Buod
Ang African swine fever ay isang karamdaman na nakukuha ng mga baboy. Ito ay nakamamatay para sa mga alagang baboy at mabilis ito makahawa. Ngunit sa ngayon, ang sakit na ito ay walang epekto o hindi nakahahawa sa mga tao. Ang ASF virus ay unang naiulat noong 1910 sa bansang Kenya at ito ay kalaunang kumalat na sa iba pang mga bahagi ng mundo. Naiulat ang unang kaso ng African swine fever sa Pilipinas noong taong 2019. Ang iba-ibang anyo ng African swine fever ay ang peracute, acute, subacute, at chronic. Sa mga ito, pinakamabilis makapatay ng baboy ang acute na anyo ng African swine fever. Maraming sanhi ng African swine fever, tulad ng pagpapakain ng kontaminadong pagkain sa mga alagang baboy, mga kagat ng kutong may dala ng virus, maging ang pag-angkat ng mga baboy galing sa bansang may ASF virus.
Ang mga madalas na sintomas ng African swine fever sa mga baboy ay pagkaroon ng lagnat, pagkawala ng ganang kumain, pagsusugat, pagdudumi, at iba pa. Sa ngayon, wala pang natutuklasan na gamot o lunas para mapagaling ang baboy na may African swine fever. Kapag may kumpirmadong kaso ng sakit na ito ay dapat mapatay at mailibing kaagad ang mga baboy na apektado upang hindi na sila makahawa pa. Para maka-iwas ang mga alagang baboy sa African swine fever, mahalaga na sumunod sa mga batas at regulasyon sa pag-aalaga at pag-angkat.
Kasaysayan
Ang African Swine Fever virus ay natuklasan ni R. Eustace Montgomery sa Kenya, na isang bansa sa kontinenteng Africa, noong June 1910. Ito ay pinag-aralan ni Montgomery hanggang 1917 at ang resulta ng kanyang mga pag-aaral ukol dito ay na-ipalathala noong 1921.
Ang sakit na ito, na nakaaapekto lamang sa mga biik at baboy, ay nanatili lamang sa Africa hanggang 1957 kung kailan ito rin ay nai-ulat sa Lisbon, Portugal. Ang isa namang outbreak o biglaang pagkalat ay naiulat sa nasabing bansa noong 1960. Ang sakit ay nanatili sa Portugal at Espanya ng higit sa dalawang dekada hanggang 1995, kung kailan nagawan ng paraan ng dalawang nasabing bansa ang pagkaubos ng mga baboy na apektado ng ASF virus. Sumunod kumalat ang ASF virus sa mga bansang Belhika, Pransya, at iba pang mga bansa sa Europa noong mga 1980.
Noong taong 2007, ang ASF virus ay muling nanumbalik sa kontinenta ng Europa kung saan ito ay kumalat sa maraming mga bansa. Naiulat naman na nagkaroon na ng ASF virus sa mga bansang Romania, Tsina, at Bulgaria noong 2018. Nagkaroon na rin ng ASF virus sa Pilipinas, Vietnam, at South Korea sa taong 2019.
Mga Uri
Ang isang baboy ay maaaring magkaroon ng isa sa apat na uri ng African swine fever na nanggagaling sa 22 na uri ng virus nito.
Narito ang apat na uri ng African Swine Fever na maaaring makuha ng mga baboy:
- Peracute. Ito ang tawag sa uri ng ASF kapag ang baboy ay mayroong mataas na lagnat at pagkawala ng ganang kumain. Sa mga kasong ganito, madalas na walang nakikitang ibang mga sintomas. Subalit, maaaring makapatay ito ng baboy sa loob ng 1 hanggang 3 na araw.
- Acute. Ang uri ng ASF na ito ay maaaring makapatay ng baboy sa loob ng 6 hanggang 20 na araw. Malalaman na ang baboy ay mayroong acute form ng African swine fever kapag ito ay may mataas na lagnat, pagkawala ng ganang kumain, pamumula ng balat, pagsusuka, at pagdudumi. Ang kabuuang porsyento ng mga namamatay sa anyong ito ay maaaring umabot ng 100%.
- Subacute. Ang uring ito ay nanggagaling sa mga mas mahinang uri ng ASF virus. Mas matagal lumabas ang mga sintomas tulad ng pagkabawas ng timbang, lagnat na taas-baba, kahirapan sa paghinga, at pagkatamlay. Ang kabuuang porsyento ng mga namamatay sa mga anyong ito ay mas mababa ngunit naglalaro ito sa 30-70%.
- Chronic. Ang chronic na uri ng ASF ay ang maituturing ma pinakamatagal magpakita ng sintomas dahil lumalabas lamang ang mga ito sa loob ng 2 hanggang 15 na buwan. Ang mga sintomas nito ay ang pagkabawas ng timbang, lagnat, chronic skin ulcer, at arthritis. Ang uring ito ang may pinakamababang posibilidad ng pagkamatay.
Mga Sanhi
Image Source: www.gpidea.org
Maaaring magkaron ng impeksyon ang mga kawan ng alagang baboy sa mga sumusunod na paraan:
- Pagpakain ng kontaminadong pagkain sa mga alagang baboy. Ito ay dahil ang ASF virus ay maaaring makuha ng baboy sa pagkain
- Mga kagat ng mga garapata, kuto, at langaw. Maaaring magdala ng ASF virus ang mga nasabing peste at ito ay puwedeng maipasa sa mga malusog na baboy
- Pagbabakuna gamit ang kontaminadong syringe. Maaari rin maipasa ang virus kung ang syringe o hiringgilyang ginamit ay galing sa baboy na may sakit
- Paggamit ng mga kontaminadong aparato tulad ng gunting, lagari, sipit, at iba pa. Posibleng makahawa ng ASF kapag ang baboy ay inoperahan gamit ang mga kontaminadong aparato galing sa baboy na mayroon nang sakit na ito.
- Pagsali ng mga nahawaang baboy sa kawan. Ang ASF virus ay maaaring maipasa ng may sakit na baboy sa pamamagitan ng ihi, dumi, at suka.
Sintomas
Ang mga sintomas ng African swine fever ay malapit sa tinatawag na classical swine fever, at ang dalawa ay napag-iiba lamang sa uri virus na nagdudulot ng mga ito. Ang mga sintomas na kadalasang nakikita sa mga baboy ay ang mga sumusunod:
- Mataas na lagnat
- Pamumula at pagsusugat ng balat
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pagkahina ng katawan o pagkalamya
- Pagdudumi
- Pagsusuka
- Pag-ubo
- Kahipan sa paghinga
Mga Salik sa Panganib
Ang African swine fever ay walang panganib na naibibigay sa mga tao. Ito ay nakukuha lamang ng mga baboy. Maaaring mahawaan ang mga malulusog na biik o baboy kapag nailapit sila sa ibang mga baboy o tao na nanggaling sa mga lugar na apekatdo ng ASF.
Pag-Iwas
Wala ring bakuna para sa African swine fever na maaaring maibigay sa mga baboy. Dahil dito, ang pag-iwas ay nakasalalay sa mga sumusunod na paraan:
- Pag-iwas ng pagpapakain ng mga tira-tira o basurang pagkain sa mga baboy. Alalahanin na maaaring maipasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain ang ASF
- Kung may mga tirang pagkain ng baboy, itapon ang mga ito kaagad. Maaari itong maka-akit ng mga baboy ramo na nagdadala ng ASF virus.
- Pagsunod sa mga batas na tungkol sa tamang pag-alaga ng mga baboy. Ang pagsunod sa mga alituntunin ay mahalaga para maiwasan ang mga sakit na nakaaapekto sa mga baboy—kasama na ang ASF.
- Pagbigay ng mga tamang gamit sa mga tauhan o bisita sa bukid. Mahalaga ito upang sila ay mainam na makapag-sanitize ng kanilang mga kamay at mga aparato
- Pagtiyak na ang mga baboy-ramo, ibang mga hayop, at materyales na maaaring kontaminado ay hindi ma-ilapit sa mga alagang baboy. Ang mga kontaminadong bagay o hayop ay maaaring makahawa ng ASF virus sa mga alagang baboy
- Pagpapanatali na makabago ang kaalaman tungkol sa African swine fever. Mahalaga na magbasa, makinig, at manuod ng balita para maging alerto sa anumang mga ulat na kailangan malaman ukol sa sakit
Sanggunian
African swine fever: OIE – World Organisation for Animal Health – https://www.oie.int/en/animal-health-in-the-world/animal-diseases/african-swine-fever/
African Swine Fever (ASF) – https://www.sanidadanimal.info/en/104-emerging-diseases/379-african-swine-fever
African swine fever: a retrospective view – https://www.oie.int/doc/ged/D8589.PDF
African swine fever: Do you know the signs and symptoms? – https://www.nationalhogfarmer.com/agenda/african-swine-fever-do-you-know-signs-and-symptoms
China culls 900 pigs after reports of first African swine fever outbreak in country –
https://www.scmp.com/news/china/society/article/2158213/china-culls-pigs-after-reports-first-african-swine-fever-outbreak
“Philippines Confirms African Swine Fever Caused Pig Deaths” – https://www.bloomberg.com/news/articles/2019-09-09/philippines-confirms-african-swine-fever-caused-pig-deaths?srnd=markets-vp
“FAO ASF situation update – African Swine Fever (ASF) – FAO Emergency Prevention System for Animal Health (EMPRES-AH)” – http://www.fao.org/ag/againfo/programmes/en/empres/ASF/situation_update.html
“South Korea confirms second case of deadly African swine fever, – https://www.reuters.com/article/us-southkorea-swinefever-idUSKBN1W22R7
African swine fever (ASF) detection and diagnosis – https://www.cahfs.umn.edu/sites/cahfs.umn.edu/files/fao_asf-detection-diagnosis.pdf
AFRICAN SWINE FEVER – https://www.oie.int/fileadmin/Home/eng/Animal_Health_in_the_World/docs/pdf/Disease_cards/AFRICAN_SWINE_FEVER.pdf