Buod
Ang alerhiya o allergy ay isang uri ng reaksyon ng katawan kapag itinuring ng immune system na mapanganib ang isang sangkap o bagay. Ang mga sangkap o bagay na nagdudulot ng alerhiya ay tinatawag na allergen. Ang mga karaniwang halimbawa ng allergen ay mga ilang uri ng pagkain, alikabok, amag, balahibo ng hayop, goma, bulaklak, gamot, kagat ng insekto, at iba pa.
Batay sa sanhi ng alerhiya, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas ang pasyente gaya ng pangangati ng iba’t ibang bahagi ng katawan, pagkakaroon ng lagnat, madalas na pagbahing, pagluluha ng mga mata, pangangapal o pamamaga ng mukha, labi, o lalamunan, at pagkakaroon ng pantal. Ang mga sintomas na ito ay simple lamang at maaaring mawala pagkatapos ng ilang minuto o oras.
Subalit, ang alerhiya ay hindi rin dapat ipagsawalang-bahala sapagkat ito ay maaaring magdulot ng anaphylaxis sa katawan sa mga malulubhang kaso. Ang anaphylaxis ay isang grupo ng malalalang sintomas ng alerhiya na maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente. Ilan lamang sa mga sintomas nito ay ang paghina ng pulso, biglang pagbagsak ng presyon, hirap sa paghinga, pagduduwal o pagsusuka, pagkahimatay, pati na rin ang pangangati ng balat.
Upang malunasan ang mga sintomas ng alerhiya, kailangan lamang mapigilan ng pasyente ang mga sanhi nito. Kadalasan, ang alerhiya ay nawawala kahit walang ginagawa ang pasyente. Subalit, kung ang mga sintomas ay hindi nakakayanan ng pasyente, maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot para sa pangangati, pamamaga, o pagkakaroon ng sipon. Kung ang pasyente naman ay nakararanas ng anaphylaxis, maaari rin siyang bigyan ng emergency epinephrine shot.
Kasaysayan
Isa sa mga kauna-unahang nagsaliksik tungkol sa alerhiya ay si Clemens von Pirquet. Si Pirquet ay isang Austrianong siyentipiko at pediatrician na kilala rin sa mga larangan ng bacteriology at immunology. Sa katunayan, si Pirquet, pati na rin si Dr. Bela Schick, ang kauna-unahang gumamit ng terminolohiyang “allergy.”
Ang allergy ay nagmula sa mga salitang Griyego na allos at ergon na nangangahulugang “naiiba” at “reaksyon.” Nabuo ang konsepto ng alerhiya noong taong 1906 matapos mapansin ni Pirquet na may mas matitinding reaksyon ang ilan sa kanyang mga pasyente na tinurukan ng bakuna para sa bulutong. Dahil sa napagmasid niyang ito, naisip ni Pirquet na maaari ring magdulot ng parehas na reaksyon ang mga pasyente kapag tinurukan sila ng tuberculin. Ang tuberculin ay isang uri ng purified protein derivative na ginagamit upang malaman kung may tuberculosis ang isang tao.
Ang ideya ni Pirquet tungkol sa tuberculin ay mas pinalawig ni Charles Mantoux at siya ang nagpalaganap ng pagsasagawa ng tuberculin skin test. Sa skin test na ito, ang mga nars o doktor ay magtuturok ng tuberculin sa may ilalim ng balat ng pasyente hanggang sa makabuo ng maliit na bilog. Mababaw lamang ang pagkakaturok nito sa balat upang makakita ng reaksyon. Kapag ang bilog ay lumaki sa sukat na 5-10 milimetro at nagkaroon ng pamamaga o pantal, nangangahulugang may tuberculosis ang pasyente.
Sa kasalukuyan, marami nang paraan upang malaman kung may alerhiya ang pasyente. Bukod sa mga skin test, maaari ring malaman kung may alerhiya ang pasyente sa pamamagitan ng blood test, physical examination, at maging ang pagkuha ng medical history.
Mga Uri
Ang alerhiya ay mayroong iba’t ibang uri. Kabilang dito ay ang mga sumusunod:
- Drug allergy. Sa uri ng alerhiyang ito, ang pasyente ay nagkakaroon ng allergy dahil sa pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Sa halip na makalunas ang gamot, maaaring magdulot pa ito ng panganib sa pasyente kung siya ay may alerhiya rito.
- Food allergy. Sa food allergy naman, maaaring magkaroon ng alerhiya ang pasyente kapag siya ay nakakain ng ilang uri ng mga pagkain. Kadalasan, ang mga pagkaing nagdudulot ng alerhiya ay manok, itlog, mani, at mga pagkaing-dagat gaya ng hipon, katang, o isda.
- Insect allergy. Sa uri ng alerhiyang ito, ang pasyente ay nakakaroon ng allergy kapag siya ay nakagat ng mga insektong gaya ng bubuyog, putakti, ipis, o surot. Bagama’t natural lamang na magkaroon ng pantal at pamamaga ang bahaging nakagat, ang mga taong may insect allergy ay mas matitindi ang reaksyon.
- Latex allergy. Ang latex ay isang uri ng goma. Kalimitang may latex ang mga gamit na gaya ng gloves, lobo, condom, at iba pa. Kung may latex allergy ang isang tao, ang kanyang balat ay maaaring mamantal kapag siya ay nakahawak ng mga bagay na may halong
- Mold allergy. Ang mold allergy ay isang uri ng alerhiya na sanhi ng mga fungi gaya ng amag. Ang mga fungi ay mayroong maliliit na pores na maaaring humalo sa hangin at malanghap ng taong may alerhiya.
- Pet allergy. Maaari ring magkaroon ng alerhiya dahil sa paghawak sa mga alagang hayop. Maaari ring magdulot ng alerhiya ang kanilang mga balahibo at magresulta sa pangangati ng balat o pagkakaroon ng sipon.
- Pollen allergy. Ang pollen ay mga bulo ng bulaklak. Dahil sa maliliit ito at magagaan, madaling sumama ang mga pollen sa hangin kaya naman ito ay nalalanghap ng taong may alerhiya.
Mga Sanhi
Ang pagkakaroon ng alerhiya o allergy ay dulot ng iba’t ibang bagay. Ang mga karaniwang sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng medikasyon gaya ng penicillin at sulfa drugs
- Mga iba’t ibang uri ng pagkain, gaya ng manok, itlog, mani, at mga pagkaing-dagat
- Pag-inom ng gatas
- Pagkakaroon ng kagat mula sa mga insekto gaya ng bubuyog, putakti, lamok, ipis, at surot
- Paghawak ng mga bagay na may latex gaya ng gloves, lobo, at condom
- Paglanghap ng mga pores ng fungi gaya ng amag
- Paglanghap ng mga pollen o bulo ng bulaklak
- Pagdikit ng balat sa mga halamang may bulo o lason gaya ng poison ivy
- Paghawak sa balahibo ng mga alagang hayop
Mga Sintomas
Image Source: www.healthline.com/
Ang bawat tao ay maaaring magbigay ng iba’t ibang reaksyon kapag nailantad sila sa isang allergen. Subalit kadalasan, ang mga taong may alerhiya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pangangati ng iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng balat, ilong, labi, at lalamunan
- Pagkakaroon ng mga pantal
- Pagkakaroon ng lagnat
- Madalas na pagbahing
- Pagluluha ng mga mata
- Pangangapal o pamamaga ng mukha, labi, o lalamunan
Ang mga sintomas na nabanggit ay karaniwang nalulunasan kung lalayo ang pasyente sa allergen na sanhi nito. Subalit, maaaring magkaroon ng panganib sa buhay ng pasyente lalo na kung nagkaroon ito ng anaphylaxis. Gaya ng nabanggit noong una, ang anaphylaxis ay isang grupo ng mga malalalang sintomas dulot ng alerhiya. Masasabing may anaphylaxis ang pasyente kung siya ay nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas:
- Paghina ng pulso
- Biglaang pagbagsak ng presyon
- Hirap sa paghinga
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagkahimatay
- Pangangati ng balat
Mga Salik sa Panganib
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang posibilidad na magkaroon ng alerhiya o allergy ang isang tao:
- Pagiging bata. Ang kadalasang nagkakaroon ng alerhiya ay ang mga bata sapagkat hindi pa lubos na matatag ang kanilang immune system. Karaniwan ding natutuklasan ang iba’t ibang alerhiya sa gamot at pagkain habang bata pa lamang.
- Pagkakaroon ng hika (asthma). Kapag may hika ang isang tao, nangangahulugan lamang na mas madaling mairita ang kanyang mga baga. Dahil dito, hindi malayong magkaroon ng alerhiya lalo na kapag nakalanghap ng usok, alikabok, balahibo, o
- Pagkakaroon eczema. Ang eczema ay isang uri ng sakit sa balat kung saan ang balat ay palalaging namamaga, nanunuyo, at nangangati. Kapag mayroong eczema ang isang tao, maaari siyang magkaroon ng alerhiya at magpakita ng matinding reaksyon sa balat kapag nalantad siya sa isang
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Upang hindi lumabas ang mga sintomas ng alerhiya, maaaring gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
- Saraduhan ang mga bintana, lalo na kung masyadong maalikabok at mahangin.
- Ugaliing maglinis ng katawan pagkauwi galing sa labas. Bigyang pansin ang mga balat at ilong upang maalis ang anumang mga allergen na nakadikit dito.
- Magsuot ng face mask upang hindi gaanong makalanghap ng mga allergen gaya ng pollen, alikabok, usok, fungi, at iba pa.
- Kumain ng masusustansiyang pagkain upang lumakas ang resistensiya.
- Uminom ng maraming tubig at maiinit na sabaw upang makaiwas sa sipon.
- Ugaliing linisin ang kapaligiran upang hindi pamahayan ng mga insekto gaya ng ipis at lamok.
- Itigil ang paninigarilyo upang hindi humina ang mga baga.
Ang ibang uri ng alerhiya ay hindi nanatili habangbuhay. Mapapansin na ang alerhiya noong bata pa ay nawawala na sa pagtanda. Ito ay dahil habang lumalaki, lumalakas ang resistensiya ng katawan. Subalit, maaari rin namang magkaroon ng alerhiya sa pagtanda kahit wala kang alerhiya noon sa pagkabata. Bagama’t hindi lubusang malaman kung bakit nangyayari ito, pinaniniwalaan ng mga doktor na ito ay dulot ng stress,kaya naman ang katawan ay mas madaling maaapektuhan ng bagong alerhiya.
Sanggunian
- https://www.medicinenet.com/allergy/article.htm#what_is_an_allergy
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/allergies/symptoms-causes/syc-20351497
- https://www.aaaai.org/conditions-and-treatments/allergies
- https://www.healthline.com/health/allergies
- https://www.aafa.org/types-of-allergies/
- https://www.bsaci.org/resources/most-common-allergies
- https://en.wikipedia.org/wiki/Clemens_von_Pirquet