Kaalaman sa Kondisyon ng Pag-abuso sa Pag-inom ng Alak o Alcoholism

Ang kondisyon ng alcoholism o ang pag-abuso sa pag-inom ng mga inuming may alkohol o alak ay isang sakit na dinadanas ng marami sa buong mundo. Ito ay progresibo at pangmatagalang sakit na kung saan nahihirapang kontrolin ang pagnanais na uminom ng alak  kahit pa nakaaapekto na ito sa maayos na pamumuhay, kalusugan, at iba pang aspeto ng buhay gaya ng trabaho, relasyon sa ibang tao, at pag-iisip. Unti-unti, nagkakaroon ng pag-depende sa pag-inom ng alak ang pang-araw-araw na gawain.

Ano ang sanhi ng alcoholism?

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakadanas ng kondisyon ng alkoholismo ay konektado sa ilang mga salik gaya ng genetiko, pag-iisip, pakikisalamuha sa ibang tao, at maging ang kapaligiran. Sinasabing:

  • Ang mga taong may kamag-anak o nakatira kasama ang mga taong umiinom nang madalas ay higit na maaaring dumanas ng sakit na alkoholismo nang 3 hanggang 5 beses.
  • Ang pagkakaroon ng ibang mga kondisyon at karanasan mula pa sa pagkabata ay higit din na mas mataas ang posibilidad na maging dependente sa alak
  • Ang mismong personalidad ng isang tao ay nakaaapekto rin ng malaki sa posibilidad ng pagiging alcholic.

Ano ang mga posibleng komplikasyon ng alcoholism?

Image Source: unsplash.com

Ang pagiging dependent sa pag-inom ng alak sa mahabang panahon ay tiyak na hahantong sa maraming iba pang kondisyong pangkalusugan gaya ng sumusunod:

  • Komplikasyon sa mentalidad. Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakaaapekto sa maayos na pag-iisip, pananalita, koordinasyon ng buong katawan, at maging ang reaksyon sa mga kaganapan sa paligid. Apektado din nito ang emosyon, at kakayanang timbangin ang mga bagay-bagay (judgment). Kaugnay nito, hindi malayong humantong o masangkot sa mga sumusunod:
    • Mga aksidente
    • Problema sa bahay
    • Problema sa trabaho at pag-aaral
    • Mga krimen
  • Sakit sa atay. Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa atay dahil sa sobrang pag-inom ng alak. Maaaring dumanas mula sa pagkakaroong ng Hepatitis hanggang sa pagkasira ng atay o cirrhosis.
  • Problema sa daluyan ng pagkain. Ang sobrang alak ay maaaring magdulot ng pamamaga sa mga gilid ng sikmura (gastritis), at mga bituka. Maaari ding maapektohan ang ilan pang organ kagaya ng pancreas o lapay.
  • Sakit sa puso. Ang alak ay nakapagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo kung kaya’t posibleng dumanas din ng sakit sa puso
  • Komplikasyon sa sakit na diabetes. Maaaring lumala ang kondisyon ng diabetes dahil sa patuloy na pag-inom ng alak. Nagiging sagabal kasi ito sa maaayos na paggana ng atay sa paglalabas ng asukal sa dugo.
  • Pagrupok ng mga buto. Nakaaapekto din sa pagbuo ng mga bagong buto sa katawan ang sobrang alak sa katawan.
  • Komplikasyon sa dinadalang bata. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak habang nagbubuntis sapagkat nakaaapekto ito sa maayos na paglaki ng bata sa sinapupunan ng ina.
  • Mabilis na pagdapo ng mga sakit. Ang tuloy-tuloy na pag-inom ng alak ay nakapagpapahina ng resistensya ng katawan, kaya naman mabilis na dinadapuan ng mga sakit ang taong alcoholic.
  • Sakit na kanser. Ayon sa pag-aaral, ang matagal na pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser lalo na sa atay.