Kaalaman tungkol sa Fake Rice

Kamakailan lamang ay pumutok ang balita na may kumakalat na pekeng bigas sa pamilihan. Ayon sa mga nakabili at nakapagluto nito, ang sinaing na bigas ay may kakaibang tekstura, kulay, at amoy. Nagmimistulang styro-foam ang nilutong bigas, at kung ito ay susunugin, natutunaw ito na parang plastic. Agad na naalarma ang ilang ahensya ng pamahalaan, lalo na ang NFA, DTI, at DOH, ukol sa insidenteng nito kaya’t agad na inimbestigahan kung ano nga ba itong bigas na ito, at ano ang maaaring epekto nito sa kalusugan ng mga konsumer.

Saan yari ang pekeng bigas?

Ang pekeng bigas na kumalat sa pamilihan ay pinaniniwalaang yari sa ilang sintetikong materyal na hinaluan pa ng patatas at kamote. Ngunit ayon sa pagsusuri na isinagawa mismo ng National Food Authority o NFA, ang pekeng bigas ay may taglay na dibutyl phthalate (DBP) na isang uri ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga produktong cosmetics. Bukod pa rito, ang sinasabing pekeng bigas ay maaaring may taglay din daw na ibang uri ng starch na maaaring nagmula sa mais o patatas.

Paano malalaman kung peke ang bigas?

Kinakailangang maging mapagmatiyag at alisto upang maiwasang makabili ng pekeng bigas sa mga pamilihan. Sinasabing ang pekeng bigas ay may katangiang gaya ng sumusunod:

  • Mas maputi kaysa sa normal na bigas.
  • Mas magaan ang timbang
  • Iba ang hugis sa normal na bigas
  • Makintab ang tekstura
  • Mahirap putulin o madurog.
  • Amoy kemikal

Upang maiwasan ang pagkakabili ng pekeng bigas, tiyakin na bibili lang sa mga kilalang nagbebenta ng dekalidad na bigas.

Ano ang mga epekto sa kalusugan ng pagkain ng pekeng bigas?

Dahil ang pekeng bigas ay may taglay na mga sintetikong materyal, hindi malayong magdulot ito ng masamang epekto sa kalusugan lalo na kung mapaparami ang kinain. Maaaring maranasan ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng sikmura
  • Pagbabara sa daluyan ng pagkain
  • Kanser
  • Pagkabaog