Gamot at Lunas

Ang almoranas ay nalulunasan, subalit ang paggamot dito ay batay sa uri at tindi ng kondisyon. Kung ang kondisyon ay hindi pa gaanong malubha, maaaring gawin ang mga sumusunod na home remedy o natural na lunas:

Image Source: www.freepik.com

  • Paglalagay ng ice pack. Gumamit ng ice pack bilang cold compress para sa puwet. Ang lamig na nagmumula sa yelo ay nakatutulong upang ma-iwasan ang lubhang pagkapunit ng mga tisyu sa puwet. Bukod dito, binabawasan nito ang pamamaga at pananakit sa puwet na nararanasan ng pasyente. Upang maging mabisa ito, linisin muna ang puwet bago lagyan ng ice pack. Kung wala namang ice pack, kumuha ng malinis na plastik at lagyan ito ng dinurog na yelo. Mas nakabubuti rin kung babalutan ang plastik ng tuwalya bago ito ilapat sa puwet. Gawin ito sa loob ng 15 hanggang 20 minuto. Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring gawin ang lunas na ito ng 2 o 3 beses sa isang araw.
  • Hot sitz bath. Bukod sa paggamit ng ice pack, maaari ring gumaling ang almoranas sa pamamagitan ng hot sitz bath. Sa home remedy na ito, ang pasyente ay uupo sa isang malaking palanggana na may katamtamang init ng tubig. Ang mainit-init na temperatura ay nakatutulong sa pag-dilate o pagluwag ng mga ugat sa puwet upang mas maging maayos ang pagdaloy ng dugo. Ito ay nagreresulta sa mabilis na pag-impis ng pamamaga at pagbawas ng pananakit na nararamdaman. Kung ito ang napiling lunas para sa almoranas, kumuha lamang ng malaki at malapad na palanggana na pagkakasyahan ng iyong puwet. Lagyan ito ng 4 hanggang 6 na pulgada ng maligamgam na tubig at saka ito upuan. Siguraduhing nakababad nang husto ang puwet at paabutin ang pagbabad hanggang 15 minuto.
  • Pagbabad ng puwet sa tubig na may Epsom salt. Bukod sa hot sitz bath, puwede ring ibabad ang puwet sa tubig na may Epsom salt. Ang Epsom salt ay isang uri ng mineral na kadalasang inihahalo sa mga pampaligo sapagkat nakatutulong ito sa pagbawas ng sakit sa katawan. Upang gamitin bilang gamot sa almoranas, maglagay lamang ng maligamgam na tubig sa planggana at haluan ito ng Epsom salt. Umupo sa loob ng planggana at ibabad ang puwet sa loob ng 15 minuto.
  • Paggamit ng sabila o aloe vera. Kung may tanim na sabila o aloe vera sa bahay, puwede rin itong gamitin bilang gamot sa almoranas. Bagama’t kulang pa ito sa mga ebidensya at pag-aaral, ligtas naman daw itong gamitin ayon sa National Center for Complimentary and Integrated Health. Upang gamitin ang sabila, kumuha lang ng ilang mga dahoon nito at kudkurin ang gel nito gamit ang kutsara. Bahagyang durugin ang gel, pagkatapos ay itapal ito sa almoranas. Pinaniniwalaang mabisa ito para sa almoranas sapagkat nagtataglay ang sabila ng anti-inflammatory property. Ibig sabihin, tumutulong ito sa pagpapahupa ng pamamaga ng mga ugat sa puwet.
  • Pagpapahid ng coconut oil. Ang coconut oil o langis ng niyog ay maaari ring makatulong sa paggaling ng almoranas. Nagsisilbi kasi itong natural na moisturizer at nagtataglay din ito ng anti-inflammatory property.
  • Paggamit ng mga topical treatment. Marami ring topical treatment na nabibili sa botika kahit walang reseta ng doktor. Halimbawa nito ay hemorrhoid cream, hydrocortisone suppository, witch hazel pad, at mga numbing agent. Ang mga topical treatment na ito ay nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga at pananakit na dulot ng almoranas.
  • Pag-inom ng pain reliver. Kung hindi nawawala ang sakit gamit ang mga paraang nabanggit sa taas, maaari rin namang uminom ng mga pain reliever na gaya ng acetaminophen o ibuprofen.

Bukod sa mga nabanggit na home remedy, kailangan ding magkaroon ng mas masiglang pamumuhay ang pasyente upang hindi na lumala pa ang kanyang almoranas. Gawin lamang ang mga sumusunod:

Image Source: unsplash.com

  • Pag-inom ng maraming tubig. Nakatutulong din ang pag-inom ng maraming tubig upang mas mabilis na gumaling ang almoranas. Pinapalambot kasi nito ang dumi sa loob ng tiyan, kaya hindi na mangangailangang umire ng husto sa pagbabawas. Kapag mas malambot ang dumi, hindi na gaanong makikiskis ang mga namamagang litid o ugat sa puwet. Dahil dito, mas mabilis na iimpis ang mga ugat at babalik sa dati nitong laki.
  • Pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang fiber ay isang uri ng carbohydrate na nakukuha sa mga prutas at gulay. Nakatutulong ito sa paglusaw ng mga pagkain sa bituka upang lalo itong lumambot. Bukod dito, ang fiber ay nakatutulong sa pagpapadulas ng dumi upang mas madalit itong makalabas sa puwet. Halimbawa ng mga prutas at gulay na mayaman sa fiber ay peras, abokado, mansanas, karot, broccoli, mais, kamote, orange, patatas, cauliflower, sitaw, at iba pa.
  • Pag-eehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay malaki ang naitutulong upang gumalaw at maging malambot ang dumi sa bituka. Maglaan lamang ng kahit 30 minuto araw-araw para sa pag-eehersiyso upang maging mas maayos ang pagdumi.
  • Pagsusuot ng maluwag at komportableng pang-ibaba. Kung minsan, lumulala ang almoranas dahil masyado itong naiipit at nakikiskis ng masikip na pang-ibaba o saluwal. Upang maging mas mabilis ang paggaling nito, magsuot lamang ng maluwag at komportableng kasuotan.

Kung masugid na gagawin ang mga iminungkahing home remedy at pagbabago sa pamamaraan ng pamumuhay, maaaring gumaling na ang almoranas sa loob ng 1 linggo. Subalit, kung may malubhang kaso ng almoranas, kinakailangan ng agarang pagtanggal nito upang maiwasan ang anumang komplikasyon. Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring sumailalim ang pasyente sa alinmang sumusunod na paraan:

  • External hemorrhoid thrombectomy. Kung may namuong dugo sa almoranas at nagdudulot ito ng matinding pananakit, maaaring sumailalim ang pasyente sa external hemorrhoid thrombectomy. Maaari lamang itong gawin kung ang almoranas ay nasa labas o palibot lamang ng puwet ng pasyente. Sa pamamaraang ito, titistisin ng doktor ang namuong dugo sa almoranas. Wala namang dapat ipangamba sa prosesong ito sapagkat tuturukan muna ang pasyente ng pampamanhid.
  • Rubber band ligation. Kung ang almoranas ay nasa loob ng puwet, maaaring sumailalim ang pasyente sa rubber band ligation. Sa pamamaraang ito, gagamit ang doktor ng ligator at isang maliit na tubo na may ilaw (lighted tube) at ipapasok ito sa loob ng puwet. Sa dulo ng tubong ito ay may forceps o pang-ipit para sa almoranas. Kapag naipit na ang almoranas, itutulak ng doktor ang ligator pataas upang mailagay ang rubber band o lastiko sa mismong pamamagang nagdudulot ng almoranas. Upang mas madaling maintindihan, maihahalintulad ito sa makalumang paraan ng pagkakapon ng mga hayop na ginagamitan ng lastiko. Subalit sa paraang ito, almoranas ang tinatanggal. Kapag nalagyan na ng lastiko ang almoranas, mapuputol na ang supply ng dugo nito. Pagsapit ng isang linggo, unti-unti nang matutuyo at malalaglag ang almoranas.
  • Sclerotherapy. Sa sclerotherapy, tuturakan ng doktor ang mga almoranas ng pasyente ng chemical solution. Ang chemical solution na ito ay may kakayanang paliitin ang almoranas, subalit maaaring hindi ito kasing bisa ng rubber band ligation.
  • Coagulation. Sa coagulation naman, maaaring gumamit ang doktor ng laser, infrared light, o heat. Ang paraang ito ay nakatutulong upang paliitin at patigasin ang almoranas nang mas madali itong matanggal.
  • Hemorrhoidopexy. Sa pamamaraang ito, ang almoranas ng pasyente ay gagamitan ng circular stapler upang ipitin ang mga almoranas sa loob ng dingding ng rectum o tumbong. Kapag naipit na ang mga almoranas ng stapler, mapuputol na ang supply ng dugo nito hanggang sa matuyo ito at umimpis.
  • Hemorrhoidectomy. Ang hemorrhoidectomy ay isang uri ng operasyon. Isinasagawa lamang ito kung talagang malubha na at masyado nang marami ang almoranas ng pasyente. Sa operasyong ito, ang pasyente ay tuturukan ng pampamanhid bago tistisin ang mga almoranas. Kung ikukumpara sa mga iba pang nabanggit na paraan, ito ang pinakamabisang lunas sa almoranas.

Habang ang almoranas ay bago pa lamang, agad na lapatan ito ng mga home remedy o natural na lunas. Subalit kung ang almoranas ay may kasama na’ng pananakit at pagdurugo, iminumungkahi na magpakonsulta agad sa doktor.

Sanggunian