Buod

Ang acromegaly ay isang uri ng sakit sa endokrina, partikular na sa pituitary gland. Ang pituitary gland ay singlaki ng buto ng tsitsaro na matatagpuan sa bandang ilalim ng utak. Ang glandulang ito ay tinatawag na “master gland” sapagkat ito ang kumokontrol sa mga gawain ng ibang mga hormone-secreting gland sa katawan. Bukod dito, gumagawa rin ito ng sariling mga hormone, gaya ng growth hormone (GH). Kapag ang pituitary gland ay tinubuan ng mga tumor, nagiging labis-labis ang produksyon nito ng GH at nagreresulta sa acromegaly.

Sa acromegaly, mapapansin na lumalaki ang mga buto ng mukha, mga kamay, at paa. Bukod dito, mapapansin na tila humahaba o nagiging pangahin ang mukha ng isang tao, at umuumbok ang mga buto sa bandang kilay. Ilan lamang sa mga kilalang personalidad na may acromegaly ay si Tony Robbins, isang motivational speaker.

Madalas na nalilito ang ibang mga tao kung ano ang pinagkaiba ng acromegaly sa gigantism. Sa mga kondisyong ito, parehas na naaapektuhan ang dami ng GH sa katawan. Subalit sa gigantism, ang karaniwang naaapektuhan nito ay mga bata kaya naman patuloy sila sa paglaki hanggang maging tila higante ang kanilang mga katawan. Sa acromegaly naman, karaniwang nakaaapekto lamang ito sa mga middle-aged adult o yung mga taong may edad na 30 hanggang 50-taong-gulang.

Ang acromegaly ay isang madalang ngunit seryosong kondisyon sapagkat maaari itong magdulot ng mga komplikasyon sa puso at mga kidney o bato. Ganunpaman, maaari namang mapigilan ang paglubha ng kondisyon sa pamamagitan ng operasyon, pag-inom o pagturok ng mga gamot, at radiation therapy.

Kasaysayan

Image Source: www.entrepreneur.com

Noon pa man ay napukaw na ang atensyon ng mga mananaliksik ang kondisyon na acromegaly at gigantism. Ang unang naglahad ng kondisyon na acromegaly ay si Johannes Wier, isang Dutch na doktor, noong taong 1567. Subalit si Pierre Marie ang gumawa ng terminolohiya na “acromegaly” noong taong 1886 nang maobserbahan niya ang 2 mga pasyente na may ganitong kondisyon. Ayon sa kanyang pagsusuri, pati na rin sa mga otopsiya, may kaugnayan ang paglaki ng pituitary gland sa pagkakaroon ng acromegaly.

Sa patuloy na pag-aaral ng iba’t ibang mga mananaliksik sa kondisyon, natuklasan na nagkakaroon ng pituitary hyperfunction o pagiging labis na aktibo ng pituitary gland kapag tinubuan ito ng mga tumor. Dagdag dito, mas marami pang nalaman tungkol sa acromegaly matapos matuklasan ang mga growth hormone (GH) at insulin-like growth factor-1 (IGF-1).

Nang sumapit ang ika-20 siglo, natuklasan na mabisang lunas para sa acromegaly ang pag-oopera at radiation therapy. Bukod dito, natuklasan pagkatapos ng taong 1970 ang ilang mga gamot na makapagpapagaling sa kondisyon na gaya ng mga dopamine antagonist, somatostatin analogue, at GH receptor blocker.

Mga Sanhi

Ang pinakapangunahing sanhi ng acromegaly ay ang pagtubo ng tumor sa pituitary gland na tinatawag na pituitary adenoma. Hindi naman cancerous o kumakalat ang mga tumor na ito, subalit maaari silang gumawa ng mas maraming growth hormone (GH). Sa pagtaas ng GH, tumataas din ang insulin-like growth factor-1 (IGF-1), isang uri ng hormone na ginagawa sa atay na may kinalaman din sa paglaki ng isang tao.

Mga Sintomas

Image Source: www.nbcnews.com

Maaaring hindi agad mapansin na may acromegaly ang isang tao sapagkat ang mga sintomas ay mabagal ang paglabas. Bukod dito, maaaring akalain din ng pasyente na siya ay tumaba lamang kaya hindi kasya sa kanya ang mga dati niyang sapatos, singsing, damit, at iba pa.

Ganunpaman, kung napapansin o nararanasan ang mga sumusunod na sintomas, magpakonsulta sa doktor sapagkat maaaring ang kondisyon ay acromegaly na:

  • Paglaki ng mga buto sa mukha, mga kamay, at mga paa
  • Pagtubo ng mas maraming buhok sa mga kababaihan
  • Pagiging pangahin ng mukha
  • Paglaki ng dila
  • Tila pag-umbok ng mga buto sa may bandang kilay
  • Biglaang paglaki kahit na tapos na ang growth spurt
  • Pagbigat ng timbang
  • Pamamaga at pananakit ng mga kasukasuan
  • Paghihiwalay o pagkakaroon ng puwang sa pagitan ng mga ngipin
  • Tila paglapad o paghihiwalay ng mga daliri sa mga kamay at paa
  • Pagiging mas malagom ng boses
  • Pagkaranas ng mabilis na pagkapagod
  • Pagsakit ng ulo
  • Pagiging hirap sa pagtulog
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Labis na pagpapawis
  • Pagbaho ng katawan o pagkakaroon ng body odor
  • Paglaki ng mga oil gland o butas sa balat na gumagawa ng langis sa katawan
  • Pagkapal ng balat
  • Pagkakaroon ng mga skin tag

Kung pinaghihinalaan ng doktor na acromegaly ang kondisyon batay sa mga ipinapakitang sintomas, maaaring sumailalim ang pasyente sa isang blood test upang malaman ang dami ng IGF-1. Kung mataas ito, nangangahulugan na mataas din ang dami ng GH ng pasyente.

Bukod sa blood test, maaari ring sumailalim ang pasyente sa oral glucose tolerance test (OGTT). Sa diagnostic test na ito, ang pasyente ay hindi pakakainin ng ilang mga oras, pagkatapos ay paiinumin siya ng tubig na may asukal o sugar water. Pagkainom, kukuhanan na siya ng dugo upang masuri ang dami ng GH. Sa mga normal na kondisyon, tumitigil ang pituitary gland sa paggawa ng mga GH kapag nakainom ang pasyente ng sugar water. Subalit kung may acromegaly, patuloy na gumagawa pa rin ng mga GH ang pituitary gland dahil sa mga tumor.

Mga Salik sa Panganib

Ang kahit na sinuman ay maaaring magkaroon ng acromegaly. Subalit mas tumataas ang posibilidad na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagkakaroon ng kasaysayan sa pamilya ng pituitary adenoma
  • Pagkakaroon ng MacCun Albright syndrome
  • Pagkakaroon ng kanser sa baga
  • Pagkakaroon ng mga adrenal tumor
  • Pagsapit ng mas maagang menopause o pagtigil ng regla
  • Pagiging batang ina o pagbubuntis at panganganak ng nasa murang edad

Mga Komplikasyon

Image Source: www.dokbru.endocrine-witch.net

Kung ang acromegaly ay hindi agad mabibigyan ng lunas, maaari itong lumubha at magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:

Kung ang kondisyon ay hindi nabibigyan ng lunas, ang mga komplikasyon ay maaaring maging dahilan upang manganib ang buhay ng pasyente.

Pag-Iwas

Ang pagkakaroon ng acromegaly ay hindi maiiwasan sapagkat hindi pa rin malaman ng mga doktor at mananaliksik kung bakit nagkakaroon ng mga tumor ang pituitary gland. Dahil dito, malalaman lamang ng isang tao na naaapektukhan siya ng kondisyong ito kapag tumapak na siya sa edad na 30 hanggang 50-taong-gulang. Ganunpaman, iminumungkahi pa rin ng mga doktor na magkaroon ng malusog na pamumuhay upang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng anumang mga uri ng sakit.

Sanggunian