Kahalagahan ng Regular na pagkonsulta sa dentista

Ang pagpapatingin sa dentista ay isang mahalagang hakbang para mapanatili ang kalusugan ng mga ngipin at bibig sa pangkabuuan. Laging tatandaan na ang pagbisita sa dentisa ay hindi ginagawa lamang sa tuwing may masakit na ngipin o may problema sa bibig dapat masolusyonan, bagkus ito ay ginagawa nang regular bilang pag-agap sa posibleng problema sa ngipin at bibig. Ilan sa mabubuting dulot ng regular na pagpapatingin sa dentista ay ang sumusunod:

1. Maagang pag-agap sa mga sakit

Dahil ang bibig ay pinamumugaran ng maraming uri ng bacteria, may tsansa na dito magmula ang impeksyon na makapagdudulot ng ilang sakit sa katawan. Kaya naman mahalaga mapanatili ang kalinisan ng bibig upang makontrol din ang dami ng mga bacteria sa bibig na maaaring makapagdulot ng impeksyon. Ilang sintomas ng malalalang sakit din ang maaaring maagang masilip kung regular din magpapatingin sa densitsa.

2. Pagpapaliit ng posibilidad ng stroke at sakit sa puso

Ilang pag-aaral ang nagsasabing may kaugnayan ang kalusugan ng bibig sa taas ng posibilidad na makaranas ng stroke at sakit sa puso. Kung kaya’t nararapat lamang din na itrato nang tama ang bibig sa pamamagitan ng pagpapanatiling ng kalinisan at kalusugan nito. Isa sa mga paraan upang maisakatuparan ito ay ang regular na pagpapatingin sa dentista

3. Mas maputing mga ngipin

Sino ba naman ang magnanais ng naninilaw o nangingitim na ngipin? Matutulungang mas mapanatiling maputi ang mga ngipin kung regular din na magpapatingin sa dentista. Ang lahat ng mantsa mula sa mga kinakain ay maaaring maalis sa tulong ng ilang pamamaraang tanging dentista lang ang makakagawa.

4. Pag-agap sa pagkakaroon ng mabahong hininga

Ang pagkakaroon ng mabahong hininga ay isang kondisyon na maaaring bunga ng isa o ilang mga dahilan. Madali lang naman itong masolusyonan lalo na kung regular na nagpapatingin sa dentista. Maaaring agad na mapag-alaman at mabigyan ng payo upang maiwasang humantong sa ganitong kondisyon.

5. Pagpapanatiling kumpleto ng mga ngipin

Sa tulong ng regular na pagbisita sa dentista, mas napapaliit ang tsansa na magkaroon ng sirang ngipin na sa kalaunan ay kakailanganin nang bunutin. Kung gayon, mapapanatiling kumpleto ang bilang ng mga ngipin nang mas matagal na panahon.

6. Pagpapanatili ng kalusugan ng gilagid.

Bukod sa mga ngipin, dapat ding bantayan ang kalusugan ng mga gilagid. Ang mga bahaging ito kasi ay sensitibo at maaaring masugatan at pagmulan ng impeksyon kung hindi agad malulunasan. Ang pagsusugat ng gilagid ay isa sa mga dahilan ng mabahong hininga at impeksyon na maaaring makaapekto sa puso at utak.

Gaano kadalas dapat magpatingin sa dentista?

Para sa mga taong may malusog na pangangatawan at maayos na mga ngipin, inirerekomenda ng mga denstista ang isang beses na pagpapatingin kada 6 na buwan. Sa tulong nito, mas maagang masisilip ang problema sa mga ngipin at agad na maaagapan ang posibleng problemang kahinatnan nito. Ngunit kung may kondisyong nararanasan na kinakailangang mabigyan ng sapat na atensyon, maaaring irekomenda ng dentista ang mas madalas pang pagbisita.