Buod

Ang Addison’s disease ay kilala rin sa tawag na adrenal insufficiency. Ito ay dahil naaapektuhan nito ang mga adrenal gland ng katawan na matatagpuan sa ibabaw ng mga bato. Dahil sa pagkakapinsala ng mga adrenal gland, maaaring magkulang ito sa produksyon ng mga mahahalagang hormone na gaya ng cortisol at aldosterone.

Ang cortisol hormone ay tumutulong sa katawan upang makatugon nang wasto sa stress. Tumutulong din ito upang mapanatili ang normal na presyon ng dugo, tumibok nang wasto ang puso, mapalakas ang resistensya ng katawan, at mapangasiwaan ang normal na dami ng asukal sa dugo. Samantalang ang aldosterone hormone naman ay tumutulong upang mapanatili ang normal na dami ng mga asin sa dugo na gaya ng sodium at potassium. Ito rin ang nagdidikta kung gaano karaming ihi ang dapat ilabas ng katawan upang mapanatili ang normal na presyon ng dugo.

Kapag nagkaroon ng Addison’s disease, posibleng makaranas ang pasyente ng pangingitim ng balat, matinding pagkapagod, kawalan ng gana sa pagkain, mababang presyon ng dugo, pagkahimatay, pagnanais na kumain ng maaalat na pagkain, mababang asukal sa dugo, pagduduwal o pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan, pananakit ng kalamnan at mga kasu-kasuan, matinding pagkainis o pagkalungkot, paglalagas ng buhok, at kawalan ng kakayanan sa pakikipagtalik.

Hindi lubusang maintindihan kung bakit nagkakaroon ng Addison’s disease. Pero ayon sa datos, ang 70% na sanhi nito ay dahil sa autoimmune disorder. Kapag nagkaroon ng ng isang autoimmune disorder, inaatake ng mismong immune system ng katawan ang iba’t ibang bahagi nito. Bukod sa autoimmune disorder, maaari ring magdulot ng Addison’s disease ang pisikal na pinsala sa mga adrenal gland, impeksyon, kanser, pagdurugo ng mga adrenal gland, pagtanggal ng mga adrenal gland, at genetic disorder.

Upang malunasan ang Addison’s disease, kailangang uminom ang pasyente ng mga gamot habambuhay. Kung ititigil ang pag-inom ng mga gamot, ang mga adrenal gland ay magkukulang na naman sa produksyon ng mga hormone. Bukod sa mga iniinom na gamot, iminumungkahi rin ng mga doktor na baguhin ang diyeta ng pasyente.

Kasaysayan

Si Thomas Addison (1793-2860) ang nakatuklas ng kondisyon na Addison’s disease. Noong taong 1855, naglathala si Addison ng isang monograph na pinamagatang “On the Constitutional and Local Effects of Disease of the Suprarenal Capsules.” Noong kapanahunan niya, ang mga adrenal gland ay kilala pa sa tawag na suprarenal capsules. Sa monograph na ito, isinulat niya ang kanyang mga pagususuri tungkol sa 11 niyang mga pasyente na namatay na may magkakatulad na mga sintomas.

Ayon sa kanyang inilathala, ang mga pasyente ay nagpakita ng mga sintomas ng pagiging anemic. Bukod dito, may nakita rin siyang pagbabago sa mga suprarenal capsule ng mga ito. Nakitaan din ang mga pasyente ng panghihina, pananakit ng tiyan, at kakaibang pagbabago ng kulay ng kanilang mga balat. Nang inotopsiya ang mga pasyente, lahat sila ay may pinsala sa kanilang mga suprarenal capsule. Bagama’t natuklasan ni Addison ang kondisyong ito, maraming mga debate at argumento muna ang dumaan bago sang-ayunan ang resulta ng kanyang mga pag-aaral.

Walang gaanong mga tala kung kailan unang tinawag na Addison’s disease ang kondisyon na nadiskubre ni Addison, sapagkat hindi man lamang siya nakatanggap ng mga court appointment at honoraryo. Hindi man din lamang nailathala ng mga kilalang publikasyon ang kanyang mga ginawa. Minsan lamang nabanggit ang kanyang monograph sa The Lancet at ito ay napakakaunti pa. Kahit noong pagkamatay niya ay wala man lamang isinulat na obituwaryo tungkol sa kanya at kanyang mga kontribusyon.

Bagama’t hindi kinilala ang mga malalaking nai-ambag ni Addison sa larangan ng medisina noong kanyang kapanahunan, siya pa rin ay itinuturing bilang isa sa mga pinakamagaling na doktor ng Guy’s Hospital sa London.

Mga Sanhi

Ang Addison’s disease ay mayroong iba’t ibang sanhi. Kabilang na rito ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng autoimmune disorder. Ayon sa datos, ang 70% na sanhi nito ay dahil sa autoimmune disorder. Sa autoimmune disorder, inaatake ng sariling immune system ng katawan ang iba’t ibang bahagi nito gaya ng mga adrenal gland.
  • Pagtaglay ng pisikal na pinsala sa mga adrenal gland. Kung ang mga adrenal gland ay nagtamo ng pisikal na pinsala dulot ng aksidente, injury, o trauma, maaaring magresulta ito sa Addison’s disease.
  • Pagkakaroong ng impeksyon. Maaari ring magresulta sa Addison’s disease ang pagkakaroon ng impeksyon sa katawan. Maaaring ito ay dulot ng bacteria, virus, o
  • Pagkakaroon ng kanser. Kung ang isang tao ay may kanser, maaaring kumalat ito at maapektuhan ang mga adrenal gland. Dahil sinisira ng kanser ang mga selula ng katawan, maaapektuhan din nito ang paggana ng mga
  • Pagdurugo ng mga adrenal gland. Maaaring magkaroon ng pagdurugo sa mga adrenal gland kung ito ay napinsala o kasalukuyang umiinom ng blood thinner ang pasyente. Dahil sa pagdurugo, naaapektuhan nito ang paggawa ng mga hormone ng adrenal gland.
  • Pagtanggal ng mga adrenal gland. Kung ang mga adrenal gland ay tinanggal sa pamamagitan ng pagtitistis o operasyon, hindi na makagagawa pa ng mga cortisol at aldosterone hormone ang katawan.
  • Pagtaglay ng isang genetic disorder. Maaaring magkaroon din ng Addison’s disease kung ang isang tao ay ipinanganak na may genetic disorder. Ang genetic disorder ay maaaring makaapekto sa dami ng ginagawang mga hormone ng adrenal gland sa katawan.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Maaaring hindi agad matukoy ang kondisyon na Addison’s disease sapagkat ang karamihan ng mga sintomas nito ay natutulad sa mga sintomas ng iba’t ibang mga sakit. Subalit, masasabing may Addison’s disease ang isang pasyente kapag nakararanas siya ng karamihan sa mga sumusunod na sintomas:

  • Pangingitim ng balat
  • Matinding pagkapagod
  • Kawalang ng gana sa pagkain
  • Mababang presyon ng dugo
  • Pagkahimatay
  • Pagnanais na kumain ng maaalat na pagkain
  • Pagkulang ng asukal sa dugo
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pananakit ng tiyan
  • Pananakit ng kalamnan at mga kasu-kasuan
  • Matinding pagkainis o pagkalungkot
  • Paglalagas ng buhok
  • Kawalan ng kakayanan sa pakikipagtalik

Isa sa mga pinaka-pangunahing sintomas ng Addison’s disease ay ang pangingitim ng balat. Subalit, upang makumpirma kung Addison’s disease nga ito, kailangan munang sumailalim ang pasyente sa mga laboratory test.

Mga Salik sa Panganib

Sa Estados Unidos, 1 sa 100,000 katao ay mayroong Addison’s disease. Ito ay isang kondisyon na maaaring makaapekto sa parehas na kasarian at sa anumang edad. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito kung nabibilang sa alinman sa mga sumusunod na grupo:

  • Mga taong may kanser
  • Mga taong may matagalang impeksyong gaya ng tuberkulosis
  • Mga taong may autoimmune disease gaya ng type 1 diabetes at Grave’s disease
  • Mga taong natanggalan na ng mga adrenal gland
  • Mga taong umiinom ng mga blood thinner

Ang mga salik sa panganib na nabanggit na gaya ng kanser, impeksyon, at autoimmune disease ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga adrenal gland at magresulta sa Addison’s disease. Samantalang kung natanggalan na ng mga adrenal gland, mawawalan na ng kakayanan ang katawan na gumawa ng mga cortisol at aldosterone hormone. Ang pag-inom naman ng mga blood thinner ay maaaring magdulot ng labis na pagdurugo sa mga adrenal gland at makaapekto sa wastong paggana nito.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Ang pagkakaroon ng Addison’s disease ay hindi lubusang maiiwasan, lalo na kung ang sanhi nito ay isang genetic disorder o autoimmune disease. Kung wala namang mga ganitong uri ng kondisyon, maaaring pababain ang posibilidad na magkaroon ng Addison’s disease sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Kumain ng masusustansyang pagkain. Ang Addison’s disease ay karaniwang sanhi ng iba’t ibang sakit gaya ng impeksyon. Upang hindi dapuan ng kung anu-anong sakit, kumain ng masusustansyang pagkain nang sa gayon ay lumakas ang resistensya ng katawan. Kumain ng prutas, gulay, isda, at karne upang makakuha ang katawan ng sapat na nutrisyon.
  • Mag-ehersisyo araw-araw. Nakatutulong din ang pag-eehersisyo upang manatiling malusog ang bawat bahagi ng katawan—kasama na ang mga adrenal gland. Sa pag-eehersisyo, magiging mas maayos ang pagdaloy ng dugo at ito ay nakatutulong upang magampanan nang mas maayos ang mga gawain ng iba’t ibang mga
  • Magpahinga at iwasan ang stress. Upang mawala ang pagod ng katawan, kailangang magpahinga. Sa pagpapahinga, magkakaroon muli ng sapat na lakas ang bawat bahagi ng katawan. Bukod sa pagpapahinga, umiwas din sa stress upang hindi mapagod ang mga adrenal gland sa paggawa ng mga hormone para tugunan ito.

Ang Addison’s disease ay sakit na maaaring pasanin ng pasyente habambuhay. Subalit, maaari namang mamuhay nang normal kahit mayroon nito. Kailangan lamang sundin ang mga payo ng doktor at regular na inumin ang mga nairesetang gamot upang hindi magkaroon ng anumang mas malubhang problema sa katawan.

Sanggunian