Buod

Ang anemia ay ang pagkakaroon ng mas mababang bilang ng mga hemoglobin o red blood cell kaysa sa normal. Ang hemoglobin ay ang protinang matatagpuan sa red blood cell, samantalang ang red blood cell ay ang kulay pulang uri ng dugo na nagdadala ng oxygen at nutrisyon sa iba’t ibang mga bahagi ng katawan. Malalaman na may anemia ang isang tao kapag ang kanyang hemoglobin level ay mas mababa sa 13.5 gm/dl (sa mga lalaki) o 12 gm/dl (sa mga babae).

Mapapansing maputla at madalas na nanghihina ang isang taong anemic. Ito ay dahil sa hindi nakatatanggap ang katawan ng sapat na oxygen. Bukod sa mga ito, maaari ring makaranas ang pasyente ng pagkahilo, pananakit ng ulo, hirap sa paghinga, mabilis na pagtibok ng puso, pananakit ng dibdib, pamimintig ng mga tenga, at pagkakaroon ng malalamig na mga kamay at paa.

Iba’t iba ang mga sanhi ng anemia. Maaaring ito ay dulot ng pagkawala ng labis na dugo, o kaya naman ay hindi nakagagawa ang katawan ng sapat na dami ng mga red blood cell. Dagdag dito, may mga pagkakataon din na sinisira ng mismong immune system ng katawan ang mga red blood cell kaya ang mga ito ay umuunti.

Ang paglunas sa anemia ay batay sa uri, sanhi, at tindi ng kondisyon. Subalit kadalasan, ang pasyente ay maaaring bigyan ng doktor ng mga gamot upang tumaas ang bilang ng kanyang mga red blood cell. Maaari ring salinan ng dugo ang pasyente kapag malubha na ang kondisyon. Bukod sa mga nabanggit, maaari ring payuhan ng doktor ang pasyente na sumailalim sa espesyal na diyeta upang gumaling mula sa kondisyong ito.

Kasaysayan

Noon pa man ay naaapektuhan na ng anemia ang mga sinaunang sibilisasyon. Batay sa pananaliksik, ang nakitaan ng malalang mga sintomas ng anemia ang mga buto at labi ng mga sinaunang tao sa Thailand 4,000 taon na ang nakararaan.

Ayon naman sa mga Griyego, ang anemia ay nangangahulugang “kulang sa dugo.” Pinaniniwalaan din noon na ang sintomas gaya ng pamumutla sa kondisyong ito ay dulot ng pag-atake ng mga bampira. Dahil dito, naisip ng mga Griyego na ang tanging lunas dito ay ang pagsasalin ng dugo ng tao.

Sa kasalukuyan, hindi lamang pagsasalin ng dugo ang maaaring maging lunas ng anemia. Nariyan na ang mga gamot, supplement, at ang pagkain ng tamang diyeta.

Mga Uri

Ang anemia ay mayroong mahigit 400 na mga uri at nahahati sila batay sa sanhi nito. Narito ang mga pangunahing uri ng kondisyong ito:

  • Iron deficiency anemia. Nagkakaroon ng iron deficiency anemia kapag may kakulangan ng iron sa katawan. Ang iron ay isang uri ng mineral na kailangan ng hemoglobin upang magawa nito nang maayos ang kanyang trabaho. Kapag kulang ang iron sa katawan, hindi ito makagagawa ng sapat na dami ng mga red blood cell.
  • Vitamin deficiency anemia. Nagkakaroon ng vitamin deficiency anemia kapag hindi nagiging malusog ang mga red blood cell dahil hindi kumakain ang pasyente ng mga pagkaing mayaman sa bitamina gaya ng folate, vitamin B12, at vitamin C.
  • Sickle cell anemia. Ito ay isang namamanang uri ng Sa mga normal na kondisyon, ang hugis ng mga red blood cell ay bilog. Subalit sa kondisyong ito, ang mga red blood cell ay nagiging hugis-karit (sickle). Sa pagbabago ng hugis ng mga red blood cell, ang mga ito ay nagiging matigas at malagkit kaya naman naiipit sila sa mga maliliit na ugat at nagiging sanhi ng pagbabara at pagbagal ng pagdaloy ng dugo sa katawan. Dahil dito, hindi makatanggap ang ilang mga bahagi ng katawan ng sapat na dami ng dugo at oxygen.
  • Aplastic anemia. Ang aplastic anemia ay ang isang mapanganib ngunit napakadalang na uri. Sa kondisyong ito, ang katawan ay tumigil na sa paggawa ng sapat na dami ng mga red blood cell. Dahil dito, ang pasyente ay nagkakaroon ng hindi makontrol na pagdurugo at nagiging mas lapitin ng mga impeksyon.
  • Thalassemia. Sa uring ito, ang katawan ay hindi nakagagawa ng sapat na dami ng hemoglobin. Nangyayari ito sapagkat ang mga DNA ng katawan ay nagkakaroon ng mga mutation o pagbabago. Maaari ring mamana ang kondisyong ito.
  • Hemolytic anemia. Ang hemolytic anemia ay maaaring mamana. Sa mga normal na kondisyon, ang mga red blood cell ay nasisira talaga, subalit ang mga ito ay napapalitan naman agad. Kapag nagkaroon ng hemolytic anemia, ang mga red blood cell ay mas mabilis ang pagkasira at hindi agad napapalitan.

Mga Sanhi

Image Source: www.everydayhealth.com

Nagkakaroon ng anemia kapag ang dugo ay nagkulang sa red blood cell. Maaaring ang mga sanhi nito ay ang mga sumusunod:

Anemia na dulot ng labis na pagdurugo

  • Pagkakaroon ng mga kondisyon na nagdudulot ng pagdurugo gaya ng ulcer, almoranas, kanser, at gastritis
  • Paggamit ng mga gamot na nagpapalabnaw ng dugo gaya ng aspirin, ibuprofen, at iba pang mga uri ng non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID)
  • Pagkakaroon ng malakas na regla

Anemia na dulot ng hindi maayos na paggawa ng katawan ng mga red blood cell

  • Mga kondisyong nakaaapekto sa bone marrow gaya ng leukemia
  • Iba’t ibang mga uri ng anemia gaya ng sickle cell anemia, iron-deficiency anemia, vitamin-deficiency anemia, at iba pa

Anemia na dulot ng pagkasira ng mga red blood cell

  • Pagkakaroon ng autoimmune disorder kung saan ay sinisira ng mismong immune system ng katawan ang mga red blood cell
  • Pagkakaroon ng mga impeksyon
  • Labis na paggamit ng mga antibiotic
  • Pagkakaroon ng lubhang mataas na altapresyon
  • Pagsasailalim sa mga operasyon sa puso
  • Pagkalason ng dugo dahil sa pagpalya ng mga bato, atay, at pali
  • Pagkakaroon ng mga clotting disorder

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Bagama’t ang anemia ay mayroong iba’t ibang mga uri at sanhi, ang mga sintomas nito ay halos magkakatulad. Masasabing anemic ang isang tao kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod:

  • Pamumutla o maaari ring bahagyang paninilaw ng balat
  • Mabilis na pagkapagod
  • Panghihina ng katawan
  • Pagkahilo
  • Pananakit ng ulo
  • Hirap sa paghinga
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Pananakit ng dibdib
  • Pamimintig ng mga tenga
  • Pagkakaroon ng malalamig na mga kamay at paa

Ang mga sintomas na nabanggit ay hindi lamang natatanging nakikita sa anemia. Maaari ring makaranas ng mga sintomas na ito kapag ang pasyente ay may ibang kondisyon gaya ng sakit sa puso, baga, at iba pa. Kaya naman upang makasiguro na anemic ang isang tao, kailangan niyang magpasuri ng dugo. Kung ang kanyang hemoglobin level ay mas mababa sa 13.5 gm/dl (lalaki) o 12 gm/dl (babae), masasabing may anemia ang isang pasyente.

Mga Salik sa Panganib

Ang bawat tao ay maaaring maging anemic. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagiging bata
  • Ipinanganak na kulang sa buwan
  • Pagkamana ng kondisyon sa pamilya
  • Pagkakaroon ng malakas na regla
  • Pagbubuntis at panganganak
  • Pagkakaroon ng diyeta na mababasa sa bitamina, mineral, at iron
  • Pagiging vegetarian
  • Pagsasailalim sa mga operasyon
  • Pagkakaroon ng sugat o injury
  • Pagkakaroon ng mga pangmatagalang sakit gaya ng diabetes, AIDS, sakit sa bato, kanser, pagpalya ng puso, sakit sa atay, rayuma, at iba pa
  • Pagkakaroon ng mga intestinal disorder

Madalas na maapektuhan ng anemia ay mga batang nasa edad na 1-2 taong gulang sapagkat sila ay pihikan pa sa kanilang mga kinakain. Ang karamihan naman sa mga nabanggit na salik ay maaaring magdulot ng labis na pagdurugo sa isang tao kaya naman mas mataas din ang kanilang posibilidad na magkaroon ng anemia.

Mga Komplikasyon

Kung hindi malulunasan ang anemia, maaari itong magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Matinding pagkapagod na nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay
  • Kung buntis, maaaring manganak ng kulang sa buwan
  • Pagkakaroon ng mga sakit sa puso

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magdulot ng panganib sa buhay ang anemia na hindi nagagamot lalo na kung ito ay mga namamanang uri gaya ng sickle cell anemia.

Pag-Iwas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang ibang mga uri ng anemia, lalo na ang mga uring namamana, ay hindi naiiwasan. Subalit, maaari namang maka-iwas sa ibang mga uri nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron, folate, vitamin B12, at vitamin C. Karaniwang matatagpuan ang mga mineral at bitaminang ito sa mga mapupulang karne, mani, mabeberde, madadahon, at mabubutong gulay, at makukulay at maaasim na prutas.
  • Kung bibili ng mga cereal at tinapay, mas mainam na bumili ng mga produktong iron-fortified.
  • Uminom ng mga supplement lalo na kung isang vegetarian sapagkat maaaring hindi sapat ang mga mineral at bitamina na nakukuha sa pagkain ng mga gulay lamang.
  • Bawasan ang pag-inom ng mga inuming may caffeine gaya ng tsaa at kape sapagkat ang mga ito ay nakaaapekto sa pagproseso ng iron sa katawan.
  • Kung buntis, siguraduhing iniinom ang mga iniresetang vitamin at supplement ng doktor. Ugaliin ding kumain ng balanse at masusustansyang pagkain.
  • Upang ma-iwasan ang pagkakaroon ng sugat o injury, magsuot ng mga protective gear lalo na kung nagtratrabaho sa mga mapapanganib na lugar gaya ng minahan, construction site, at iba pa.

Sanggunian