Buod
Ang allergic rhinitis o hay fever ay isang uri ng alerhiya kung saan nagiging iritable at barado ang ilong dahil sa pagsinghot ng mga allergen. Halimbawa ng mga allergen ay pollen ng mga bulaklak, talahib, at ibang halaman, alikabok, balahibo ng aso o pusa, at iba pa. Kapag nasinghot ang mga allergen na ito, maaaring makaranas ng mga sintomas na katulad ng ordinaryong sipon, gaya ng tuluy-tuloy na pagtulo ng sipon, pangangati o pagluluha ng mga mata, hirap sa paghinga dulot ng baradong ilong, at madalas na pagbahing. Ang kaibahan lamang ng ordinaryong sipon ay sanhi ito ng cold virus.
Maaari namang malunasan ang allergic rhinitis. Subalit ang paglunas dito ay nakabatay sa sanhi at tindi ng kondisyon. Sa ibang mga hindi malulubhang kondisyon, maaaring maibsan ang mga sintomas sa pamamagitan ng pag-inom ng mga over-the-counter (OTC) medication o mga gamot na hindi na nangangailangan pa ng reseta. Kung hindi bumibisa ang mga OTC medication, maaaring kumonsulta sa doktor upang maresetahan ng mas mabisang mga gamot. Bukod sa mga gamot, maaari ring magsagawa ang pasyente ng nasal irrigation o sumailalim sa immunotherapy.
Kasaysayan
Ang allergic rhinitis ay isa sa mga pangunahing uri ng alerhiya na nakaaapekto sa maraming tao. Sa mga Kanluraning bansang gaya ng Estados Unidos, 8% ng mga matatanda ay mayroong ganitong kondisyon. Sa buong mundo naman, 30% ng populasyon nito ay mayroong allergic rhinitis. Karaniwang itong nakaaapekto sa mga taong nasa pagitan ng mga edad na 20 at 40.
Batay sa kasaysayan, naunang inilahad ni Rhazes, isang doktor, ang kondisyong ito noong ika-10 siglo. Subalit noong taong 1859 lamang natuklasan ni Charles Blackley na ang pollen mula sa mga halaman ay isa sa mga sanhi nito.
Pagsapit ng taong 1906, natuklasan naman ni Clemens von Pirquet kung paano ang mekanismo ng pagkakaroon ng allergic reaction. Kaugnay nito, natuklasan na ang amoy ng bagong aning mga dayami (hay) ay nakapagdudulot ng allergic rhinitis kaya naman tinawag din itong hay fever.
Mga Uri
Ang allergic rhinitis ay mayroong dalawang pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Seasonal allergic rhinitis. Kadalasan, ang allergic rhinitis ay seasonal o napapanahon. Ito ay dahil tuwing pagsapit ng tagsibol, tag-init, at taglagas, karaniwang naglalabas ng maraming mga pollen ang mga bulaklak at halaman.
- Perennial allergic rhinitis. Sa perennial na uri naman, taun-taon ay maaaring makaranas ang mga pasyente ng mga sintomas, kahit na anong uri ng panahon. Ito ay dahil sa allergic sila sa mga allergen na hindi mula sa mga halaman, gaya ng dust mite o surot, balahibo ng mga hayop, dander o mga balat na nalalagas sa mga hayop, ipis, o amag.
Mga Sanhi
Ang bawat tao ay mayroong histamine. Ito ay isang uri ng natural na kemikal sa katawan na tumutulong sa pagdepensa laban sa mga allergen. Subalit, sa ibang mga tao, ang katawan nila ay labis-labis kung gumawa ng histamine—kaya naman kapag nakasinghot sila ng allergen, nakararanas sila ng mga sintomas na katulad ng nakikita sa ordinaryong sipon.
Halimbawa ng mga allergen na sanhi ng allergic rhinitis ay ang mga sumusunod:
- Pollen mula sa mga bulaklak, puno, damo, talahib, at iba pang mga halaman
- Spore mula sa mga kabute o amag
- Dust mite o mga surot na matatagpuan sa mga alikabok
- Dander o mga nalagas na lumang balat ng mga hayop
- Balahibo, laway, o ihi ng mga hayop
- Kusot mula sa mga kahoy
- Harina
- Latex na matatagpuan sa mga rubber gloves
Mga Sintomas
Image Source: kvennabladid.is
Ang mga sintomas ng allergic rhinitis ay hindi nalalayo sa mga sintomas ng ordinaryong sipon, gaya ng mga sumusunod:
- Tuluy-tuloy na pagtulo ng sipon
- Pagkakaroon ng baradong ilong
- Pangangati, pagluluha, o pamumula ng mga mata
- Madalas na pagbahing
- Pag-ubo
- Pangangati ng ilong at lalamunan
- Pamamaga ng mga mata
- Pagtulo ng sipon sa likod ng lalamunan
- Pagkapagod
Bagama’t ang allergic rhinitis ay kilala rin sa tawag na hay fever, hindi nagkakaroon ng lagnat ang mga taong mayroong ganitong kondisyon, maliban na lamang kung nagkaroon na ng malubhang impeksyon.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.blueair.com
Hindi lahat ng tao ay mayroong napaka-aktibong immune system kaya naman hindi sila nagkakaroon ng allergic rhinitis. Ganunpaman, kung nabibilang sa mga sumusunod na grupo, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito:
- Mga taong may hika
- Mga taong may atopic dermatitis o eczema
- Mga taong may kamag-anak na may alerhiya o hika
- Mga taong nagtratrabaho sa mga lugar na maraming allergen, gaya ng bukid, minahan, at iba pa
- Mga taong lumaki na may kasamang naninigarilyo sa bahay
Mga Komplikasyon
Image Source: www.webmd.com
Kung ang allergic rhinitis ay hindi malalapatan ng angkop na lunas, maaari itong magdulot ng mga sumusunod na problema o komplikasyon:
- Pagkakaroon ng hirap sa pagtulog
- Pagkakaroon ng hika
- Pagkakroon ng sinusitis
- Pagkakaroon ng impeksyon sa tenga
Bagama’t tila hindi isang komplikadong kondisyon ang allergic rhinitis, maaari pa rin nitong maapektuhan ang pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil sa labis na pagbahing at pagtulo ng sipon, maaaring makaranas agad ng panghihina at posible ring hindi matapos ang mga gawain sa bahay, paaralan, o trabaho.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Ang pagkakaroon ng allergic rhinitis ay hindi naiiwasan, lalo na kung ang katawan ay sadyang may napaka-aktibong immune system. Ganunpaman, maaaring ma-iwasan ang pagkakaroon ng malulubhang sintomas nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Magsuot ng face mask tuwing lalabas ng bahay upang hindi gaanong makalanghap ng pollen, alikabok, at iba pa.
- Iwasang magsampay ng mga nilabhang damit sa labas ng bahay, lalo na kung panahon ng tagsibol, tag-init, o taglagas sapagkat maaaring kapitan ang mga ito ng mga
- Gumamit ng dehumidifier o air filter sa bahay upang mas luminis ang hangin na nilalanghap.
- Iwasan ang mga gawain sa bakuran, gaya ng pagtatabas ng mga damo, pagkakalaykay, at iba pa. Kung hindi maiiwasan, magsuot ng dust mask.
- Pagpagan lagi at paarawan ang mga kutson ng kama at mga unan upang matanggal at mapatay ang anumang dust mite na nakakapit sa mga ito.
- Regular na labhan ang mga kumot, kobre-kama, at punda sa maligamgam na tubig upang maging mas malinis ang mga ito.
- Gumamit ng mga insecticide upang mapatay ang mga dust mite na naninirahan sa mga carpet, kasangkapan, at higaan.
- Ugaliing linisin ang bahay upang hindi pamahayan ng mga ipis.
- Paliguan ang mga alagang hayop 2 beses sa loob ng 1 linggo upang matanggal ang mga alikabok o pollen na nakakapit sa kanilang mga balahibo.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hay-fever/symptoms-causes/syc-20373039
- https://www.webmd.com/allergies/understanding-hay-fever-basics
- https://www.nhs.uk/conditions/allergic-rhinitis/causes/
- https://www.healthline.com/health/allergic-rhinitis
- https://en.wikipedia.org/wiki/Allergic_rhinitis#History
- https://acaai.org/allergies/types/hay-fever-rhinitis