Kahalagahan ng Pagsuri sa Lebel Cholesterol sa Dugo

Isa sa mga laging binabantayan sa pagsusuri ng dugo ay ang lebel cholesterol. Ang pagsusuring ito ay mahalaga lalo na sa pagbabantay sa panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng karamdaman gaya ng stroke at atake sa puso. Ginagawa ito upang matukoy kung nasa ligtas pa o nasa delikadong lebel na ang masamang cholesterol sa katawan. Ang sumusunod na mga sukat ang pinagbabatayan kung nasa ligtas, nasa kalagitnaan, o nasa panganib na ang lebel ng cholesterol sa katawan.

  • Low-risk o mababang panganib: 200 mg/dL o mas mababa pa
  • Borderline risk o kalagitnaan: 200-240 mg/dL
  • High-risk o nasa panganib: 240 mg/dL o mas mataas pa

Ang mabuti at masamang cholesterol sa katawan

Image Source: www.diabetes.co.uk

Bagamang mahalaga ang pagsusuri sa lebel ng cholesterol, dapat ding isaalang-alang ang pagbabantay sa balanse ng mabuti at masamang cholesterol sa katawan. Halimbawa, kahit nasa borderline o kalagitnaan lamang ang lebel ng cholesterol sa dugo, pero higit na mas mataas naman ang masamang cholesterol  kaysa sa mabuting cholesterol, ang pasyente ay maaaring i-konsider pa rin na nasa panganib o high-risk sa pagkakaroon ng sakit.

  • Ang pagkakaroon ng higit sa 50 na lebel ng high-density lipoprotein (HDL) o mabuting cholesterol ay maituturing na mabuti para sa kalusugan.
  • Ang pagkakaroon ng mas mababa sa 130 na lebel ng low-density lipoprotein (LDL) o masamang cholesterol ay maituturing na ligtas.
  • Ang pagkakaroon ng 130 hanggang 160 na lebel ng low-density lipoprotein (LDL) o masamang cholesterol ay maituturing na nasa borderline o kalagitnaan.
  • Ang pagkakaroon ng higit sa 160 na lebel ng low-density lipoprotein (LDL) o masamang cholesterol ay maituturing na delikado at nasa mataas na panganib.