Kaalaman Tungkol sa Ligtas na Pakikipagtalik

Sa panahong ngayon, ang mga paksang patungkol sa “sex“, “virginity“, at “one night stand” ay pawang mga salita na lamang at hindi na nagiging malaking isyung panlipunan. Kung noon ay nagdudulot ng isang malaking eskandalo ang pakikipagtalik lalo na sa hindi mo pa asawa, ngayon ay unti-unti na itong natatanggap ng lipunan at tila nagiging bahagi na lamang ng normal na pamumuhay. Sa kabila nito, hindi dapat kalimutan na kaakibat ng pagtanggap sa ganitong gawain ay ang responsibilidad hindi lamang sa maaaring ibunga ng pagsasamang ito kundi pati na sa kalusugan at kaligtasan ng magkapareha.

Mahalagang isaalang-alang ang kaligtasan ng isa’t-isa tuwing nakikipagtalik lalo na’t nariyan ang panganib ng mga sexually transmitted disease gaya ng AIDS, gonorrhea o tulo, kulugo sa ari, at iba pa. Layunin ng ligtas na pakikipagtalik na ilayo ang magkapareha sa mga STD at pagtibayin pa ang tiwala ng magkapareha sa isa’t-isa.

Mga hakbang kung paano magiging ligtas ang pakikipagtalik

Magtiis at huwag nang makipagtalik

Ang pinakaligtas na paraan para malayo sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik ay ang pagtitiis at hindi pakikipagtalik (abstinence). Hanggat kakayanin naman na magtiis, bakit hindi? Ang pagmamahalan ng magkapareha ay hindi naman nasusukat sa dalas ng pakikipagtalik, bagkus sa araw-raw na pagsasamahan at pagpapakita na mahalaga ang isa’t isa.

Magtanong, mag-usap at magtiwala

Makatutulong din ang pagtatanong, pag-uusap at pagtitiwala sa isa’t isa bago ang pagtatalik. Walang masama kung sisiguruhing malinis ang kapareha at wala itong nakakahawang sakit. Mahalagang pag-usapan ito ng bawat magkapareha sapagkat para rin naman ito sa kaligtasan ng isa’t isa. Kung positibo sa sakit, huwag mahihiyang ikuwento ito sa kapareha, sa halip ay magkasamang magtulungan sa paggagamot ng sakit.

Panatilihing iisa lamang ang kapareha sa pakikipagtalik

Manatiling tapat sa kapareha. Hindi na dapat pang maghanap ng iba na sasamahan para makipagtalik bukod sa iyong kapareha. Kung tunay ang pagmamahalan, dapat ay makuntento na sa isa at hindi na maghahanap pa ng iba.

Gumamit ng mga proteksyon sa pakikipagtalik

May ilang produkto na sadyang ginagamit bilang proteksyon sa pakikipagtalik gaya ng condom. Sa pamamagitan ng gomang binabalot sa ari ng lalaki, napipigilang makapasok ang semilya ng lalaki sa katawan ng babae. Dahil dito, ang mga likido ng katawan maaaring magdala ng nakakahawang sakit ay napipigilan ding makahawa. Siguraduhing gumagamit nito tuwing makikipagtalik, kahit na ito ay anal sex o oral sex.

Subukan ang ibang alternatibo sa pakikipagtalik

Ang magkapareha ay maaari pa rin namang magkaroon ng “intimate” na pagsasama bukod sa pakikipagtalik. Ang pakikipaghalikan, sensual na pakikipag-usap, at pakikipagyakapan sa kapareha ay maituturing na ligtas na paraan at alternatibo sa pakikipagtalik.