Kahalagahan ng regular na pagdudumi

Ang pagdudumi, o pagbabawas, bagaman isang sensitibong isyu na bihirang pinag-uusapan, ay hindi dapat isinasawalang-bahala. Ito ay mahalaga at kinakailangang gawin nang regular upang manatiling maayos ang paggana ng sistemang pantunaw ng kinain (digestive system) ng bawat indibidwal. Ito ang nagsisilbing paraan ng katawan upang mailabas ang mga pagkaing kinain at dumaan na sa proseso ng pagtunaw at pagsisipsip sa sustansya. Kung hindi mailalabas ang mga kinain, maaaring pag-ugatan ito ng pagkakasakit.

Ang pagdudumi ay maaaring mangahulugan ng malusog na pangangatawan ng isang tao, ngunit sa kabilang banda, ang pagbabago sa normal na pagdudumi ay maaari ring mangahulugang may problema sa kalusugan.  Ating alamin ang mga benepisyo ng regular na pagdudumi, gayundin ang mga paraan para mapanatili itong regular.

Kailan masasabing normal ang pagdudumi?

Ang regular na pagdudumi ay hindi awtomatikong katumbas ng araw-araw na pagdudumi. Ang dalas ng pagbabawas ng laman ng tiyan ay naiiba-iba sa bawat tao. Maaaring sa ilan, ang normal na pagdudumi ay ginagawa araw-araw, habang sa iba naman, ang pagdudumi ay kada dalawang araw. Ngunit ayon sa mga eksperto, ang isa hanggang tatlong beses na pagdumi sa isang araw, hanggang sa tatlong beses na pagdumi sa isang linggo ay matuturing pa rin na regular na pagdudumi.

Ano ang mga benepisyo ng regular na pagdudumi?

Ang regular na pagdudumi ay may ilang mabubuting epekto sa kalusugan ng tao gaya ng sumusunod:

  • Mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng colorectal cancer.
  • Mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng abnormalidad sa pagdudumi gaya ng diarrhea at constipation.
  • Mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng almoranas.
  • Mas kaunting pag-utot.
  • Mas epektibong pagsipsip ng tubig at mga mahahalagang sustansya.
  • Mas komportable at magaan na pakiramdam.

Ano ang maaaring mangyari kung hindi makadumi?

Ang ilang araw o ilang linggo ng hindi pagdudumi ay isang problemang pangkalusugan na nangangailangan ng atensyong medikal. Ang ganitong kondisyon na kung tawagin ay constipation o pagtitibi, ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan kung mapapabayaan. Bukod sa hindi komportableng pakiramdam na maaaring idulot ng namuo, nanigas, at hindi makalabas na dumi, ito rin ay maaaring makalason at magdulot ng sakit.

Paano mapapanatiling regular ang pagdudumi?

Upang manatiling normal at regular ang pagdudumi, maaaring sundin ang mga sumusunod na mga hakbang:

  • Kumain ng regular at sapat.
  • Huwag magpipigil ng pagdudumi.
  • Siguraduhing umiinom ng tubig nang sapat.
  • Kumain ng pagkain na mayaman sa fiber.
  • Kumain din ng mga pagkain na may ligtas na taba (fats).
  • Panatilihin ang normal na bilang ng nakatutulong na bacteria.