Isa sa mga dapat tandaan sa pagbili ng mga gamot sa butika ay ang pagpili kung ito ay generic o branded. Sa pamamagitan ng simpleng paraang ito, maaaring makatipid nang husto sa gastusin sa paggagamot.
Ano ang pinagkaiba ng dalawa?
Image Source: www.freepik.com
Ang lahat ng gamot ay may generic na pangalan, at bawat generic na pangalan ng gamot ay maaaring may katumbas na brand name.
Kung ang ginagamit na pangalan ng gamot ay tanging generic name lamang nito, ito ay tinuturing na Generic na Gamot; ngunit kung ang ginagamit naman na pangalan ng gamot ay ang kaniyang katumbas na brand name, ito ay tinuturing na Branded na Gamot.
Bilang paglilinaw, narito ang ilang mabuting halimbawa: Ang gamot na paracetamol ay isang generic na gamot na kilalang ginagamit para sa lagnat; isa sa mga katumbas nitong branded na gamot ay Biogesic. Isa pang halimbawa ng generic na gamot ay ibuprofen, at isa naman sa mga katumbas nitong branded na gamot ay Medicol.
Dahil sa dala-dalang pangalan ng mga branded na gamot, ang mga ito ay kadalasang higit na mas mahal kung ikukumpara sa presyo ng mga generic na gamot.
Alin ang mas epektibong gamitin?
Kadalasan, ang mga generic na gamot at katumbas nitong branded na gamot ay halos wala namang pinagkaiba sa (1) dosage o dami ng gamot, (2) paraan ng paggamit, (3) kung saan ginagamit, (4) mga epekto, (5) side effect, at (6) lakas ng epekto. Sa madaling salita, wala namang kaibahan ang generic na gamot at ang katumbas niyang branded na gamot bukod sa kanilang dalang pangalan at magkalayong presyo. Walang nakalalamang sa generic at branded na gamot pagkat pareho lamang sila ng epekto.