Buod

Ang sakit na acquired immunodeficiency syndrome, o AIDS, ay isang uri ng nakahahawang sakit. Ito ay ang late-stage na kondisyon bunga ng impeksyong mula sa human immunodeficiency virus, o HIV.

Ang HIV ay isang uri ng virus na nag-i-incubate sa katawan ng isang tao sa loob ng mahabang panahon. Sinisira ng virus na ito ang kakayahan ng immune system na labanan ang anomang uri ng impeksyon. Dahil dito, ang taong mayroon nito ay bukas sa iba-ibang uri ng sakit na maaaring humantong sa kaniyang pagkamatay.

Ang AIDS ay lubhang nakahahawa. Ang karaniwang paraan ng pagkahawa sa sakit na ito ay ang pakikipagtalik nang walang proteksyon sa taong may ganitong sakit.

Ang ilan sa mga kapansin-pansing sintomas ng taong mayroong AIDS ay ang pagiging masakitin, pagkakaroon ng pulmonya at ang labis na pagbagsak ng pangangatawan na may kasamang pagpayat.

Sa ngayon ay wala pang tiyak na lunas sa sakit na HIV/AIDS. Nilulunasan lamang ang mga sintomas at ang iba pang mga komplikasyon nito sa pag-asang mabawasan ang sakit na nararamdaman ng pasyente at bahagyang humaba ang buhay nito.

Kasaysayan

Ayon sa mga nagsuri, ang pinagmulan ng HIV ay ang mga chimpanzee na mayroong simian immunodeficiency virus (SIV). Ang SIV ay nakakatulad ng HIV na sinisira ang immune system ng mga unggoy.

Ipinalalagay na ang virus na ito ay lumipat sa mga tao nang ang mga mangangaso sa Africa ay kumain ng karne mula sa mga chimpanzee na may SIV. Maaari rin diumano na ang dugo ng mga apektadong chimpanzee ay tumalsik sa sugat ng mga taong ito.

Tinatayang noong 1920 unang nag-mutate ang SIV nang ito ay maging HIV sa mga tao sa Kinshasa, ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng bansang Democratic Republic of Congo. Mula rito ay kumalat ito sa pamamagitan ng sex trade.

Noong 1960 ay kumalat ang HIV sa Haiti at sa Caribbean nang ang mga Haitian na nagtatrabaho sa  the Democratic Republic of Congo ay umuwi sa kanilang bansa. Mula sa Haiti ay kumalat sa New York City, USA noong 1970 ang virus na ito at lumaganap sa San Francisco sa mga sumunod na mga taon.

Noon lamang 1980s nakilalang lubos ang HIV/AIDS nang mailathala ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos ang ukol sa mga dating malulusog na mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki na nagkaroon ng  Pneumocystis pneumonia. Ang sakit na ito ay hindi dapat nakakaapekto sa tao, maliban na lamang kung malubha ang kalagayan ng immune system nito.

Sa mga sumunod na taon, may bumangong sakit na umaatake sa immune system na umapekto sa may mahigit 300 katao. Namatay ang may 136 sa mga ito. Inaakala noong una na mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki lamang ang nagkakaroon nito, kaya una nila itong tinawag na gay-related immune deficiency, o GRID.

Kalaunan ay napag-alamang ang sakit na ito ay maaaring umapekto sa kaninoman. Sa unang pagkakataon noong 1982 ay ginamit ng CDC ang katawagang AIDS. Noong mga panahon ding iyon ay naitala ang mga unang kaso ng sakit na ito sa Europa.

Noon lamang 1984 napag-alaman ang tunay na sanhi ng AIDS. Ito ay ang HIV. Nang sumunod na taon ay nagkaroon ng kauna-unahang komersyal na blood test para sa HIV.

Sa ngayon ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng nagkakaroon ng sakit na ito, palibhasa ay wala pang tiyak na lunas para sa AIDS. Subalit may mga pag-unlad na sa mga pamamaraan ng paglunas dito.

Dahil sa paglaganap ng HIV/AIDS, mahalagang maunawaan din ang iba’t ibang mga uri nito.

Mga Uri

Ang AIDS ay ang late-stage na bahagi ng sakit na dulot ng HIV. Ang HIV ay may dalawang uri: ang HIV-1 at ang HIV-2. Ang mga ito ay kapuwa nauuwi sa AIDS.

HIV-1. Ang HIV-1 ang pinaka karaniwang uri ng HIV. Sa katunayan, ang HIV-1 ay maaaring tumutukoy sa HIV sa kabuuan.

HIV-2. Ang HIV-2 ay umaapekto sa maliit na bilang ng mga mayroon nito. Ito ay karaniwang matatagpuan sa mga taong apektado sa Kanlurang Africa. Sa Estados Unidos, ang HIV-2 ay umaapekto sa 0.01% lamang ng mga taong may HIV.

Ayon sa pagsasaliksik, ang HIV-2 ay hindi madaling lumipat sa mga tao. Ang uri ng HIV na ito ay matagal din bago maging ganap na AIDS.

Ang isa sa mga dapat nating maunawaan ukol sa sakit na ito ay kung paano ito nahahawa.

Mga Sanhi

Source: nsplash.com

Ang HIV ang sanhi ng AIDS. Ang virus na ito ay madalas natatagpuan sa dugo o kaya ay sa iba’t ibang uri ng mga likido sa katawan ng apektadong tao. Dahil dito, ang virus na ito ay kumakalat sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pakikipagtalik
  • Pagsasalin ng dugo ng taong may HIV sa ibang tao
  • Paggamit ng karayom pang tattoo na ginamit sa taong may HIV
  • Paggamit ng hiringgilya (syringe) na ginamit ng taong may HIV
  • Sanggol na ipinanganak sa babaeng may HIV
  • Pagsuso ng sanggol sa nanay na may HIV

Mga Sintomas


Source: endinghiv.org.au

Sinisira ng AIDS ang kakayahan ng immune system na pigilin ang pagkalat ng mga impeksyon. Kalaunan, ang taong may ganitong kondisyon ay magtataglay ng iba’t ibang uri ng sakit hanggang sa siya ay mamatay.

Ang mga sintomas ng AIDS ay ang mga sumusunod:

  • Pabalik-balik na lagnat
  • Pulmonya
  • Mabilis na pagbagsak ng timbang
  • Malabis na pagpapawis
  • Hindi maipaliwanag na kapaguran
  • Matagalang pamamaga ng mga kulani (lymph glands) sa mga singit at leeg
  • Pula, kayumanggi, o kaya ay pink na mga butlig sa ibabaw o kaya ay sa ilalim ng balat, bunganga, ilong, o talukap ng mga mata
  • Pagtatae na umaabot ng mahigit sa isang linggo
  • Pagkakaroon ng mga singaw sa bunganga, puwet, o ari
  • Pagkawala ng memorya, pagkakaroon ng depresyon, at iba pang problema sa pag-iisip

Kapag mayroon ang isang tao ng higit sa isa sa mga nabanggit na sintomas, kailangan na niya ng agarang pagpapatingin sa doktor upang matiyak kung siya ay mayroong HIV.

Mga Salik sa Panganib

Ang sinumang tao, ano man ang kasarian o edad, ay maaaring magkaroon ng HIV hanggang sa ito ay maging ganap na AIDS. Sa simula, ang sakit na ito ay inaakalang nakukuha lamang sa homosexual sexual intercourse. Kalaunan, napatunayang ito ay naipapasa rin sa pamamagitan ng heterosexual sex.

Higit na napatataas ang panganib na ang tao ay magkaroon ng AIDS batay sa mga sumusunod na salik:

  • Pakikipagtalik nang walang gamit na proteksyon, kagaya ng condom
  • Pakikipagtalik sa pamamagitan ng pamamaraang anal o pagpasok sa puwet
  • Pagkaroon ng maraming katalik
  • Pagtaglay ng STI na nagdudulot ng pagkakaroon ng singaw na maaaring maging pasukan ng HIV
  • Pagtuturok ng mga droga gamit ang hiringgilya na ginamit na ng ibang tao
  • Pakikipagtalik sa hindi tuli

Pag-Iwas

Ang wastong pag-iingat ay malaki ang maitutulong sa pag-iwas at pagkalat ng sakit na AIDS. Maaaring maiwasan ang nakamamatay na sakit na ito sa pamamagitan ng:

  • Paggamit ng condom sa tuwing makikipagtalik
  • Pag-iwas sa pagkakaroon ng maraming katalik
  • Paggamit ng bago at malinis na karayom o hiringgilya
  • Pag-iwas sa paggamit ng mga drogang itinuturok
  • Pagpapatuli
  • Pagpapaalam sa katalik ng taong may HIV na taglay niya ang kondisyong ito
  • Agarang pagpapatingin kung ang isang babaeng buntis ay mayroon ng sakit na ito

Sanggunian