Kaalaman tungkol sa substansyang Melamine

Ano ang melamine?

Ang melamine ay isang organikong kemikal na ang hitsura ay maputing malapulbos na kristal. Ito ay may mataas na lebel ng nitogen.

Para saan ang melamine?

Ang melamine ay ginagamit sa paggawa ng mga produktong plastic, pandikit, at whiteboard.

Bakit nagkakaroon ng melamine sa mga produktong gatas?

Image Source: www.washingtonpost.com

Ang presensya ng melamine sa mga produktong gatas ay resulta ng pandaraya sa mga produktong gatas sa bansang Tsina. Ito ay nagsisimula sa pagdaragdag ng tubig sa gatas na nakakapagpababa sa lebel ng mahalagang protina sa gatas. At upang makapasa ang produktong gatas sa mga pagsusuri na nagsasabing ito ay may sapat na dami ng protina (tinitignan ang lebel ng nitrogen sa produko upang masabi na may sapat na protina), dinaragdagan ito ng melamine.

Ang pagdaragdag ng melamine sa mga produktong gatas ay hindi aprubado ng FAO, WHO at iba pang mga awtoridad na nagsusuri sa kaligtasan ng mga iniinom at kinakaing produkto.

Saan pang mga pagkain maaaring makita ang melamine?

Sa pagputok ng isyu tungkol sa paggamit ng melamine noong taong 2007, napag-alamang dinaragdag din ang kemikal na ito sa mga produktong harina at bigas na ginagamit sa paggawa ng mga pagkain ng alagang hayop.

Ano ang mga maaaring epekto ng melamine sa kalusugan?

Sinasabing maaaring magdulot ng pagkakaroon ng bato sa bato (kidney stones) ang sobrang pagkonsumo ng produktong may melamine. Ang mga namuong kristal ng melamine ay maaari ding magdulot ng pagbabara sa maliliit na tubo sa bato at humarang sa dadaluyan ng ihi. Ang pinakamalalang problemang maidudulot nito ay ang pagkasira mismo ng mga bato.

Ano ang mga sintomas na may kaugnayan sa pagkakalason ng melamine?

Ang pangunahing sintomas na maaaring maranasan dahil sa pagkonsumo ng melamine ay hirap sa pag-ihi, pagdurugo sa pag-ihi, at mataas na presyon ng dugo.

Paano magagamot ang problema sa bato na dulot ng melamine?

Kinakailangan ang agarang pagpapasuri sa kondisyon ng bato. Sa pagtukoy sa kalagayan ng kalusugan ng mga bato nakasalalay ang gamutan na kakailanganin. Maaaring painumin ng ilang mga gamot na tutulong sa pagtunaw ng mga namuong bato, o kaya naman ay isailalim sa operasyon upang agad na maalis ang namuong bato.