Ang kalusugan ay kayamanan. Kaya’t nararapat lamang na ito ay pangalagaan at mapanatiling nasa maayos na kondisyon sa lahat ng oras. Aanhin mo ang yamang kinikita sa araw-araw na pagtatrabaho kung ang buhay naman ay nanganganib dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa kalusugan?
Ang regular na pagpapa-check-up o pagpapatingin sa doktor ay isang mahalagang paraan para mapangalagaan ang kalusugan. Ang sumusunod ay ilan sa mga benepisyong hatid ng regular na pagpapatingin sa doktor:
Image Source: www.freepik.com
1. Maagang pagkakatuklas sa sakit
Dahil sa regular na pagpapatingin sa doktor, mas malaki ang posibilidad na maagang matuklasan ang isang karamdaman bago pa man ito lumala at makapaminsala nang husto sa katawan. At bilang resulta, mas lumalaki din ang tsansa na maagapan at gumaling mula sa pagkakasakit.
2. Mas mapapa-murang gastusin
Dahil pa rin sa regular na check-up, nababawasan nang husto ang gastusin pagkat mas mabilis at mas madaling nagagamot ang sakit. Ang mga mamahaling gastusin gaya ng pagpapagamot sa ospital at pagpapasailalim sa mga komplikasdong pamamaraang medikal ay maaring maiwasan kung maagang masosolusyonan ang sakit.
3. Kapakipakinabang at ekspertong payong pangkalusugan
Mabibigyan din ng kapakipakinabang at ekspertong payo mula sa mga doktor ang mga taong regular na nagpapatingin. Sa tulong nito, mas nakokontrol at nalilimitahan ang mga bawal, habang nahihikayat naman ang mga gawaing nakabubuti sa kalusugan.
Gaano kadalas dapat magpa-check-up?
Ang pagpapa-check-up ay dapat ginagawa nang regular kahit pa masasabing malusog ang pangangatawan at wala namang masamang nararamdaman. Ang dalas ng pagpapatingin sa doktor ay maaaring mag-iba-iba depende sa kondsiyon, kasarian, at edad ng isang tao.
- Para sa mga tao na ang edad ay 30 o mas bata pa, at walang kondisyon na nararanasan, hindi naninigarilyo, at masasabing malusog ang pangangatawan sa pangkalahatan, maaaring magpatingin nang isang beses kada 2 hanggang 3 taon.
- Para sa mga kababaihan na 21 na taong gulang pataas at aktibong nakikipagtalik, kinakailangan ang taon-taong pagpapatingin o pagpapa-screen para sa sakit na cervical cancer.
- Para sa mga tao na may edad 30-40, at may malusog na pangangatawan, kinakailangang ang pisikal na eksaminasyon kada 2 taon.
- Para sa mga tao na may edad 50 pataas, kinakailangan na ang taon-taong pagpapatingin para sa mga may malulusog na pangangatawan.
- Ang mga taong obese o may sakit gaya ng diabetes, altapresyon, at iba pa ay maaaring mangailangan ng mas madalas na check-up, depende sa doktor na tumitingin. Kadalasan, ay kada 3 buwan upang mabantayan nang husto ang kalagayan.