tumataas ang iyong blood pressure.
Hindi naman masama ang pag-inom ng kape, tsaa, o iba pang inuming may caffeine. Siguraduhin lang na hindi ito sosobra. Mahalaga rin na uminom ng tubig at iba pang source of fluid sa buong maghapon para hindi ma-dehydrate.
I-Monitor ang Blood Pressure sa Bahay
Kahit na hindi ka pa nakakaranas ng altapresyon, mas mabuting simulan na kaagad ang home monitoring ng iyong blood pressure. Mas importante ito sa mga taong may history na ng hypertension sa pamilya, pati na rin sa mga matatanda. Sa kabutihang palad, maraming nabibiling blood pressure monitor sa mga botika.
Simulang i-record ang blood pressure reading araw-araw at magpakonsulta sa doktor kung may nakitang malaking pagbabago. Tandaan na sadyang tumataas ang presyon sa ilang mga pagkakataon kaya huwag agad mag-panic kung mangyari ito. Halimbawa ng sitwasyon kung saan tumataas ang blood pressure ay tuwing pagkatapos mag-exercise.
Kung tumaas ang blood pressure pagkatapos ng sunod-sunod na normal reading, maghintay muna ng ilang minuto bago ulit kunin ang blood pressure. Kung pareho pa rin ang resulta, ituloy ang pagmo-monitor at sabihin sa iyong doktor ang mga pagbabago sa susunod na pagpapakonsulta.
Sa tulong ng mga tips na nabanggit sa itaas, mas madaling mapanatili ang kalusugan at makaiwas sa mga sakit katulad ng altapresyon.