Kaibahan ng Stroke, Cardiac Arrest, at Atake sa Puso

Ang stroke, cardiac arrest, at atake sa puso ay mga pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ng kahit na sino. Ang tatlong ito ay magkakaparehong itinuturing na “medical emergency” o nangangailangan ng agarang atensyong medikal sa oras na maranasan. Ito’y sapagkat maaari itong maging sanhi ng kamatayan kung hindi kaagad matutugonan. Sa katunayan, ang mga ito ang nangungunang sanhi ng kamatayan hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati rin sa buong mundo.

Bagaman ang stroke, cardiac arrest at atake sa puso ay pare-parehong nakamamatay at ang mga sintomas na kanilang kaakibat ay halos magkakahalintulad, dapat tandaan na ang bawat isa ay pawang magkakaiba. Bilang paglilinaw, narito ang kaibahan ng tatlong kondisyon:

Stroke

Ang stroke ay tumutukoy sa kondisyon kung saan ang suplay ng dugo patungong utak ay nalilimitahan o humihinto. Maaaring dahil sa nabarahang ugat o kaya ay pumutok na ugat sa utak. Hanggat hindi nanunumbalik ang maayos tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa utak, ang mga cells sa naturang bahagi ay unti-unting mamamatay. Kung hindi agad mabibigayan ng atensyong medikal, maaari itong ikamatay.

Pangunahing sanhi: Altapresyon, pamumuo ng dugo sa mga ugat patungong utak, sobrang cholesterol sa katawan.

Cardiac Arrest

Ang cardiac arrest ay tumutukoy naman sa kondisyon kung saan ang puso ay biglang huminto sa pagtibok. Dahil dito, humihinto rin ang pagdaloy ng dugo patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan—isang delikadong sitwasyon na kung hindi matutugunan sa lalong madaling panahon, ay maaaring ikamatay sa loob lamang ng ilang minuto.

Pangunahing sanhi: Coronary heart disease, arrhythmia (abnormalidad sa ritmo ng tibok ng puso).

Atake sa puso

Nangyayari naman ang atake sa puso kung ang suplay ng dugo sa mga kalamnan ng puso ay nalilimitahan o humihinto dulot ng ilang mga sirkumstansya. Maaring dahil sa pagbabara ng namuong dugo o cholesterol sa mga ugat, o kaya naman ay pumutok ang mismong ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso. Kung hindi maibabalik sa normal na daloy ng dugo, unti-unting namamatay ang mga kalamnan ng puso hanggang sa tuluyang pagkamatay ng pasyente.

Pangunahing sanhi: Coronary artery disease, sobrang cholesterol sa katawan, altapresyon, pamumuo ng dugo sa mga ugat patungong puso