Kaalaman Tungkol sa Oxalic Acid

Ang oxalic acid ang napapabalitang substansya na tinuturong nagdulot ng pagkakalason ng tatlo sa isang tindahan ng milk tea sa Maynila noong buwan ng Abril. Ang substansyang ito na karaniwang ginagamit bilang panlinis ang lumabas sa imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory. Ang dugo ng parehong biktima na namatay sa insidente ay nagpositibo sa nakalalasong substansya. Kaugnay ng isyung ito, ano nga ba ang oxalic acid, at paanong nangyari na naihalo ito sa inuming milk tea?

Ano ang Oxalic Acid?

Ang oxalic acid ay isang kemikal o asido na walang kulay na karaniwang sangkap sa mga panlinis, bleach at mga pantanggal ng kalawang. Kung ito ay hindi pa tinutunaw sa tubig, ang itsura nito ay pino na maaaring mapagkamalang asukal o asin.

Ang asidong ito ay nakalalason at maaaring makamatay kahit pa kakaunti lamang. Sinasabing ang 4 mg o halos isang kutsarita ng substansyang ito ay sapat na upang makapatay ng isang indibidwal na nasa hustong edad, habang ang isang kurot naman nito ay maaari namang makapatay ng isang bata.

Paano maiiwasan ang pagkakalason ng Oxalic Acid?

Dapat alalahanin na ang hindi timpladong oxalic acid ay maaaring mapagkamalang asukal o asin, kaya mahalaga na itago ito sa lugar na malayo sa kusina o lababo. Dapat ding ilayo ang nakalalasong kemikal na ito sa maaabot ng mga bata upang maiwasan ang aksidente.

Ano ang dapat gawin kung sakaling makalunok ng Oxalic Acid?

Kung sakaling makalunok ng oxalic acid, iwasang pasukahin ang indibidwal sapagkat maaaring mas lumala pa ang kondisyon, partikular sa daluyan ng pagkain (digestive tract). Ang mas mabuting gawin para dito ay palunukin ng hilaw na puti ng itlog, 6 na itlog para sa bata, at 8 itlog naman sa mga matatanda. Agad din dapat na dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang nalason na indibidwal.