Buod
Napakahalaga ng ginagamapanan ng mga baga sa ating katawan, kaya kailangan silang alagaan. Ito ay sapagkat kagaya ng iba pang mga pangunahing bahagi ng katawan, ang mga ito ay maaaring magkaroon ng malulubhang kondisyon. At ang isa sa mga sakit na maaaring magdulot ng pinsala sa mga baga at magpahina sa buong katawan ay ang acute bronchitis.
Ang acute bronchitis ay ang panandaliang pamamaga ng mga bronchi, o mga pangunahing daluyan ng hangin, sa loob ng mga baga. Ito ay maaaring bunga ng iba’t ibang mikrobyo na kagaya ng mga virus o kaya ng mga bacteria. Maaari rin itong dulot ng iba’t ibang mga irritant na kagaya ng usok ng sigarilyo, ng sasakyan, o maging ng iba’t ibang mga uri ng polusyon.
Ang mga karaniwang sintomas ng kondisyong ito ay ang pag-uubo, pagluluwa ng plema, paninikip ng dibdib, kakapusan ng hininga, maging ang pagkakaroon ng umaagahas na tunog sa tuwing humihinga.
Karaniwang nilulunasan ito sa pamamagitan ng mga gamot na kagaya ng mga expectorant, o pang-alis ng mga plema sa baga para sa ikaluluwag ng paghinga. Ipinapayo rin sa mga taong mayroong acute bronchitis ang pagtigil o pag-iwas sa paninigarilyo o kaya ay ang pagpapahinga nang sapat.
Kasaysayan
Ang sakit na bronchitis ay naitala na noon pang sinaunang panahon. Subalit, noon lamang taong 1808 unang pinangalanan ang isa sa mga uri ng sakit na ito – ang chronic bronchitis. Kaya, maging sa sinauang panahon ay may iba’t ibang uri na ng mga gamot na panglunas sa bronchitis.
Sa katunayan, sa panahon ng matandang Gresya, ang pagkakaroon ng labis na plema sa mga baga ay ginagamot na sa pamamagitan ng luya, paminta, cinnamon, maging ng turpentine. Kalaunan, ay isinama na sa mga lunas sa pag-uubo ang ipecac, potassium nitrate, maging ang kape na napag-alamang mayroong mga bronchodilator, o mga sangkap na tumutulong sa pagpapaluwag ng daluyan ng hangin.
Sa ngayon ay lubhang naging malawak na ang kaalaman ukol sa iba’t ibang sakit sa baga, kabilang na ang acute bronchitis.
Mga Uri
Ang bronchitis ay ang pangkalahatang terminong naglalarawan sa biglaang pagkakaroon ng pamamaga sa mga bronchial tubes. Ang mga ito ay ang mga daluyan ng hangin sa loob ng mga baga. May dalawang uri ng kondisyong ito: ang acute bronchitis at ang chronic bronchitis.
- Acute bronchitis. Ang acute bronchitis, na siyang pinaka-paksa ng artikulong ito, ay dulot ng mga virus, bacteria, o kaya ng anumang uri ng mga Ito ay maaaring tumagal nang may 10 na araw, subalit ang pag-uubo na dulot nito ay maaaring tumagal nang ilang linggo.
- Chronic bronchitis. Ang chronic bronchitis naman ay dulot din ng mga mikrobyo at Subalit, ito ay pabalik-balik. Ito ay pinaka-karaniwan sa mga taong may emphysema o kaya naman ay hika.
Paano ba nagkakaroon ang tao ng acute bronchitis? Anu-ano ang mga sanhi ng kondisyong ito?
Mga Sanhi
Ang acute bronchitis ay bunga ng mga nakahahawang uri ng mikrobyo. Ang pinaka-karaniwan sa mga ito ay ang mga virus na kagaya ng respiratory syncytial virus, influenza, rhinovirus, at marami pang iba. Bihira lamang ang mga bacteria na maaaring magdulot ng acute bronchitis, subalit ang mga sumusunod na bacteria ay maaaring magbunga ng kondisyong ito:
- Mycoplasma pneumoniae
- Chlamydophila pneumoniae
- Bordetella pertussis
- Streptococcus pneumoniae
- Haemophilus influenzae
Dahil ang karaniwang sanhi ng acute bronchitis ay virus, ito ay maaaring mawala sa loob lamang ng ilang araw sa tulong ng wastong pagpapahinga at pag-inom ng maraming tubig at juice. Samantala, ang acute bronchitis naman na dulot ng bacteria ay maaaring lunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga antibiotic, bagama’t may mga dalubhasa na nagpapayo laban dito. Ito ay sapagkat maaari itong magdulot ng bacterial resistance na nagpapawalang bisa sa sa mga antibiotic laban sa maraming uri ng bacteria.
Papaano naman matutukoy na ang isang tao ay mayroong acute bronchitis? Anu-ano ba ang mga palatandaan ng kondsiyong ito?
Mga Sintomas
Image Source: vitamins.lovetoknow.com
Ang ilan sa sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng acute bronchitis ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng ubo
- Pag-uubo na may iniluluwang plema na maaaring kulay dilaw o kaya ay berde
- Pag-agos ng sipon o kaya ay pagbabara ng ilong bago makaranas ng paninikip ng dibdib
- Pagkaranas ng panghihina o kaya ng labis na kapaguran
- Pananakit ng mga tadyang bunga ng mahabang panahon ng pag-uubo
- Kawalan ng ganang kumilos
- Pagkakaroon ng umaagahas o humuhuning tunog sa tuwing humihinga
Kapag nakaranas ng mga sintomas na nasa itaas, kinakailangang magpatingin kaagad sa pulmonologist upang ma-iwasan ang paglala ng kondisyon.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang panganib sa pagkakaroon ng acute bronchitis:
- Pagtabi sa mga taong may ganitong uri ng kondisyon
- Hindi pagpapabakuna laban sa anumang uri ng kondisyon na maaaring umapekto sa mga baga
- Paninigarilyo
- Pagkakalantad sa usok ng sigarilyo, usok ng sasakyan, alikabok, o sa iba pang mga uri ng polusyon
Anu-ano naman ang mga maaaring maging komplikayson na dulot ng pagkakaroon ng acute bronchitis?
Mga Komplikasyon ng Acute Bronchitis
Tinatayang nagkakaroong komplikasyon ang 10 porsyento ng mga pasyente na may acute bronchitis. Ang mga komplikasyong ay ang mga sumusunod:
- Impeksyong dulot ng bacteria
- Pulmonya
- Chronic bronchitis bunga ng pabalik-balik na pag-atake ng sakit na ito
- Mga reactive na uri ng mga sakit sa daanan ng hangin
- Hemoptysis
Dahil dito, napakahalaga ng agarang pagpapatingin sa doktor upang ma-iwasan ang paglala at ang pagkakaroon ng komplikasyong bunga ng sakit na ito.
Pag-Iwas
Image Source: www.independent.co.uk
Ang pag-iwas sa acute bronchitis ay maaaring maituring na madali. Kinakailangan lamang na iwasan ang mga irritant na nagdudulot nito. Ang ilan sa mga maaaring gawin upang ma-iwasan ang kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Pagsusuot ng face mask upang matakpan ang mga ilong at bibig sa tuwing napapadaan sa mga mauusok o maaalikabok na lugar
- Paghuhugas ng mga kamay upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng impeksyong dulot ng virus at bacteria
- Pagpapabakuna laban sa flu taun-taon
- Regular na pagpapatingin sa manggagamot, lalo na para sa mga may edad 60 na taong gulang pataas
Sanggunian
- https://www.lung.org/lung-health-and-diseases/lung-disease-lookup/acute-bronchitis/symptoms-causes-risk-factors.html
- https://en.wikipedia.org/wiki/Acute_bronchitis#Cause
- https://www.healthline.com/health/bronchitis#symptoms
- https://en.wikipedia.org/wiki/Bronchitis#Acute_bronchitis
- https://medlineplus.gov/acutebronchitis.html
- https://www.karger.com/Article/PDF/195969
- https://www.lung.org/lung-health-and-diseases/lung-disease-lookup/acute-bronchitis/managing-and-preventing-acute-bronchitis.html