Buod
Maraming sakit ang posibleng makuha lalo na sa pagsapit ng katandaan, kabilang na rito ang Alzheimer’s Disease. Ang Alzheimer’s Disease ay itinuturing na pinakalaganap na uri ng dementia o ang paghina ng mental na abilidad ng isang tao. Base sa datos, mahigit 179,000 Filipino ay mayroong uri ng dementia at kasama dito ang Alzheimer’s Disease.
Ang pinakakilalang sintomas ng Alzheimer’s Disease ay ang pagiging makalilimutin. Bagamat normal lang na makalimot sa ibang bagay, ang lebel ng pagkalimot sa sakit na ito ay mas malubha at nakaaapekto na sa pang-araw-araw na pamumuhay. Bukod sa pagiging makalilimutin, maaari ring kakitaan ng agresibong gawi at pagiging mapaghinala ang taong may Alzheimer’s Disease.
Nagkakaroon ng Alzheimer’s Disease ang isang tao sapagkat ang cells ng utak ay unti-unting lumiliit o namamatay. Wala talagang lunas ang sakit na ito sapagkat ang Alzheimer’s Disease ay isang klase ng degenerative na sakit. Ang ibig sabihin ng “degenerative” ay lumalala kalaunan at walang anumang paraan para maibalik pa sa normal na kapasidad ang parte ng katawan na naapektuhan.
Sa paglala ng kondisyon ng taong may Alzheimer’s Disease, hindi lamang mga lugar at pangalan ng tao ang maaari niyang makalimutan. Posible rin niyang makalimutan kung paano gawin ang mga simpleng gawaing bahay, maging ang pagsasalita. Dahil unti-unting lumalala ang kondisyon ang utak, ang taong may Alzheimer’s Disease ay parang nagiging isang batang paslit na kailangan ng matinding atensyon at pagkalinga.
Bagamat walang lunas ang Alzheimer’s Disease, may mga paraan naman upang maibsan ang mga sintomas nito gaya ng pag-inom ng medikasyon at pagsasailalim sa iba’t ibang uri ng therapy. Upang mas dumami pa ang iyong kaalaman tungkol sa sakit na ito, narito ang mga sintomas, gamot, at sanhi.
Kasaysayan
Napag-alaman lamang ang sakit na Alzheimer’s Disease noong taong 1906. Ang nakadiskubre nito ay si Dr. Alois Alzheimer, kaya naman ang bansag sa sakit na ito ay Alzheimer’s Disease.
Si Dr. Alzheimer ay isang masigasig na batang psychiatrist at hilig niyang pag-aralan ang relasyon ng brain disease at mental illness. Noong siya ay mahigit 30-anyos lamang, namatay ang kanyang asawa, kaya naman nilulong niya ang kanyang sarili sa kanyang trabaho at pangangalaga ng kanyang mga pasyente.
Noong taong 1901, nagkaroon si Dr. Alzheimer ng pasyenteng nagngangalang August Deter. Si Ginang Deter ay nakitaan ng mga sintomas ng pagkalimot, pagiging mapaghinala, at pagiging agresibo, kaya naman inilapit siya ng kanyang asawa sa isang mental hospital.
Sa pagkamatay ni Ginang Deter noong taong 1906 ay inotopsiya ang kanyang utak. Dito napag-alaman ni Dr. Alzheimer na lumiit pala ang cells sa utak ni Ginang Deter na siyang nagdulot ng pagiging makalilimutin at pagiging agresibo nito.
Isa pang mahalagang naitala sa kasaysayan ng Alzheimer’s Disease ay ang pagkakaroon ng kauna-kaunahang FDA-approved na gamot noong taong 1993. Ang gamot na ito ay tinatawag na Cognex at ito ay mabisang lunas para maibsan ang mga sintomas ng Alzheimer’s Disease gaya ng pagkalimot.
Mga Uri
Image Source: www.freepik.com
Ang Alzheimer’s Disease ay may 3 uri at ito ay ang mga sumusunod:
- Late Onset Alzheimer’s Disease (LOAD) – Sa Late Onset Alzheimer’s Disease o LOAD, ang naaapektuhan nito ay ang mga taong may edad 65 pataas. Sa 3 uri ng Alzheimer’s Disease, ito ang itinuturing na pinakalaganap. Halos 90% ng may Alzheimer’s Disease ay kabilang sa LOAD. Nagkakaroon ng LOAD kung may diperensya ang chromosome 19. Ang chromosome ay ang mala-sinulid na istruktura sa loob ng cell na siyang nagdadala ng genetic information ng katawan.
- Early Onset Alzheimer’s Disease (EOAD) – Hindi lamang matatanda ang pwedeng maapektuhan ng Alzheimer’s Disease. Sa Early Onset Alzheimer’s Disease o EOAD, ang mga taong naaapektuhan nito ay nasa pagitan ng edad 30 at 50. Posibleng magkaroon ng sakit na ito kung may diperensya naman ang chromosome 14.
- Familial Alzheimer’s Disease (FAD) – Ang Familial Alzheimer’s Disease o FAD ay malaki ang kaugnayan sa EOAD. Bagamat napakadalang at mas mababa pa sa 1% ang nagkakaroon nito, pwede kang magkaroon ng FAD kung ang ilan sa mga myembro ng pamilya mo ay may EOAD. Kadalasan, ang chromosomes na apektado sa uri na ito ay chromosome 1, 14, o 21.
Mga Sanhi
Bata man o matanda ay posibleng magkaroon ng Alzheimer’s Disease. Upang maiwasan ang Alzheimer’s Disease, alamin ang mga sanhi nito.
- Amyloid – Ang amyloid ay isang uri ng protina na posibleng mamuo sa cells ng utak. Dahil dito, nagkakaroon ng plaque o parang “mantsa” ang cells ng utak, kaya naman naaapektuhan ang kalusugang mental ng isang tao.
- Tau – Gaya ng amyloid, ang tau ay isang uri ng protina at pinagbubuhul-buhol nito ang cells ng utak. Kapag nangyari ito, hindi magawang magbigay ng mensahe o senyales ang utak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Bukod sa mga protinang nabanggit, maaari ring maging sanhi ang mga sumusunod:
- Namana sa pamilya – Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng Alzheimer’s Disease ang isang tao kung mayroon ding ibang miyembro ng pamilya o angkan na mayroon nito.
- Lifestyle o paraan ng pamumuhay – Ang pagbaba ng mental na kapasidad ng tao ay maaari ring dulot ng kanyang lifestyle o paraan ng pamumuhay. Pwedeng ito ay dahil sa kanyang kinakain, kakulangan sa pag-eehersisyo, at iba pa.
- Salik pangkapaligiran – Maaari ring maging sanhi ng Alzheimer’s Disease ang mga salik pangkapaligiran gaya ng pagkakalantad sa nakalalasong kemikal, pagkaka-aksidente, at iba pa.
Sintomas
Image Source: www.reddit.com
Masasabing Alzheimer’s Disease ang sakit ng isang tao kung siya ay kakikitaan ng mahigit alinman sa sumusunod:
- Pagiging lubos na makalilimutin – Ito ang pinaka-sintomas ng taong may Alzheimer’s Disease. Ang lebel ng pagkalimot nito ay sobrang lubha at nakaaapekto na sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.
- Hindi matandaan kung saan ipinatong o itinabi ang isang bagay – Sa kaso ng taong may Alzheimer’s Disease, hindi niya magawang alalahanin kung saan niya ipinatong o itinabi ang isang bagay. At minsan, kung hindi niya makita ito, ay inaakusahan niya ang ibang tao na ninakaw ito.
- Paulit-ulit ang mga sinasabi – Isa pang senyales na may Alzheimer’s Disease ang isang tao ay ang paulit-ulit na mga sinasabi. Maaaring ito ay isang paulit-ulit na tanong o paulit-ulit na pagsasalaysay ng isang kwento.
- Naliligaw – Ang taong may Alzheimer’s Disease ay kadalasang naliligaw o hindi makarating sa paroroonan kahit pamilyar siya sa lugar. Minsan ay nakararating naman siya sa lugar na gustong puntahan pero hindi niya maalala kung paano siya nakarating dito.
- Nahihirapan tapusin ang dati nang ginagawa – Dahil sa bumababa ang kapasidad na mag-isip ng taong may Alzheimer’s Disease, nagiging hirapan siya sa pagtapos ng mga gawaing dati na niyang nakasanayan.
- Hindi maalala ang pangalan ng malalapit na kamag-anak o kaibigan – Bukod sa pangalan, kapag lumala na ang Alzheimer’s Disease, malilimutan na rin niya ang itsura at relasyon niya sa mga malalapit na kamag-anak o kaibigan.
- Nahihirapan magbilang – Maging ang pagbibilang ay nalilimutan ng taong may Alzheimer’s Disease. Hindi siya makausad sa kasunod na bilang sapagkat nalilimutan niya agad kung ano ang huli niyang bilang.
- Hindi makagawa ng agarang desisyon sa simpleng bagay – Hirapan nang gumawa ng agarang desisyon ang taong may Alzheimer’s Disease. Kahit ang simpleng pagdedesisyon ng kung ano ang lulutuin, anong gawaing bahay ang uunahin, at marami pang iba ay mistulang nagiging malaking problema na sa kanya.
- Pagiging agresibo at kawalan ng interes – Maaari ring maging agresibo ang taong may Alzheimer’s Disease, sapagkat naiinis siya sa kanyang sarili dahil marami na siyang mga bagay na hindi na niya kayang gawin. Bukod sa pagiging agresibo, ay nawawalan na rin siya ng interes na gawin ang dati niyang mga kinahihiligan, maging ang pakikihalubilo sa iba.
- Pagiging mapaghinala – Nagdudulot din ng pagiging mapaghinala ang Alzheimer’s Disease. Nawawalan minsan ang mayroon nito ng tiwala sa ibang mga tao at nagkakaroon din ng iba’t ibang delusyon.
Mga Salik sa Panganib
Tataas ang posibilidad ng isang tao na magkaroon ng Alzheimer’s Disease kung kabilang siya alinman sa mga sumusunod:
- Edad 65 pataas – Ang madalas maapektuhan ng Alzheimer’s Disease ay ang mga taong may edad 65 pataas, sapagkat madalas humihina ang mental na kapasidad pagsapit ng katandaan dulot ng pagbabagong pisikal.
- Namamana sa pamilya – Kung nasa lahi na talaga ang Alzheimer’s Disease, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Pero hindi naman ito nangangahulugan na siguradong tatamaan ka ng sakit na ito. Kung may karampatang pag-iingat, posible namang makaiwas dito.
- Pinsala sa ulo o may karamdaman – Ang mga taong may pinsala sa ulo o may karamdaman ay malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng Alzheimer’s Disease, sapagkat mas madaling masasakop ng amyloid o tau ang huminang resistensya ng katawan.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Upang makaiwas sa Alzheimer’s Disease, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Kumain nang tama at mag-ehersisyo – Base sa pag-aaral, 80% ng may Alzheimer’s Disease ay mayroon ding sakit sa puso. Bagamat hindi pa lubusang malinaw kung paano konektado ang mga ito, iminumungkahi na kumain nang tama at mag-ehersisyo para maiwasan ang pagkakaroon ng mataas na cholesterol at sakit sa puso. Bukod dito, ang pagkain nang tama ay nakatutulong magbigay ng sapat na nutrisyon sa utak, samantalang ang pag-eehersisyo ay nakatutulong para mabigyan ng sapat na oxygen ang mga brain cells.
- Sanayin ang utak na mag-isip – Para hindi pumurol ang utak, iminumungkahi na sanayin ito na mag-isip. Upang mahasa ito, magbasa ng mga libro, maglaro ng intellectual games gaya ng board or word games, at marami pang iba.
- Makihalubilo sa ibang tao – Maging ang simpleng pakikihalubilo sa ibang tao ay nakatutulong upang tumalas ang pag-iisip. Bukod sa hindi ka maiinip, pwede ka pang matuto ng iba’t ibang bagay base sa salaysay ng ibang tao.
- Iwasang magkaroon ng pinsala sa ulo – Ang pagkakaroon ng pinsala sa ulo ay pwede ring pagsimulan ng Alzheimer’s Disease. Kaya naman kung ikaw ay nagmamaneho ng sasakyan o motorsiklo, ay iminumungkahi na laging mag-seat belt o mag-helmet.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga paraang nabanggit, hindi ka lang makakaiwas sa Alzheimer’s Disease, pati na rin sa iba’t ibang klaseng sakit.
Sanggunian
- https://newsinfo.inquirer.net/825746/in-the-know-alzheimers-disease
- https://www.healthline.com/health/dementia
- https://www.ritemed.com.ph/articles/alzheimers-disease-mga-dapat-mong-malaman
- https://www.alzheimers.net/history-of-alzheimers/
- https://www.doh.gov.ph/node/915
- http://lifegen.net/blog/the-three-types-of-alzheimers-disease/index.html
- https://www.webmd.com/alzheimers/guide/alzheimers-types
- https://www.nhs.uk/conditions/alzheimers-disease/causes/
- https://www.brainblogger.com/2017/09/15/environmental-factors-in-development-of-alzheimers-disease/
- https://www.alz.org/alzheimers-dementia/10_signs
- https://www.alz.org/alzheimers-dementia/what-is-alzheimers/causes-and-risk-factors
- https://www.nhs.uk/conditions/alzheimers-disease/treatment/
- https://hopes.stanford.edu/about-glutamate-toxicity/
- https://toolkit.modem-dementia.org.uk/wp-content/uploads/2016/04/CST-Intervention-Summary.pdf
- https://www.alz.org/alzheimers-dementia/research_progress/prevention