Buod

Ang acid reflux at gastroesophageal reflux disease (GERD) mga magkaugnay na kondisyong umaapekto sa tiyan at lalamunan. Ang isa sa mga pangunahing sintomas ng dalawag ito ay ang tinatawag na heartburn. Ito ay dahil sa mainit na pakiramdam na dinudulot nito sa dibdib malapit sa kinaroroonan ng puso, bagama’t wala itong kinalaman sa bahaging ito.

Kadalasang nalilito ang marami tungkol sa pagkakaiba ng mga terminong acid reflux at gastroesphageal reflux disease (GERD). Sa madaling salita, ang acid reflux ay ang pagdaan ng asido ng tiyan pabalik sa sikmura bunga ng ilang mga kadahilanan. Samantala, ang GERD naman ay isang mas malubhang kondisyon kung saan nagkakaroon na ng problema sa esophageal sphincter ng pasyente. Kaya, nagdudulot ito ng paulit-ulit na acid reflux.

Ang kondisyong acid reflux naman ay karaniwang bunga ng pagkakaroon ng labis na acidic na laman ng tiyan. Kaya, ito ay naipipilit na dumaan pabalik sa lalamunan na siya namang ugat ng mainit at mahapding pakiramdam dito at sa dibdib. Bahagya ring mapapansin ang maasim na lasang dala nito. Bagama’t ang pinaka-karaniwang sanhi nito ay ang pagpili ng ilang uri ng mga pagkaing maaaring magdulot nito, mas mataas din ang panganib na makaranas nito para sa mga taong mataba at kulang sa ehersisyo.

Naiiwasan naman ang acid reflux sa pamamagitan ng ilang pagbabago sa uri ng pamumuhay. Dagdag dito, nalulunasan din ang mga kaso nito sa pamamagitan ng mga gamot, paninistis, o kaya ay pagkakasama o kombinasyon ng ilan sa mga paraang ito.

Kasaysayan

Ang unang nailimbag na obserbasyon ukol sa “peptic ulcer ng lalamunan (esophagus)” ay mula kay Wilder Tileston noong 1906. Noon namang 1934 ay iniugnay ni Asher Winkelstein ang mga sintomas ng acid reflux o GERD sa acid regurgitation at reflux oesophagitis. Nagpatuloy ang mga pagsusuri ukol sa acid reflux hanggang sa maipakita ni Bernstein at Baker noong 1958 ang malinaw na kaugnayan ng oesophageal acidifcation at ng acid reflux sa mga taong mayroong gastro-oesophageal reflux na kondisyon.

Pagsapit ng 1980s, sa patuloy na mga pagsusuri sa lalamunan kaugnay ng acid reflux ay napag-alaman na ang pagsumpong ng acid reflux ay kaugnay ng paggalaw ng lower oesophageal sphincter, isang uri ng kalamnan na lumuluwang at humihigpit. Mula noon ay nagkaroon na ng matibay na mga ebidensya ng kaugnayan ng mga salik na anatomical at physiological sa pagkakaroon ng acid reflux. At sa wakas, noong 1989 ay ipinakilala ang unang proton pump inhibitor (PPI) na omeprazole, na isa pa rin sa mga ginagamit ngayong gamot para sa acid reflux.

Mga Uri ng Acid Reflux

Sa ngayon ay wala pang matukoy na iba’t ibang uri ng acid reflux. Subalit, ito ay may iilang mga sanhi at ang mga ito ay nagpapakita ng iba’t ibang sintomas. Makikilala ang kondisyong ito sa pamamagitan ng mainit at minsan ay mahapding pakiramdam sa dibdib (hearburn) na dulot ng pag-angat ng stomach acid mula sa tiyan patungo sa lalamunan.

Paano ba nagkakaroon ang tao ng acid reflux? Anu-ano ang mga sanhi nito?

Mga Sanhi

Image Source: unsplash.com

Ang acid reflux ay nangyayari kapag ang mga asido sa tiyan ay umakyat sa lalamunan. Ito ay dulot ng abnormal na pagkilos ng sphincter sa ibaba ng lalamunan. Humihigpit ito kapag ang tubig o pagkain na nilunok ay nakababa na sa tiyan.

Kapag nag-relax ang sphincter, maaaring dumaloy paitaas ang mga nilunok na mga pagkain kasama ang stomach acid. Lalo itong lumalala kapag ang tao ay nakatuwad o kaya ay nakahiga.

May mga pagkakataon na ang acid reflux ay napalalala ng mga sumusunod:

  • Pagpili ng maaanghang na mga pagkain
  • Pag-inom ng kape, tsaa, tsokolate, at iba pang may taglay na caffeine
  • Pag-inom ng mga nakalalasing na mga inumin
  • Pagiging labis na mabigat (overweight)
  • Pagbubuntis
  • Pagkabalisa at pagdanas ng stress
  • Paninigarilyo
  • Pag-inom ng ilang mga gamot, tulad ng mga anti-inflammatory na mga painkiller
  • Pagkakaroon ng hiatus hernia na nagdudulot ng pag-angat ng isang bahagi ng tiyan papunta sa dibdib

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng acid reflux ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng heartburn na mayroong mainit, o minsan ay mahapdi, na pakiramdam sa gitnang bahagi ng dibdib
  • Pagkakaroon ng hindi kanais-nais na maasim na lasa sa bibig dulot ng asidong galing sa tiyan
  • Pagkakaroon ng masamang amoy sa hininga

Maaari ring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas ang taong nakararanas ng acid reflux:

  • Pababalik-balik na ubo o pagsinok
  • Pamamalat ng boses
  • Bahagyang paglobo ng tiyan
  • Pagduduwal

Dapat ding alalahanin na lahatng tao ay maaaring makaranas ng acid reflux.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Ang isa sa mga tinuturong nagpapataas ng panganib na makaranas ng acid reflux at ng pagkakaroon ng GERD ay ang pagpili ng ilang mga uri ng pagkain. Kaya, ang mga taong mahilig sa mga sumusunod na pagkain may mataas na posibilidad na magkaroon nito:

  • Maaanghang na mga pagkain
  • Sibuyas
  • Mga inumin o pagkaing may taglay na citrus
  • Ketchup at iba pang produktong gawa sa kamatis
  • Mga pritong pagkain
  • Kape
  • Tsokolate
  • Nakalalasing na inumin
  • Carbonated na mga inumim
  • Mga matatabang pagkain

Ang pagiging labis na mataba o overweight, maging ang pabubuntis, ay nagpapataas din sa posibilidad ng pagdanas ng acid reflux. Ang mga tao namang umiinom ng ilang mga gamot, kagaya ng ibuprofen, ay maaari ring makaranas ng kondisyong ito.

Anu-ano ang mga komplikasyon na maaaring idulot ng acid reflux?

Mga Komplikasyon ng Acid Reflux

Masasabi na ang pinaka-pangunahing komplikasyon ng madalas na pagdanas ng acid reflux ay ang pagkakaroon ng gastrosephageal reflux disorder o GERD. It ay dahil sa pagkakaroon na ng pagkapinsala sa esphageal sphincter ng pasyente, na siyang nagdudulot ng paulit-ulit na pagdanas ng acid reflux. Ngunit dagdag dito, ang  labis na pagkapinsala ng lalamunan na dala ng GERD ay maaari ring humantong sa pagkakaroon ng pre-cancerous na mga pagbabago dito, na kung tawagin ay Barrett’s esophagus.

Anu-ano naman ang mga maaaring gawin upang maiwasan ang acid reflux  o GERD?

Pag-Iwas

May ilang mga bagay na maaaring gawin para ma-iwasan ang acid reflux.

Dapat tandaan na ang mga nailunok na pagkain o inumin ay dapat na tumuloy sa tiyan at mamalagi dito nang ilang minuto o oras habang tinutunaw. Kaya, dapat na gawin ang mga sumusunod pagkatapos kumain o uminom:

  • Iwasang humiga kaagad, lalo na kapag naparami ang kinain o ininom.
  • Mamalagi muna sa nakatuwid na posisyon nang ilang oras pagkatapos kumain.
  • Sumandal muna sa ulunan ng higaan nang ilang minuto bago tuluyang matulog.
  • Iwasan ang mga mabibigat na gawain pagkatapos kumain upang maiwasan ang pagpiga ng tiyan.

Sa paraan naman ng pagkain o pag-inom ay kinakailangang alalahanin ang mga sumusunod:

  • Sikaping maging maaga ang pagkain ng hapunan upang maging maaga rin ang pagpapahinga sa gabi.
  • Iwasan ang pagkain ng mga snack sa gabi.
  • Kumain sa mga lugar na stress-free.
  • Panatilihin ang komportableng postura habang kumakain.
  • Tiyaking nakatayo o naka-upo sa pag-inom ng gamot at alalayan ang paglunok nito sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig.

Makatutulong din kung iiwasan ang mga sumusunod na mga uri ng pagkain na pumipigil sa maayos na paggana ng sphincter sa lalamunan:

  • Matatabang pagkain
  • Sibuyas o pagkaing mayaman sa sibuyas
  • Tsokolate
  • Kape o mga inumin at pagkaing may caffeine
  • Mga nakalalasing na inumin

Sanggunian