Ang breastfeeding o pagpapasuso ng gatas ay ang pinagamahalagang paraan ng pagpapakain sa mga sanggol. Ito ay mahalaga, unang-una, para sa kalusugan ng sanggol dahil sa maraming nutrisyon na makukuha sa gatas ng ina. Taglay nito ang maraming bitamina, protina at fats na kailangan ng bata sa paglaki. At pangalawa, sa gatas ng ina nanggagaling ang mga pangunahing depensa o resistensya ng bata mula sa mga virus at bacteria na nakaambang na umatake sa katawan ng bata at magdulot ng mga sakit.
Ayon sa mga pediatrician at mga dalubhasa, ang pagpapasuso sa mga sanggol sa unang 6 na buwan ay makatutulong nang malaki hindi lamang sa kalusugan ng bata kundi pati na rin sa kalusugan ng ina.
Benepisyo ng pagpapasuso sa mga Sanggol
Ayon sa pagsasaliksik ng mga dalubhasa, ang tuloy-tuloy na pagpapasuso sa mga sanggol sa loob ng anim na buwan ay maaaring magbigay ng ilang mga benepisyong pangkalusugan sa bata. Narito ang sumusunod:
- Pagpapababa sa posibilidad ng pagkakasakit. Dahil sa gatas ng ina, maaaring magkaroon ng resistensya ang bata mula sa mga karamdaman gaya ng hika, allergies, diabetes, obesity, impeksyon sa daluyan ng paghinga at daluyan ng pag-ihi, at mga karamdaman sa daluyan ng pagkain. Sinasabing nakukuha ito sa colostrum o ang malapot na gatas ng ina na lumalabas lamang sa mga unang araw pagkatapos manganak.
- Masustansyang pagkain. Mayaman sa nutrisyon ang gatas na nagmumula sa ina. Ito ay tamang-tama para sa pangangailangan ng bata sa kanyang paglaki.
- Mas madaling pagtunaw. Mas naaangkop ang gatas ng ina sa kakayanan ng tiyan ng sanggol na tumunaw ng kinakain kung ikukumpara mga tinitimplang gatas. Dahil dito, mas mababa ang posibilidad ng pagtatae o hirap sa pagdumi sa mga bata.
Benepisyo ng pagpapasuso sa mga Ina
Ilan ding pag-aaral ang nakapagpatunay na may mabuti ring naidudulot sa kalusugan ng ina ang pagpapasuso sa bata.
- Mas mabilis na nanunumbalik sa normal ang matres ng bagong panganak na ina.
- Mas mabilis na pagkawala ng sobrang timbang na nakuha dahil sa pagbubuntis
- Mas mababang posibilidad ng pagkakasakit ng kanser sa suso at obaryo
- Mas mababang posibilidad ng pagrupok ng buto o osteoporosis
- Mas mababang posibilidad ng paglala ng kondisyon ng diabetes
Benepisyo ng pagpapasuso sa Kabuhayan at Kapaligiran
Hindi lamang sa kalusugan makatutulong ang pagpapasuso sa mga bata, bagkus makatutulong din ito sa pagpapaunlad ng buhay ng mga magulang.
- Walang basura o kalat na naiiwan. Dahil ang gatas ay direktang nanggagaling sa suso ng ina, walang kalat o basura na nalilikha kung kaya’t nakatutulong din sa kapaligiran ang pagpapasuso.
- Pangkabuhayan. Ang pagpapasuso ay libre kaya makatutulong ito ng malaki sa kabuhayan ng magulang.