Ang birth control o contraception ay ang mga pamamaraan na isinasagawa upang mapigilan ang pagbubuntis. Bagaman hindi nito tuluyang naaalis ang posibilidad ng pagbubuntis pagkatapos ng pagtatalik, napakalaki naman ng porsyento na hindi matuloy ang pagbubuntis. Mahalagang ikonsidera ang pamamaraang ito kung ang magkapareha ay nagpaplano para sa pamilya (family planning), ang babae ay delikadong magbuntis, o kaya ay hindi pa talaga handa para sa pagkakaroon ng anak.
Image Source: www.awakenthegreatnesswithin.com
Ang pagbubuntis ay nagaganap sa oras na magtagpo ang semilya ng lalaki at ang egg cell ng babae sa kanyang matres, at layunin ng birth control methods na pigilan ang pagtatagpong ito.
Anu-ano ang iba’t ibang uri ng Birth Control Methods?
Maraming pamamaraan ng pagpigil sa pagbubuntis. At ang mga ito ay naiiba-iba depende sa paraan ng paggamit at kung paano nito pinipigilan ang pagtatagpo ng semilya at egg cell ng babae. Tunghayan sa Kalusugan.Ph ang ilan sa mga birth control methods na ginagamit ngayon.
1. Hormonal Methods
Ang pamamaraang ito ay binubuo ng mga iniinom na pills, tinuturok na gamot, dinidikit sa balat na patch, at mga pinapasok sa ilalim ng balat (implants). Malaki ang papel ng hormones na estrogen at progestin sa paglabas ng egg cell mula sa obaryo, kaya naman sa pamamagitan ng mga pills at skin patch na kumkokontrol sa mga ito, maaaring magbago o mapigilan ang panahon ng paglabas ng egg cell.
2. Intrauterine Devices (IUD)
Ang mga IUD ay ang bagay na ipinapasok sa matres ng babae na humaharang sa lumalabas na egg cell at mga pumapasok na semilya. Ito ay epektibong paraan ng pagpigil sa pagbubuntis at tanging doktor lamang ang maaaring magkabit nito.
3. Barrier Methods
Ito ay binubuo ng mga condom, diaphragm, cervical cap, sponge at shield. Lahat ng ito ay humaharang sa pagpasok ng semilya sa matres ng babae upang mapigilan ang pakikipagtagpo nito sa egg cell ng babae. Bagaman ito ay epektibo rin naman sa pagpigil ng pagbubuntis, mayroong panganib na pumalya ito kung sakaling mabutas o may mali sa pagkakalagay ng mga ito.
4. Natural na pagpaplano ng pagbuo ng pamilya
Ang Natural Family Planning ay epektibo para sa mga magkapareha na maingat na nagbabantay kung kailan maaari o hindi maaaring magbuntis ang babae. Dito ginagamit ang tinatawag na Calendar method kung saan binibilang ang mga araw mula sa huling dalaw (menstrual period). Ang pagtatalik ay ginagawa lamang mga panahon na infertile o hindi maaaring magbuntis ang babae.
5. Pagpapatali
Ito ay permanente at ang pinakaepektibong paraan ng pagpigil sa pagbubuntis. Dito’y tinatali o pinuputol ang maliliit na tubo na nagkokonekta sa mga pinagmumulan ng semilya at egg cell. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na vasectomy sa mga kalalakihan at ligation naman sa mga kababaihan. Ito ay dapat lamang gawin kung sigurado nang wala nang planong magkaanak.
Anu-ano ang dapat isipin sa paggamit ng mga birth control methods?
Bago gumamit ng mga pamamaraang nabanggit, dapat ay isipin muna kung alin sa mga ito ang magiging pinakaepektibo sa paraan ng pamumuhay o lifestyle, at mga kondisyon sa katawan. Halimbawa, para sa mga gagamit ng birth control pills, dapat ay kumpletong maiinom ang lahat ng gamot at susunding mabuti ang payo ng doktor sa pag-inom nito, kundi ay maaaring pumalya ang epekto nito. Dapat ding alalahanin na may ilang iniinom na gamot para sa mga karamdaman ang maaaring makabawas din sa epekto ng birth control pills. Para naman sa mga gumagamit ng Calendar Method, dapat ay tiyak din sa binibilang na araw at alam ang panahon kung kailan maaari o hindi maaaring magbuntis. Ang mga condom, diaphragm, shield at iba pa ay dapat ding siguraduhing matibay upang hindi pumalya. Upang mas makasigurado kung anong pamamaraan ang nararapat para sa iyo, makabubuti ang pagkonsulta sa doktor.