Kaalaman tungkol sa Pagkahimatay o Fainting

Ang pagkahimatay ay isang kondisyon kung saan biglaan at panandaliing nawawalan ng malay-tao ang isang indibidwal dahil sa kakulangan ng sapat na suplay ng dugo sa utak. Tinatawag din itong syncope sa terminolohiyang medikal.

Ano ang sanhi ng pagkahimatay?

Ang pagkahimatay ay maaari o maaaring hindi indikasyon ng mas seryosong karamdaman. Maaring dahil ito sa abnormalidad o karamdaman sa puso gaya ng iregular na ritmo ng tibok ng puso. Maaaring dulot din ito ng mababang lebel ng asukal sa dugo (hypoglycemia), kakulangan ng iron sa dugo (anemia), o kaya naman iregulardad sa presyon ng dugo.

Para sa ilan, ang pagkahimatay ay maaaring dulot din matinding emosyon gaya ng stress, pagkabalisa, matinding takot, o pagkaramdam ng matinding sakit. Maaari ding humantong sa pagkahimatay ang matinding gutom na nararamdan.

Ano ang dapat gawin sa taong hinimatay?

Kung sakaling makakita ng taong hinimatay, maaaring sunding ang mga sumusunod na hakbang:

1. Ihiga ang taong hinimatay.

Kung bumagsak ang taong hinimatay, agad na i-puwesto nang nakahiga at kung maaari, bahagyang iangat ang paanan ng hinimatay upang makarating ang dugo sa utak. Huwag piliting ibangon o gisingin ang hinimatay na indibidwal.

2. Bantayan siya kung maayos na nakakahinga.

Luwagan ang damit, tanggalin ang mahigpit na sintoron, at iba pang bagay na maaaring nakakapagpasikip ng paghinga. Bigyan siya ng sapat na hangin.

3. Bantayan din ang iba pang vital signs.

Bukod sa maayos na paghinga, bantayan din ang pulso at tibok ng puso. Bantayan din ang anumang senyales ng paggalaw ng hinimatay.

4. Bigyang lunas kung napinsala dahil sa pagbagsak.

Hindi malayong magkaroon ng pinsala sa katawan ang taong hinimatay dahil sa biglaan nitong pagbagsak. Maaaring mabagok ang ulo o tumama ang bahagi ng katawan sa matigas na bagay. Bigyang lunas kung may sugat o pagdurugo habang walang malay-tao ang hinimatay.

5. Tumawag ng tulong medikal

Kung lumampas na ang isang minuto nang hindi pa nanunumbalik ang malay ng hinimatay, agad nang tumawag ng tulong medikal. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na medical emergency.