Ngayong panahon ng tag-ulan, aktibong-aktibo na naman ang mga lamok sa pag-hahanap ng kanilang kakagating biktima. Mabuti sana kung makating pantal lamang ang idudulot ng kanilang kagat, kaya lang maaaring may dala pa itong sakit na dengue na tiyak na magdudulot ng panganib sa kalusugan ng malas na biktima.
Ating alamin sa Kalusugan.Ph kung paano makaiiwas sa pagkagat ng maliliit na insektong ito gayun din sa mga sakit na maaaring makuha mula sa kanila.
Bakit aktibo ang mga lamok sa panahon ng tag-ulan?
Kasabay ng panahon ng tag-ulan kung kailan marami ang naiipong tubig sa mga alulod, mga nakatambak na gulong, at iba pang mga bagay na maaaring sumalo ng tubig pinaka aktibo ang mga lamok sa pagpaparami. Ito’y sapagkat sa mga imbak na tubig nangingitlog at nabubuhay ang mga kiti-kiti o batang lamok. At kaya naman aktibo rin sa pangangagat ang mga lamok sa panahong ito, kinakailangan kasi sa maayos na pangingitlog ng mga babaeng lamok ang pag-inom nila sa dugo ng biktima. Alalahanin na tanging babaeng lamok lang ang nangangagat ng mga biktima.
Sino ang pinipiling biktima ng mga babaeng lamok?
Sa maniwala man kayo o sa hindi, ang mga lamok ay namimili rin ng biktima na kanilang kakagatin. Ayon kay Dr. Jonathan Day ng University of Florida, mas pinipili ng mga lamok na kagatin ang mga sumusunod:
- Mga taong may Blood Type O
- Mga taong may mataas na lactic acid sa balat.
- Mga buntis
- Mga taong sobra ang timbang o obese
- Mga taong umiinom ng alak.
- Mga taong aktibo sa pagkilos
- Mga taong may suot na maitim na kulay ng damit.
Kailan at saan madalas nangangagat ang mga lamok?
Bukod sa pamimili ng kanilang kakagatin na biktima, ang mga lamok din ay namimili ng lugar at panahon kung kailan sila mangangagat. Sinasabing ang mga lamok ay nangangagat lamang sa mabababang lugar kung saan hindi kalakasan ang umiihip na hangin. Mas madalas ding nangangagat ang mga lamok sa madaling araw at sa dapit-hapon.
Paano makakaiwas sa kagat ng lamok?
Upang maiwasan ang pagkagat ng lamok, maaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Iwasan ang pagsusuot ng mga damit na may madilim na kulay.
- Gumamit ng kulambo sa pagtulog.
- Magpahid ng mga insect repellant na lotion. Ang mga ito’y kadalasang may epekto lamang sa loob ng 90 minuto, o isa at kalahating oras.
- Tiyaking walang naka-imbak na tubig sa paligid ng bakuran.
- Magbukas ng bentilador sa loob ng bahay.