Buod
Sa Pilipinas, mahigit-kumulang 15 milyong Pilipino ang may altapresyon o high blood pressure. Ito rin ay kilala sa tawag na hypertension. Ang saklaw ng normal na presyon ng dugo ay 120/80 pababa. Kapag ang presyon ay nasa pagitan ng 121/81 at 139/89, ito ay maituturing na high normal o mataas ngunit hindi parin kaaba-abala. Subalit, kapag ang presyon ay umabot ng 140/90 pataas, ito ay maituturing na’ng altapresyon o high blood pressure.
Tinaguriang “silent killer” ang pagkakaroon ng high blood pressure sapagkat hindi lahat ay nakararanas ng mga sintomas. Ngunit kadalasan, kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaramdam ng pananakit ng batok, pagkahilo, pagbigat ng ulo, at marami pang iba.
Walang pinipili ang altapresyon. Kahit ang mga nasa edad 18-anyos lamang ay maaaring magkaroon nito. Kadalasan, nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo kapag hindi malusog ang paraan ng pamumuhay ng isang tao.
Ilan sa mga maaaring magdulot ng kondisyon na ito ay ang labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, hindi pag-eehersisyo, at labis na pagkain ng maaalat at mgatataba. Bukod pa sa mga ito, ang posibilidad na magkaroon ng altapresyon ay posible ring mamana mula sa mga magulang.
Kapag ang altapresyon ay ipinagsawalang-bahala, maaaring magkaroon ng iba’t ibang sakit gaya ng atake sa puso, stroke, at sakit sa bato. Upang hindi na humantong pa sa ganitong kalagayan, magpasuri agad sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas ang altapresyon.
Kasaysayan
Nagsimula ang interes sa pananaliksik tungkol sa high blood pressure o hypertension nang mabigyan ng Ingles na manggagamot ni William Harvey (1578-1657) ng tamang paglalahad ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Noong 1733, naisagawa at naitala ni Stephen Hales, isang Ingles na klero o clergyman, ang kauna-unahang sukat ng presyon ng dugo.
Noong 1836 naman, nakilala ang sakit na Bright’s disease. Ipinangalan ito sa nakadiskubre nito na si Richard Bright. Ang Bright’s disease ay isang uri ng sakit sa bato na may kinalaman sa cardiac hypertrophy o paglaki ng puso. Ang sakit na ito ang naging batayan ng ibang mananaliksik upang imbestigahan pa ang relasyon nito sa pagtaas ng presyon ng dugo.
Bagama’t maraming pag-aaral, teorya, at opinyon ang inilahad ng iba’t ibang mananaliksik at manggagamot, noong 1896 lamang nabuo ang terminong “hypertension” nang maimbento ni Scipione Riva-Rocci ang sphygmomanometer. Ito ay isang uri ng aparato o device na pangsukat sa presyon ng dugo. Ito ay mayroong inflatable cuff—isang bahagi na puwedeng mahigpitan at paluwagan sa pamamagitan ng pagbomba at pagtanggal ng hangin dito.
Iba’t ibang pamamaraan din ang isinagawa upang magamot ang hypertension noong ika-19 at ika-20 na siglo. Subalit, ang mga ito ay hindi mabisa o kaya naman ay hindi makayanan ng mga pasyente. Kabilang na rito ay ang pagtuturok ng mga gamot na maaaring magdulot ng lagnat. Sa pagkakaroon daw kasi ng lagnat, bumababa ang presyon ng dugo. Nariyan din ang paggamit ng iba’t ibang gamot o kemikal gaya ng sodium thiocyanate, barbiturate, bismuth, at bromide. Subalit, ilan sa mga ito ay mayroong maraming side effect o hindi kanais-nais na mga epekto. Bukod dito, ilan din sa mga ito ay napatunayan kalaunang hindi naman talaga nakapagpapababa ng presyon.
Pero nang sumapit ang taong 1950, nakagawa na ng gamot na mabisa sa pagpapababa ng presyon at ito ay tinatawag na chlorotiazide. Ang chlorotiazide ay isang uri ng diuretic o gamot na pampaihi. Ito ay tumutulong upang bawasan ang labis na tubig sa katawan. Sa pamamagitan ng madalas na pag-ihi, hindi lamang presyon ng dugo ang bumababa, pati na rin ang posibilidad na makaranas ng stroke at maatake sa puso.
Sunod sa matagumpay na pagkakadiskubre ng cholorotiazide ay ang paggawa ng iba pang mga gamot sa altapresyon gaya ng beta blocker, calcium channel blocker, angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitor, at captopril.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Kadalasang tumataas ang presyon ng isang tao kapag hindi malusog ang kanyang paraan ng pamumuhay. Bukod dito, maaari ring mamana ang kondisyong ito, lalo na kung ang isa o parehong magulang ay mayroon nito. Upang maka-iwas sa pagkaroon ng altapresyon, alamin ang iba’t ibang mga sanhi nito:
- Labis na pag-inom ng alak. Lingid sa kaalaman ng iba, ang alak ay mayaman sa mga calorie at asukal. Dahil dito, dumadami ang mga lipid o taba sa daluyan ng dugo. Kapag sumobra na ang mga ito sa katawan, mapipinsala ang mga daluyan ng dugo gaya ng artery at titigas ang mga ito kalaunan. Ito naman ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo.
- Paninigarilyo. Ang nicotine sa sigarilyo ay nakapagpapalapot at nakapagpapakumpul-kumpol ng dugo. Bukod sa pinapakipot at binabarahan nito ang mga daluyan ng dugo, pinatitigas din nito ang mga artery. Dahil dito, nagkakaroon ng hypertension ang isang tao.
- Hindi pag-eehersisyo. Ang hindi pag-eehersisyo ay isa rin sa mga sanhi ng mataas na presyon sapagkat ang mga taba ay hindi natutunaw at bukod dito ay naiipon sa katawan. Kapag nangyari ito, ang mga daluyan ng dugo ay sisikip at magreresulta sa high blood.
- Labis na pagkain ng maaalat at matataba. Ang labis na pagkain ng maaalat ay maaaring makasira ng mga kidney o bato ng katawan. Kapag napinsala ang mga bato, tataas ang presyon ng dugo at maaari ring mamanas. Samantalang ang labis na pagkain ng matataba naman ay nagdudulot ng pagbabara at paninigas ng mga daluyan ng dugo, kaya naman tumataas ang presyon ng isang tao.
- Pagiging overweight o labis ang timbang. Ang pagiging overweight o pagkakaroon ng labis na timbang ay nagdudulot ng altapresyon sapagkat dumadami ang kailangang daluyan ng dugo. Dahil dito, ang puso ay kailangang magtrabaho nang higit pa sa normal na kaya nito, kaya naman tumataas ang presyon ng isang tao.
- Katandaan. Habang tumatanda, ang mga daluyan ng dugo at puso ay unti-unting nagkakapinsala. Tumitigas ang mga ito, na sinasabayan naman ng paghina ng mga kalamnan ng puso. Upang maka-angkop sa ganitong kondisyon, ang puso ay pilit na pinalalakas ang pagtibok nito, pero bilang kapalit, ang presyon ng dugo ay tumataas.
- Pagkakaroon ng kamag-anak na mayroong altapresyon. Kung mayroong lahi ng altapresyon sa inyong pamilya, hindi malayong mamana mo rin ito. Kaya naman mas pinaiigting pa ang pag-iingat sa paraan ng pamumuhay kung mayroong mga may altapresyon sa inyong angkan.
- Iba pang mga karamdaman. Kung ang pasyente ay mayroong mga karamdamang gaya ng sakit sa bato, thyroid disorder, sleep apnea, at iba pa, maaari rin siyang magkaroon ng altpresyon. Kung hindi magagamot ang mga sakit at karamdamang ito, ang presyon ng dugo ay patuloy na tataas.
Ang mga nabanggit na sanhi ay maaaring magdulot ng long-term high blood presure o pangmatagalang altapresyon. Subalit, may ilang mga bagay na maaaring makapagdulot ng panandaliang pagtaas ng presyon. Kasama na dito ang pagdanas ng stress, kakulangan sa pagtulog, pagkagalit, init ng panahon, at pagkapagod.
Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Karaniwang sintomas ng altapresyon o high blood pressure ang mga sumusunod:
- Pananakit ng batok
- Pagkahilo
- Pagbigat o pananakit ng ulo
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring makaranas ng mga sumusunod na sintomas kung ang presyon ng dugo ay masyado nang mataas:
- Panlalabo ng paningin
- Pananakit ng dibdib
- Hirap sa paghinga
- Iregular na pagtibok ng puso
- Pag-ihi na may kasamang dugo
- Parang may pumipintig sa dibdib, leeg, o tainga
Mga Salik
Mataas ang posibilidad na magkaroon ng altapresyon o high blood pressure kung nabibilang alinman sa mga sumusunod na grupo:
- Edad 65 pataas. Ang kadalasang naaapektuhan ng altapresyon ay ang mga nasa edad na 65 pataas sapagkat ang mga daluyan ng dugo ay medyo matigas na at ang mga kalamnan ng puso ay medyo mahina na. Subalit, maaari pa ring magkaroon ng high blood pressure ang mga kabataan lalo na kung ipinanganak silang may problema sa puso o kung labis na hindi malusog ang paraan ng pamumuhay.
- Mga kalalakihan. Ayon sa pag-aaral, ang mga kalalakihan ay mas naaapektuhan ng altapresyon kaysa sa mga kababaihan. Itinuturong dahilan dito ang mas madalas na pagkakaroon ng bisyo ng mga kalalakihan.
- Mga African-American. Kung ang lahi ng isang tao ay African-American, mas madali siyang magkakaroon ng mataas na presyon. Ayon sa mga mananaliksik, ito ay dahil sa kanilang genes at dahil ang ibang mga gamot na ginagamit para sa altapresyon ay hindi mabisa para sa kanila.
- Kasaysayan ng altapresyon sa pamilya. Kung ang mga magulang o kamag-anak mo ay may high blood pressure, posible mo itong mamana. Subalit, maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na paraan ng pamumuhay.
- Mga overweight o labis ang timbang. Ang mga overweight o labis ang timbang ay mas madaling magkaroon ng altapresyon sapagkat ang kanilang puso ay mas nahihirapang magdala ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Kapag ang puso ay nasobrahan sa trabaho, maaaring manghina ang mga kalamnan nito at manigas kalaunan ang mga daluyan ng dugo.
- Pagkakaroon ng bisyo. Ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakapagpapalapot ng dugo at ito ay maaaring magresulta sa pagkukumpul-kumpol nito. Dahil dito, ang mga daluyan ng dugo ay naninikip o nagbabara na nagiging sanhi ng mataas na presyon.
Pag-Iwas
Image Source: www.inc.com
Ang altapresyon ay kondisyon na madalas nakukuha sa hindi malusog na paraan ng pamumuhay. Kaya naman, ito ay napakadaling iwasan. Upang hindi magkaroon ng kondisyon na ito, gawin ang mga sumusunod:
- Mag-ehersisyo araw-araw upang mapanatili ang tamang timbang.
- Iwasan ang pagkain ng maaalat at matatabang pagkain.
- Kumain ng pagkain na mayaman sa potassium gaya ng saging upang mabawasan ang sobrang asin sa katawan.
- Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo.
- Iwasan ang mga bagay na makapagdudulot ng stress.
- Ugaliing magpahinga at matulog ng 7-9 oras.
Gaya ng nabanggit noong una, ang altapresyon o high blood pressure ay tinaguriang “silent killer.” Kaya naman, malaki ang maitutulong ng regular na pagmomonitor ng presyon ng dugo. Maaaring magpakuha ng presyon ng dugo sa ilang klinika at health center nang libre. Kung ikaw naman ay madalas makaranas ng altapresyon at umiinom na ng mga gamot pang-maintenance, mas mainam na bumili ng pangsariling blood pressure monitoring device.
Sanggunian
- https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2018/11/01/1864872/high-blood-pressure
- https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/talakayan/655150/high-blood-pressure-guideline-dapat-bang-ibaba-sa-130-80-o-panatilihin-sa-140-90
- https://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/guide/hypertension-symptoms-high-blood-pressure
- https://en.wikipedia.org/wiki/History_of_hypertension
- https://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/guide/blood-pressure-causes
- https://www.alcohol.org/effects/blood-pressure/
- https://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/guide/smoking-kicking-habit
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-pressure/symptoms-causes/syc-20373410
- https://tgp.com.ph/gamot-sa-highblood/