Kaalaman tungkol sa Haze o usok

Ang haze ay isang kondisyon sa kapaligiran kung saan nagkakaroon ng pananatili ng makapal na usok sa paligid. Ito ay maaaring indikasyon ng malalang poluyon sa kapaligiran o krisis ng matinding sunog na hindi makontrol. Nakakaapekto ito hindi lamang sa linaw ng paningin sa paligid kundi pati na rin sa kalusugan ng mga makakalanghap nito.

Ang malalang haze ay maaaring bunga ng sumusunod:

  • Polusyon mula sa usok ng sasakyan
  • Polusyon mula sa usok ng mga pabrika
  • Usok mula sa matinding sunog ng mga kagubatan dahil sa pagkakaingin

Ano ang mga epektong pangkalusugan ng haze?

Ang pagkakalantad at pagkakalanghap sa usok o haze ay may panandalian (short-term) at pangmatagalang (long-term) epekto sa kalusugan. Maaari din itong magdulot ng bagong sakit o kaya’y magpalala sa sakit na matagal nang dinaranas. Ang mga sumusunod ay ang mga panandaliang epekto ng haze sa kalusugan:

1. Iritasyon sa mata

Maaaring makaranas ng iritasyon sa mata ang mga taong malalantad sa matinding haze sa kapaligiran. Ito ay maaaring may sintomas ng matinding pangangati ng mata, pagluluha at pamumula.

2. Implamasyon sa ilong

Maaaring maapektohan din ang produksyon ng mucus sa ilong kung makakalanghap ng usok o haze. Mas malala pa ang sintomas na mararanasan kung may allergy sa usok at polusyon.

3. Iritasyon sa lalamunan

Isa pang epekto ng pagkakalanghap sa usok o haze ay ang pagkakaranas ng sore throat o pamamaga sa lalamunan. May posibilidad pa na humantong ito sa pagkawala ng boses o iba pang mas malalang sakit sa lalamunan.

4. Karamdaman sa baga

Dahil ang hangin na nalalanghap ay dumederetso sa baga, tiyak na apektado ito kung makakalanghap ng hangin na may usok o haze. Maaaring manakit ang dibdib, magkaroon ng bronchitis o lumala ang sakit na hika.

Narito naman ang pangmatagalang epekto ng haze sa kalusugan:

1. Paglala ng sakit na matagal nang nararanasan.

Isa sa masaklap na epekto ng haze sa kalusugan ay ang paglala pa ng sakit na matagal nang nararanasan. Ang mga taong may sakit sa puso, hika, COPD, diabetes, kanser, at iba pang malalalang sakit ay maaaring mas lumala pa kung mananatiling nakakalanghap ng polusyon.

2. Paghina ng depensa o immune system ng katawan.

Apektado rin ang lakas ng depensa ng katawan kung matagal na malalantad sa nakakasamang usok. Ang haze ay immunosuppressant o nakakapagpahina ng immune system na maaaring magdulot ng malalang impeksyon.

3. Masamang epekto sa ipinagbubuntis.

Ang pagbubuntis ay maaaring magkaroon ng komplikasyon kung makakalanghap rin ng maruming usok. Maaaring magsanhi ito ng abnormalidad o mahinang kalusugan ng bata.

Paano mapoprotektahan ang sarili mula sa mga epekto ng haze sa kalusugan?

May ilang simple at epektibong hakbang para maiwasan at maprotektahan ang sarili mula sa masasamang epekto ng haze at polusyon sa katawan. Kabilang dito ang sumusunod:

  1. Magsuot ng proteksyon sa mukha o face mask lalo na kung lalabas sa mausok na lansanagan. Kung may matinding kaso ng haze sa paligid, huwag na lamang lumabas kung hindi naman mahalaga ang pupuntahan.
  2. Isara ang mga bintana, pintuan at iba pang bukasan sa bahay upang maiwasang makapasok sa bahay ang usok.
  3. Kung kaya din naman ng bulsa, gumamit ng panlinis sa hangin upang masala ang hangin na nilalanghap.
  4. Kung may sakit na pinapalala ng usok o haze, huwag kakaligtaan ang pag-inom ng gamot para dito.
  5. Uminom ng tubig at kumain ng masusustansyang pagkain upang mapalakas nag resistensya ng katawan.
  6. Iwasang magsunog ng mga bagay-bagay upang hindi na makadagdag pa sa problema.