Buod

Ang alipunga ay isang uri ng sakit sa balat na karaniwang umaapekto sa itaas na bahagi ng mga paa at sa mga pagitan ng mga daliri ng mga ito. Ang sakit na ito ay karaniwang tinatawag na athlete’s foot sa wikang Ingles. Kilala rin ito sa kaniyang medikal na katawagan bilang tinea pedis. Ito ay iba sa tinea versicolor, na tumutukoy naman sa an-an.

Ang sakit na ito ay bunga ng fungus na Trichophyton na karaniwang matatagpuan sa mga sahig at mga damit. Lalong mabilis ang pagdami at paglago ng fungus na ito sa balat kapag ito ay basa at mainit-init. Kaya, karaniwan itong tumutubo sa mga paa na nababad sa basang medyas o sapatos nang mahabang panahon. Subalit, maaari rin itong makuha sa pamamagitan ng pagkakadikit sa balat ng taong apektado nito.

Ang ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pangangati ng apektadong bahagi, pagkakaroon ng mahapdi na mga paltos sa pagitan ng mga daliri ng mga paa, pagbibitak ng balat sa apektadong bahagi, at ang pagkakaroon nito ng masangsang na amoy.

May mga over-the-counter na antifungal na gamot na maaaring gamitin upang lunasan ang alipunga. Subalit, sa mga malalalang kaso nito, maaaring ipayo ng manggagamot ang paggamit ng prescription-strength na uri ng mga gamot na ipinapahid o kaya ay iniinom.

Kasaysayan

Ang tinea pedis o alipunga ay maaaring umaapekto na sa mga tao sa loob ng daan-daang mga taon. Subalit, ang sakit na ito ay inilarawan lamang noong 1888 ng manggagamot na si Pellizzari. Noon namang 1908 ay naiulat din ang ukol sa sakit na ito na inaakala ng mga dalubhasa na isang uri ng hindi pangakaraniwang uri ng impeksyong dulot ng mikrobyong sanhi ng tinea capitis.

Sa bansang Estados Unidos, ang kauna-unahang kaso ng tinea pedis ay napaulat sa Birmingham, sa Alabama noong mga 1920. Ang mga sundalong Amerikano na lumaban sa Unang Digmaang Pandaigdig ang kinikilalang dahilan ng pagkalat ng sakit na ito sa Estados Unidos.

Anu-ano naman ang iba’t ibang uri ng alipunga?

Mga Uri

Mayroong tatlong pangunahing uri ng alipunga. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Ang sakit na ito ay karaniwang umaapekto sa mga talampakan at mayroong malalang uri ng mga vesicle o kaya ay bullae (mga uri ng butlig).
  • Ang uri na ito ng alipunga ay karaniwang umaapekto sa gilid ng mga talampakan na may pamumula at pangangaliskis ng balat.
  • Ang uri na ito ng alipunga ay matatagpuan sa mga pagitan at ilalim ng mga daliri ng paa. Nagdudulot ito ng labis na pangangati, pagbibitak, maging ng pagsusugat sa bahaging ito.

Papaano naman nagkakaroon ang tao ng alipunga? Anu-ano ang mga sanhi ng sakit na ito?

Mga Sanhi

Ang alipunga ay dulot ng fungus na Trichophyton, isang uri ng dermatophyte na may kaugnayan sa pagkakaroon ng iba pang uri ng impeksyon sa balat, buhok, at kuko ng mga tao.

Ang fungi na ito ay maituturing na hindi nakasasama sa balat ng tao. Kapag tuyo at malinis ang balat, ang pagdami o paglago nito ay limitado lamang. Subalit, kapag ito ay tumubo sa basa at mainit na bahagi ng katawan, kagaya ng sa mga pagitan ng mga daliri, magiging magbilis ang pagdami nito.

Ang pagsusuot ng mga masisikip na sapatos ang isa sa mga itinuturing na sanhi ng pagkakaroon ng alipunga. Ito ay sa dahilang naiipit ng mga ito ang mga pagitan ng mga daliri sa paa. Ang mga sapatos na yari sa plastik ay maaari ring magbunga ng pagkakaroon ng alipunga, dahil ang materyales na ito ay labis na nagdudulot ng pagpapawis ng mga paa.

Kapag basa naman ang mga medyas, may panganib din na magdulot ito ng pagkakaroon ng alipunga.

Bukod sa mga ito, ang alipunga ay maaaring sanhi rin ng mga sumusunod:

  • Pagkakadikit sa balat ng taong apektado ng sakit na ito
  • Pagkakadikit sa balat ng kagamitang ginamit ng apektadong tao, kagaya ng mga medyas, sapatos, mga kumot, at tuwalya
  • Paliligo sa swimming pool at pampublikong paliguan kung saan ay may lumusong o naligo rin na taong apektado ng sakit na ito
  • Pagkakaroon ng mahinang resistensya

Anu-ano ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng alipunga?

Sintomas

Image Source: www.foxnews.com

Kabilang sa mga maaaring sintomas ng alipunga ang mga sumusunod:

  • Pangangati at paghapdi ng balat na nasa pagitan ng dalawang daliri sa paa, o kaya ay sa talampakan
  • Pagkakaroon ng mga paltos sa mga paa na napaka-kati
  • Pagbibitak ng mga balat sa mga paa, lalo na sa pagitan ng mga daliri ng paa o kaya ay sa mga talampakan
  • Pagkatuyo ng balat sa talampakan o kaya ay sa gilid ng mga paa
  • Pamumula ng balat sa mga paa
  • Pagbabago ng kulay, pagkapal, at pagbibitak ng mga kuko sa mga daliri ng paa
  • Pagkatanggal ng mga kuko sa mga daliri ng paa

Ang kahit na sino ba ay maaaring magkaroon ng alipunga? Anu-ano ang iba’t ibang mga salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon nito?

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Ang totoo, ang sinuman ay maaaring magkaroon ng alipunga. Subalit, may mga kaugalian at mga nakasanayan na maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagpunta sa mga pampublikong mga lugar na nakapaa lang, o kaya sa mga lugar kung saan ay malalantad ang mga paa, kagaya ng mga pampublikong bihisan, pampublikong paliguan, at mga swimming pool
  • Pagpapahiram o kaya ay paggamit ng mga medyas, sapatos, maging tuwalya ng ibang tao
  • Pagsusuot ng mga masisikip na mga sapatos na natatakpan ang mga daliri sa paa
  • Pamamalaging basa ng mga paa sa loob ng mahabang panahon
  • Labis na pagpapawis ng paa
  • Pagkakaroon ng maliit na sugat sa balat o kuko sa mga paa

Anu-ano ang iba’t ibang mga komplikasyon na maaaring idulot alipunga?

Mga Komplikasyon

Bilang isang uri ng impeksyong dulot ng fungi, ang alipunga ay maaaring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan kapag hindi kaagad nalunasan. Bukod dito, maaari rin itong magdulot ng iba’t ibang uri ng mga komplikasyon.

Ang mga sumusunod ay ang mga komplikasyon na posibleng idulot ng alipunga:

  • Impeksyon sa mga kuko na dulot ng fungi. Ito ay dulot ng hindi nalunasan na alipunga.
  • Secondary bacterial infection. Nagdudulot ito ng pamamaga, pananakit, at pag-init ng paa.
  • Impeksyon sa mga kulani. Ang mga mikrobyo ay maaaring pumasok sa katawan at makaapekto o magdulot ng impeksyon sa mga kulani.
  • Cellulitis. Isa itong uri ng impeksyon na dulot ng bacteria na umaakepto sa malalim na bahagi ng balat.
  • Alerhiya (Allergy). Ang mga fungi ay maaaring magdulot ng alerhiya o allergy sa ibang mga tao, lalo kapag ito ay tumagal sa katawan bunga ng naantalang paglunas.

Napakahalaga ng agarang paglunas sa alipunga upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga impeksyong katulad ng mga nabanggit sa itaas.

Anu-ano naman ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng alipunga?

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Ang mga sumusunod ay ang mga hakbang na tumutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng alipunga:

  • Ugaliing maglagay ng mga antifungal na pulbos sa mga paa araw-araw.
  • Huwag manghihiram o magpapahiram ng mga medyas, sapatos, at tuwalya.
  • Hugasan ang mga paa gamit ang malinis na tubig at sabon, lalo na ang pagitan ng mga daliri ng mga ito. Patuyuin ito nang husto gamit ang malinis na tuwalya.
  • Labhan ang mga medyas, tuwalya, maging ang mga kumot gamit ang maligamgam na tubig.
  • Gumamit ng disenfectant sa mga sapatos upang patayin ang mga mikrobyong maaaring namamahay dito.
  • Ugaliing magsuot ng mga tsinelas sa mga pampublikong paliguan, sa mga swimming pool, at iba pang lugar.
  • Magsuot ng magiginhawang mga medyas, kagaya ng mga yari sa cotton o kaya ay wool.
  • Ugaliing magsuot ng mga sapatos na yari sa maginhawang kagamitan.
  • Magpalit ng medyas kapag pinagpapawisan ang mga paa.
  • Pahanginan ang mga paa kapag nasa bahay.
  • Kung maaari, magkaroon ng higit pa sa isang pares ng sapatos. Tiyakin na tuyo ang mga ito bago gamitin.

Sanggunian