Buod

Ang almoranas (hemorrhoids) ay isang lubhang napakasakit at nakababalisang kondisyon. Ito ay ang pamamaga ng mga vein sa butas ng puwet o kaya ay sa dulo ng rectum. Ang salitang “hemorrhoid” ay nagbuhat sa salitang lumang Pranses na emorroides at sa Latin na haemorrhoidae na ang kahulugan ay “(veins) liable to discharge blood.”

Ang kondisyong ito ay bunga ng pagkakaroon ng panay o matagal na pressure sa puwet na nagdudulot ng pag-dilate o paglaki ng mga vein nito. Kaya, ang mahabang pag-upo o kaya ay ang labis na pag-ire sa pagdudumi ay maaaring magdulot ng almoranas.

Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng almoranas ay ang pananakit ng butas ng puwet, pamamaga nito, at pagdurugo. Maaari ring makaranas ng matinding pangangati sa apektadong bahagi.

Ang pagbababad sa apektadong bahagi sa katamtamang mainit na tubig, paggamit ng ice pack, at ng gamot laban sa pangangati ay ilan lamang sa mga agarang lunas para rito.

Kasaysayan

Sa sinaunang panahon ay isinalarawan na sa mga aklat pangmedikal ang almoranas. Ang isa sa mga unang banggit ukol dito ay sa Ehipto noong 1700 BC kung saan inilarawan ang lunas ukol sa isang uri ng kondisyon sa butas ng puwet. Nabanggit din sa Hippocratic corpus noong 460 B.C. ang ukol sa pagpulupot ng sinulid sa namamagang bahagi ng butas ng puwet hanggang sa ito ay malaglag—isang karamdaman na tila tumutukoy sa almoranas.

Unang ginamit ang salitang “hemorrhoid” sa wikang Ingles noong 1398 na siya nang ginagamit hanggang sa modernong panahon.

Mula noon ay napakarami na ng mga pagsusuri ukol sa sanhi at mga lunas para sa kondisyong ito.

Mga Uri

May apat na uri ng almoranas. Ang mga ito ay ang internal, external, prolapsed, at thrombosed.

Internal na almoranas

Ang uri ng almoranas na ito ay nasa loob ng rectum at hindi nakikita. Hindi gaanong seryoso ang kondisyong ito at nawawala na lamang nang kusa.

Ang ganitong uri ng almoranas ay lubhang napakasakit pa rin. Ang mga dumi na dumadaloy papalabas ng puwet ay nakaka-irita sa tuwing madaraanan ng mga ito ang almoranas at nagdudulot pa ng pagdurugo.

External na almoranas

Maaari ring magkaroon ng almoranas sa butas ng puwet (anus) sa mismong labasan ng dumi. Maaaring hindi rin ito mapansin. Subalit, nabubuo ito bilang isang umbok. Bagama’t hindi gaanong malubha ang external na almoranas, napakasakit naman nito at nagdudulot ng malubhang pagkabalisa. Sa katunayan, mas masakit ito dahil ito ay napipisil tuwing umuupo ang mayroon ng kondisyong ito.

Prolapsed na almoranas

Ang prolapsed na almoranas ay nabubuo kapag ang internal na almoranas ay sobrang namaga at nakalabas, o nakausli, sa labasan ng dumi. Maaari itong sundutin pabalik sa loob ng rectum, subalit nakapakahapdi nito.

Thrombosed na almoranas

Ang thrombosed na almoranas ay isang uri ng komplikasyon ng almoranas. Ito ay ang pagkakaroon ng mga namuong dugo sa loob ng laman ng apektadong bahagi. Mapapansin ito dahil sa pamamagang dulot nito sa labasan ng dumi. Lubhang napakasakit at napakakati rin nito, at maaari itong mamuo sa internal at external na uri ng almoranas.

Mga Sanhi

Image Source: www.ibdrelief.com

Ang almoranas ay hindi dulot ng impeksyon. Bagkus, ito ay isang uri ng pamamaga sa mga vein sa puwet at rectum dahil sa mga sumusunod:

  • Labis na pag-ire sa tuwing dumudumi
  • Madalas na pagbubuhat ng mabibigat na mga bagay
  • Paghina ng mga laman sa labasan ng dumi sa puwet at rectum na karaniwang nangyayari sa pagtanda ng tao
  • Pagbubuntis
  • Pag-upo nang napakatagal sa upuan
  • Madalas na pagkakaroon ng tibi (constipation) o pagtatae
  • Kakulangan ng fiber sa pagkain

Sintomas

Image Source: www.scoopwhoop.com

Ang mga sumusunod ay ang mga sintomas ng almoranas:

  • Hirap sa pagdudumi
  • Hapdi sa paligid ng labasan ng dumi
  • Labis na pangangati sa labasan ng dumi
  • Makati at mahapding pamamaga malapit sa labasan ng dumi
  • Pag-agos ng malalikidong dumi sa puwet
  • Pagkakaroon ng dugo sa tae o dumi

Hindi nakamamatay ang almoranas. Subalit, kapag hindi naagapan ay maaari itong lumala. Sa mga madalang na pagkakataon ay maaari itong magdulot ng mga komplikasyon, gaya ng mga sumusunod:

  • Impeksyong dulot ng bacteria. Dahil karaniwang may bukas na sugat ang almoranas, at nadadaanan ito ng dumi, posibleng magkaroon ng impeksyong maging sanhi ito ng iba pang sakit.
  • Prolapse. Nagdudulot ito ng pananakit at pagkabalisa na maaaring maging sanhi ng di maayos na pagbabawas ng dumi.
  • Pamumuo ng dugo. Ang pamumuo ng dugo sa almoranas ay nagdaragdag ng sakit sa kondisyong ito. Maaari rin itong magdulot ng pangangati.
  • Pagbabara ng dugo. Ang mga artery na nagdadala ng sariwang dugo sa almoranas ay maaaring mabarahan. Kapag nangyari ito, nagdudulot ito ng malubhang pagkirot.
  • Anemia. Sa napakabihirang kaso, ang pagdurugo nang labis na dulot ng almoranas ay maaaring maging sanhi ng anemia. Dahil dito, maaaring makaranas ang tao ng pagkapagod, pagkahingal, at pananakit ng ulo.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: rosiemoves.com

Sino man ay maaaring magkaroon ng almoranas. Subalit, may mga taong higit na mataas ang posibilidad na magkaroon nito kaysa sa iba. Sila ay ang mga sumusunod:

  • Mga may myembro ng pamilya na may almoranas. Ang kondisyong ito ay maaaring namamana. Kung ang mga magulang ng isang tao ay nagkaroon nito, malaki ang posibilidad na sila ay magkaroon din nito.
  • Mga umuupo ng matagal. Ang mga taong mas mahaba ang oras sa pag-upo, katulad ng mga nagtatrabaho sa opisina na may desk job, ay maaaring magkaroon nito.
  • Mga nakatayo nang matagal na walang pahinga. Kung masama ang mahabang pag-upo, masama rin ang pagtayo nang Ang mga security guard, halimbawa, ay nanganganib na magkaroon nito dahil sa mahabang oras ng kanilang pagtayo sa trabaho.
  • Mga labis na nagbubuhat ng mabibigat na bagay. Ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay ay nagdudulot ng pressure sa puwet na nagdudulot naman ng almoranas.
  • Mga matataba (obese). Ang pagiging mataba ay maaari ring magdulot ng almoranas. Ang bigat ng katawan ng mga taong obese ay nagdudulot din ng pressure sa puwet, lalo na kapag sila ay nakaupo nang
  • Mga nagbubunits. Ang paglaki ng uterus ay nagdudulot din ng pressure sa vein ng puwet. Kaya, ang mga buntis ay may malaking tsanang magka-almoranas.

Sa pamamagitan ng pagkaalam ng mga sanhi ng almoranas ay madali nang matukoy ang lunas dito.

Pag-Iwas

Image Source: www.health.harvard.edu

Sa katotohanan, madaling iwasan ang almoranas. Ang isa sa pinakamadaling gawin ay tiyaking laging malambot ang dumi para maiwasan ang malabis na pag-ire sa pagbabawas.

Ang iba pang mga pamamaraan sa pag-iwas sa kondisyong ito ay ang mga sumusunod:

  • Huwag pipigilan ang pagbabawas. Kapag pinatagal ang pagbabawas, maaaring tumigas ang dumi at magiging lubhang napakahirap na itong ilabas.
  • Huwag umire nang labis sa pagududmi. Magdudulot ito ng pressure sa mga vein ng puwet. Hayaang natural na lumabas ang dumi.
  • Regular na pag-eehersisyo. Makatutulong sa pagbabawas ng timbang ng tao ang tama at regular na ehersisyo. Kapag wasto ang timbang, nababawasan ang pressure sa puwet tuwing umuupo.
  • Huwag tatagalan ang pag-upo. Nakatutulong ito upang maiwasang magkaroon ng malabis na pressure sa puwet.
  • Uminom ng maraming tubig araw-araw. Napananatili nitong malambot at madaling ilabas ang dumi.
  • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Kabilang dito ang mga gulay at prutas. Nakatutulong ang fiber upang palambutin ang dumi at padulasin ang paglabas nito sa puwet. Dahil dito, maiiwasan ang malabis na pag-ire sa tuwing magbabawas.
  • Gumamit ng fiber supplements. Hindi lahat ng tao ay may pagkakataong makakain ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Kaya, maaaring gumamit ng fiber supplements upang makatulong sa pagpapalambot ng mga kinain. Maaaring kumonsulta sa doktor at mga espesyalista upang mabigyan ng sapat na kaalaman ukol sa pagpili ng tamang fiber supplements.

Sanggunian