Gamot at Lunas

Maraming puwedeng ipang-gamot para sa an-an (tinea versicolor). Sa mga hindi gaanong kalubhang kondisyon, maaaring bumili lamang ng mga anti-fungal na produkto sa mga botika na gaya ng mga sumusunod:

  • Anti-fungal ointment o cream Isa sa mga kilalang gamot para sa an-an ay ang mga anti-fungal ointment o cream. Ito ay ipinapahid lamang sa apektadong balat nang 2-3 beses sa isang araw. Ang karaniwang anti-fungal ointment o cream na nabibili sa mga botika ay ketoconozale, clotrimazole, at terbinafine.
  • Salycylic acid. Ang salicylic acid ay mabisa ring gamot para sa an-an. Isa itong uri ng likido na ipinapahid sa apektadong balat sa pamamagitan ng bulak. Mas mainam na ipahid ito pagkatapos maligo o maglinis ng katawan. Kadalasang ipinapayo na ipahid ito 2-3 beses sa loob ng isang araw. Subalit, ang lahat ay pinapayuhan na huwag gawing labis-labis ang pagpapahid sapagkat maaari magdulot ng malubhang pagka-irita ng balat.
  • Anti-fungal lotion. Mayroon ding nabibiling mga anti-fungal lotion sa mga botika. Bukod sa an-an, mabisa rin ang anti-fungal lotion sa iba’t ibang fungal infection sa balat, gaya ng buni, hadhad, at alipunga.
  • Anti-fungal soap. Kung may anti-bacterial soap, mayroon ding anti-fungal soap. Ang karaniwang generic name ng mga anti-fungal soap ay sulfur + VCO, sulfur zinc oxide salicylic acid, sulfur + salicylic acid, at iba pa.
  • Anti-fungal shampoo. Kung ang an-an naman ay nasa may anit, maaari ring gumamit ng anti-fungal shampoo. Bukod sa pagpapagaling nito ng an-an sa anit, napapagaling din nito ang balakubak.

Ang mga ipinapahid na gamot sa an-an ay karaniwang isinasagawa 2-3 beses sa loob ng isang araw. Mainam na ipahid ang mga ito pagkatapos maligo o linisin ang katawan. Samantalang ang mga ­lunas gaya ng anti-fungal soap at shampoo ay iminumungkahi na gamitin tuwing maliligo pagkagising sa umaga at bago ang pagtulog sa gabi. Kapag nagsimula na ang paggamot, ang mga normal na kaso ng an-an ay kadalasang gumagaling sa loob ng 1 hanggang 2 linggo.

Kung ang an-an naman ay lubos nang kumalat sa katawan, magpakonsulta na sa isang dermatologist. Depende sa iyong kondisyon, ang dermatologist ay maaaring magreseta ng mga anti-fungal tablet o kaya naman ay magturok ng mga anti-fungal injection.