Ano ang gamot sa pagkabaog ng lalaki o male infertility?

Ang gamot sa pagkabaog ng isang lalaki ang depende sa sanhi ng pagkabaog. Unang-una, dapat matiyak rin na ang babae ay hindi baog para masiguradong ang lalaki ang sanhi ng hindi pagkakaroon ng anak ng mag-asawa.

Kung “Pre-testicular” ang dahilan ng pagkabaog (dahil sa mga kondisyon sa katawan na nakakaaepekto sa mga organ na gumagawa ng semilya), maaaring ang solusyon ay sa pamamagitan ng mga gamot gaya ng hormone therapy at iba pa.

Kung “Testicular” ang dahilan ng pagkabaog (dahil sa problema sa mga itlog na syang gumagawa ng semilya), maaaring ang solusyon ay ang In Vitro Fertilization o IVF. Ang IVF ay isang proseso kung saan kinukuha ang sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae at sila’y pinag-uugnay sa isang espesyal na pinggan na kung tawagin ay “Petri dish”. Kapag napag-ugnay na ang dalawa para bumuo ng “embryo”, ito’y itinatanim sa bahay-bata ng babae, at ang “embryo” ang siyang magiging sanggol.

Kung “Post-testicular” naman ang dahilan (dahil nahihirapang dumaan ang semilya papalabas), maaaring surgery o isang operasyon ang soluyson. Pwede ring In Vitro Fertilization (IVF) ang gawing solusyon, gaya ng ipinaliwanag sa itaas na talata. Sa “Impotence” naman o kawalan ng kakayanang patigasin o panatilihing matigas ang ari ng lalaki, maaaring psychological counseling ang solusyon; maari ring gamot kaya ng Sildenafil (tulad ng Viagra).

Doktor ang makapagsasabi kung alin sa mga ito ang sanhi ng at solusyon para sa pagkabaog ng lalaki.

Sabi nga nila, “Prevention is better than cure,” o “Ang pag-iwas ay mas mainam sa pag-lunas”. Heto ang mga paraan para maiwasan ang pagkabaog (Subalit tandaan may mga dahilan ng pagkabaog na hindi maaaring maiwasan):

  1. Iwasan ang paninigarilyo sapagkat ito’y nakakasira ng sperm cells
  2. Iwasan ang pag-inom ng alak at paggamit ng bawal na gamot gaya ng marijuana at shabu
  3. Iwasang mainitan ang bayag
  4. Ang madalas na pakikipagtalik – araw-araw o higit pa – ay maaaring makapagpababa ng bilang ng sperm cells sa lalaki kaya pwede ring maghinay-hinay ng kaunti kung gustong magkaanak.