Anong sintomas ng kagat ng scorpion o centipede? Pamamaga, pamumula, hapdi at kirot sa bahagi ng katawan na nakagat ang pinakakaraniwang mga sintomas; maaari ring magkaroon ng pansamantalang lagnat.
Heto ang mga hakbang na dapat gawin sa kagat ng centipede o scorpion:
- Hugasan ang nakagat ng alupihan o alakdan ng tubig at sabon.
- Patungan ng “cold compress” ang apektadong bahagi ng katawan para mabawasan ang pamamaga. Gawin ito 3-4 beses sa buong magdamag at sa mga susunod na araw hanggang mawala ang pamamaga.
- Maaaring uminom ng pain reliever gaya ng Paracetamol o Ibuprofen para mabawasan ang hapdi o kirot na mararamdaman sa kagat ng scorpion o centipede.
- Kung may pamamaga, maaari ring magpahid ng Hydrocortisone cream sa apektadong bahagi.
- Bantayan ang bahagi na nakagat kung magkakaroon ng pagbabago. Ang pagkakaroon ng nana ay isang sintomas ng impeksyon at dapat ipatingin sa doktor upang maresetahan ng antibiotiko.
- Panatilihing malinis ang bahagi ng katawan na nakagat; hugasan ito ng 1-2 beses sa isang araw ng sabon at tubig. Hindi bawal ang maligo.
- Magpatingin rin sa doktor kung hindi gumagaling ang sugat, kung may mataas na lagnat, o kung ay kagat ay nagdulot sa allergy sa balat (pagkakaroon ng pantal-pantal, pangangati, atbp.) o may pagbabago sa itsura ng kagat.