Buod


Image Source: www.everydayhealth.com

Ang apdo (gallbladder) ay isa sa mga bahagi ng digestive system ng tao na maaaring magkaroon ng iba’t ibang uri ng mga sakit at karamdaman. Ang isa sa mga kondisyong maaaring umapekto sa bahaging ito ay ang cholecystitis. Ito ay sanhi ng pamamaga na dulot ng pagka-irita sa bahaging nagsisilbing dingding ng apdo. Maaaring ito ay bunga ng mga bato na namuo sa loob ng apdo, o gallstones. Bukod dito ay may iba pang mga sakit at kondisyon na maaaring makapinsala sa apdo na isa-isa nating pag-uusapan sa artikulong ito.Alamin muna natin kung ano ang apdo at ano ang silbi nito sa katawan.

Paano gumagana ang apdo?

Ang apdo ay isang maliit na hugis-peras na organ na matatagpuan sa ilalim ng atay. Ang pinaka-pangunahing silbi nito ay upang maging sisidlan ng bile na mula sa atay. Mula naman sa apdo, ang bile ay dumadaloy papunta sa maliit na bituka.

Ang bile ay kulay dilaw na likido na nililikha sa loob ng atay. Ito ang ginagamit ng digestive system upang tunawin o durugin ang mga taba mula sa pagkain. Tumutulong din ang sangkap na ito sa paglabas ng dumi sa katawan.

Gaya ng ibang bahagi ng katawan, ang apdo ay maaaring maapektuhan ng iba’t ibang uri ng mga sakit o kondisyon. Ang ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng bato sa apdo (gallstones), cholecystitis, acalculous cholecystitis, biliary dyskinesia, at maging ang kanser sa apdo.

Kapag ang apdo ay naapektuhan ng anumang uri ng kondisyon, maaaring magkaroon ng problema sa ibang bahagi ng digestive system na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng iba pang kondisyong medikal sa kabuuan ng pangangatawan ng tao.

Ang isa sa pinaka-karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang pagkakaroon ng sobrang dami ng kolesterol sa bile na namumuo at nagiging maliliit na mga bato. Ang pagkakaroon naman ng sobrang dami ng bilirubin sa bile, o mga sangkap na mula sa mga nadurog na red blood cell, ay nagdudulot din ng pamumuo ng mga bato sa apdo.

Bukod dito, ang hindi maayos na paggana ng sphincter of Oddi, o ang bahagi na komukontrol sa pagdaloy ng bile, ay nagdudulot din ng sakit at iba pang kondisyon sa apdo.

Ang mga karaniwang sintomas ng sakit sa apdo ay ang pamamaga ng tiyan, pagkakaroon ng kabag, paninilaw ng balat (jaundice), labis na pagkapagod at panghihina, pagkakaroon ng lagnat, maging ang pagkahilo at pagsusuka.

May iba’t ibang paraan sa paglunas sa sakit sa apdo. Ang isa sa mga pangunahin sa mga ito ay ang paglunas sa sakit na nararamdaman ng pasyente sa pamamagitan ng mga gamot. May mga gamot din na ipinaiinom upang durugin at lusawin ang mga bato na namuo sa loob ng apdo. At sa mga malalalang kaso naman ay ipinasasailalim ang pasyente sa cholecystectomy, o ang paraan ng pag-aalis sa apdo sa pamamagitan ng operasyon.

Kasaysayan ng sakit sa apdo

Mula pa sa mga sinaunang sibilisasyon ay may mga paglalarawan na ukol sa apdo, lalo na sa Babilonya noong 2000 B.C.E. Ang mga modelo ng apdo noong mga panahong iyon ay kaugnay ng pagsamba nila sa kanilang mga sinasambang diyos.

Bagama’t nakumpirma ang pagkakaroon ng apdo noong ika-5 na siglo, noon lamang nakaraang dalawang siglo nadokumento ang silbi nito sa katawan, maging ang mga sakit na nakaaapekto dito.

Ang mga bato sa apdo naman ay unang inilarawan sa panahon lamang ng Renaissance. Ito marahil ay bunga ng pagdami ng mga uri ng kinakain ng mga tao noon. Si Anthonius Benevinius naman ang unang umugnay sa pagkakaroon ng bato sa apdo sa mga sintomas nito noong 1506.

Samantala, noon namang 1676 ay isinagawa ang kauna-unahang pag-aalis ng bato sa apdo, o cholecystolithotomy. Ito ay ginawa ng manggagamot na si Joenisius. Noon namang 1867 ay ginawa ni Stough Hobbs ang kauna-unahang cholecystotomy. Ang manggagamot naman na nagsagawa ng kauna-unahang cholecystectomy ay ang Aleman na manggagamot na si Carl Langenbuch noong 1882. Ginawa niya ito sa pasyenteng may cholelithiasis.

Sa kalagitnaan ng ika-20 na siglo ay unang ginamit ang CT scan upang silipin ang apdo. At sa wakas, noong 1985 ay isinagawa ng Aleman na manggagamot na si Erich Mühe ang kauna-unahang laparoscopic cholecystectomy.

Mga Katangian

Ang isa sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang biliary colic. Ito ay banayad, subalit karaniwang sintomas na inilalarawan bilang pasumpong-sumpong na pananakit. Ang pananakit na ito ay gumagapang mula sa kanang itaas na bahagi ng tiyan malapit sa tadyang. Ito ay maaaring napakasakit na umaabot hanggang sa itaas na bahagi ng likod.

Ang sakit sa apdo ay maaari ring magdulot ng pamamaga nito. Nagbubunga ito ng pananakit na halos katulad ng nassa biliary colic, subalit mas madalas ang pagsumpong nito at mas malala ang pananakit na nararamdaman ng pasyente. Maaari ring tumagal nang ilang araw ang pananakit.

Ang pababalik-balik naman na sakit sa apdo ay may kasamang pamumuo ng bato, o gallstones. Maaari ring may kasama itong banayad na pamamaga. Sa kondisyong ito, naninigas at nagkakaroon ng peklat ang apdo. Sa ganitong uri ng sakit sa apdo, nakararanas ang pasyente ng kabag, pagduduwal, o ng pananakit ng sikmura pagkatapos kumain.

Kapag ang mga namuong bato sa bahaging ito ng katawan ay nabarahan ang daluyan ng bile, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sintomas na katulad ng sa pagkakaroon ng bato sa apdo, kagaya ng mga sumusunod:

  • Paninilaw ng balat at ng mga mata
  • Pagkakaroon ng kulay kayumanggi sa ihi
  • Pagputla ng dumi
  • Pagbilis ng pagpintig ng puso o kaya ay biglang pagbaba ng presyon ng dugo
  • Pagkakaroon ng lagnat na may kasamang panginginig
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Labis na pananakit sa kanang itaas na bahagi ng tiyan
  • Pagkapagod at pananamlay
  • Pagkakaroon ng kabag
  • Pagkakaroon ng pruritus o pangangati ng balat

Mga Sanhi

Ang isa sa mga pinaka-karaniwang sakit sa apdo ay ang pagkakaroon nito ng bato o gallstones. Ang mga batong ito ay bunga ng pagkakaroon ng malabis na dami ng kolesterol sa loob ng apdo. Ang mga ito ay maaari ring gawa sa namuong bilirubin o mga sangkap ng mga durog na red blood cells mula sa atay.

Namumuo ang mga bato sa apdo kapag nahigitan ng kolesterol ang bile. Kapag nangyari ito, hindi na kayang lusawin ng bile ang kolesterol na gaya ng ginagawa nito. Sa Estados Unidos, ang karamihan sa mga may bato sa apdo ay bunga ng mga namuong kolesterol.

Maaari ring mamuo ang mga bato sa apdo kapag hindi ganap na naubos ang bile mula sa loob nito.

Mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng sakit sa apdo

Ang ilan sa mga salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang mga sumusunod:

  • Pagiging babae
  • Pagkakaroon ng edad na 40 na taong gulang pataas
  • Pagbubuntis
  • Labis na katabaan
  • Lahi (higit na naapektuhan nito ang mga Mexican-American o ang mga Native American)
  • Pagkakaroon ng pabalik-balik na impeksyong dulot ng bacteria na kagaya ng Salmonella Typhi
  • Pagkakaroon ng bukol sa daluyan ng bile
  • Pagkakaroon ng mga polyp sa loob ng apdo
  • Pagkakaroon ng pinsala sa daluyan ng bile
  • Pagpili sa mga pagkaing mataas ang antas ng kolesterol, mga saturated fat, o mga refined carbohydrate
  • Kakulangan ng pagkilos o ehersisyo
  • Mabilis na pagbagsak ng timbang
  • Pagkakaroon ng diabetes, cirrhosis, Crohn’s disease, cystic fibrosis, metabolic syndrome, o ng pinsala sa spinal cord
  • Pag-inom ng mga gamot na may estrogen

Paggamot at Pag-Iwas

Ang paglunas sa sakit sa apdo ay batay sa tiyak na uri ng kondisyon nito. Kabilang sa mga pamamaraan sa paglunas sa alinmang uri ng sakit sa bato ay ang paglunas sa mga sintomas, paglunas sa pamamagitan ng gamot, cholecystectomy, maging ang endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP).

Paglunas sa mga sintomas

Ang isa sa pinaka-karaniwang sintomas ng sakit sa apdo ay ang pananakit. Ito ay karaniwang mararamdaman sa kanang itaas na bahagi ng tiyan. Nilulusanan ang pananakit na ito sa pamamagitan ng mga gamot na anti-inflammatory (NSAID), katulad ng ibuprofen. Maaari ring panlunas dito ang ang opioid na uri ng gamot, kagaya ng morphine. Pero dapat alalahanin na ang mga opiod ay dapat gamitin lamang ayon sa payo ng doktor.

Paglunas gamit ang mga gamot

Ang mga bato sa apdo ay maaaring lusawin sa pamamagitan ng bile acid pill, kagaya ng Actigall. Subalit, para sa mga taong mayroong pabalik-balik na bato sa apdo, maaaring hindi umepekto ang gamot na ito. Ito ay sa dahil maaaring tumagal ng ilang taon bago tuluyang malusaw ang mga bato sa apdo sa pamamagitan ng gamot na ito.

Cholecystectomy

Ang maituturing na pinaka-mabisang paraan upang lunasan ang sakit sa apdo ay ang cholecystectomy. Ito ay isang uri ng operasyon na sinasamahan ng general anesthesia at ginagawa gamit ang laparoscopic na paraan. Ang laparoscopic na operasyon isinasagawa sa pamamagitan ng isang manipis na instrumentong nababaluktot na may kamera sa dulo nito. Ito ay isinusuot sa maliit na hiwa sa tiyan. Gamit din ang iba pang mahahabang kagamitang pang-operasyon, gumagawa ng maliliit na mga butas ang surgeon sa tiyan ng pasyente upang alisin ang apdo.

Ang laparoscopic na paraan ng cholecystectomy ay hindi gaanong invasive kung ikukumpara sa open cholecystecomy na nangangailangang gumawa ng malaking hiwa sa tiyan upang alisin ang apdo.

ERCP

Ang endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP) ay isang pamamaraan kung saan maaaring makita ng manggagamot ang mga daluyan ng bile upang malaman kung may pinsala o hindi pagkaraniwang kalagayan ito. Sa pamamagitan nito, maaaring makita kung ang apdo ay may bato, cyst, o kaya ay tumor. Kapag may nakitang namumuong bato, maaari na kaagad itong alisin ng doktor. Sa ngayon ay unti-unti nang napapalitan ng ERCP ang ibang operasyon sa pagtanggal ng anumang bara sa daluyan ng bile.

Pag-iwas sa sakit sa apdo

Pinakamainam pa rin ang pag-iingat upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa apdo. Ang ilan sa mga hakbang na makatutulong upang magawa ito ay ang mga sumusunod:


Image Source: www.health.harvard.edu
  • Pagpili ng mga pagkaing may kaunting taba at kolesterol lamang
  • Pagpili ng mga pagkaing mayaman sa fiber
  • Pagpapanatili ng tamang timbang
  • Regular na pag-eehersisyo

Ang kakulangan ng pagkilos ng katawan ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng diabetes, labis na katabaan, maging ng pagkakaroon ng metabolic syndrome. Ang mga kondisyong ito ay kaugnay ng pagkakaroon ng sakit sa apdo, lalo na ng pagkakaroon ng bato sa bahaging ito ng katawan.

Kabag higit sa normal ang timbang ng katawan, iwasan ang pagbawas nito sa mabilis na paraan. Ito ay dahil ang mabilis na pagbaba ng timbang ng katawan ay may kaugnayan din sa pagkakaroon ng kondisyon sa apdo.

Mga Uri ng Sakit

Narito ang iba’t ibang uri ng mga sakit sa apdo at ang pagpapakilala sa ilan sa mga sintomas ng bawat isa:

  • Acalculous gallbladder disease. Ang kondisyong ito ay ang pamamaga ng apdo kahit walang batong namuo sa loob nito. Ito ay maaaring dulot ng mga pababalik-balik na uri ng sakit o kaya ng malubhang uri ng kondisyon.
  • Acute cholecystitis. Ang malalang uri ng cholecystitis ay karaniwang bunga ng bato sa apdo. Subalit, maaari rin itong bunga ng mga tumor o kaya ng iba pang uri ng kondisyon. Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit sa kanang itaas na bahagi ng tiyan na karaniwang mararamdaman pagkatapos kumain, paninilaw, pagkakaroon ng lagnat, maging ang pagsusuka
  • Biliary dyskinesia. Nagkakaroon ang tao ng ganitong uri ng kondisyon kapag naging mahina ang paggana ng apdo. Ito ay maaaring kaugnay ng patuloy na pamamaga nito. Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit ng itaas na bahagi ng tiyan pagkatapos kumain, pagkakaroon ng kabag, pagkahilo, maging ang impatso. Upang matiyak kung mayroong ganitong uri ng kondisyon ang pasyente, magsasagawa ang manggagamot ng pagsusuri gamit ang HIDA scan. Sinusukat nito ang paggana ng apdo. Kapag may 35 hanggang 40 na porsyento lang ang inilalabas ng apdo na laman nito, maaaring mayroong biliary dyskinesia ang pasyente.
  • Bato sa apdo (gallstones). Ang mga bato sa apdo ay mga namuong sangkap na humalo sa Ang mga sangkap na ito ay maaaring gawa sa cholesterol, calcium, bilirubin (mga durog na red blood cell mula sa atay), maging mga asin sa bile. Ang mga namuong bato mula sa mga sangkap na ito ay bumabara sa daluyan ng bile. Ang kondisyong ito ay maaaring dulot ng hindi maayos o kumpletong pagkakaalis ng bile mula sa loob ng apdo.
  • Choledocholithiasis. Ang choledocholithiasis ay isang uri ng kondisyon kung saan ang mga bato ay bumara sa tinatawag na “leeg” ng apdo o kaya ay sa daluyan ng Kapag nangyari ito, hindi makakalabas ang bile mula sa apdo na nagdudulot ng pamamaga nito.
  • Chronic cholecystitis. Ang kondisyong ito ay ang pabalik-balik na uri ng cholecystitis. Nagdudulot ito ng pagliit ng apdo at pagkawala nito ng kakayahang mailabas ang bile na nasa loob nito. Kabilang sa mga sintomas nito ang pananakit ng tiyan, pagsusuka, maging ang pagkahilo. Ito ay nilulunasan sa pamamagitan ng operasyon.
  • Polyp sa loob ng apdo. (Gallbladder polyps). Ang mga polyp sa apdo ay mga sugat o kaya mga bukol na may tangkay na tumutubo sa loob nito. Ang mga ito ay karaniwang hindi nagdudulot ng kanser (benign) at walang mga sintomas. Subalit, kapag ang mga polyp ay mahigit a isang sentimetro ang laki, ipinapayo na alisin na ang apdo, dahil may posibilidad na ang mga ito ay magdulot ng kanser.
  • Gangrenous gallbladder. Ang pagkakaroon ng gangrene sa apdo ay bunga ng kakulangan ng pagdaloy ng dugo rito. Isa ito sa mga malulubhang komplikasyon na dulot ng acute cholecystitis.
  • Pagnanana ng apdo. Ang apdo ay maaaring mamaga at magkaroon ng nana sa panahon ng pagkakaroon ng acute cholecystitis, lalo na kapag tuluyang nabarahan ang apdo. Ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng pananakit sa itaas na kanang bahagi ng tiyan, pagkakaroon ng lagnat, maging ng panginginig. Karaniwang nagkakaroon nito ang mga may sakit sa puso at ang mga may diabetes.
  • Congenital defects of the gallbladder. Mayroon ding mga uri ng kondisyon sa apdo na nag-umpisa mula pa nang pagkabata ng pasyente. Sa ganitong mga uri ng kondisyon ay maaaring kailangan na tuluyan nang tanggalin ang apdo bago pa ito magdulot ng malalalang komplikasyon.
  • Sclerosing cholangitis. Kapag nagpatuloy ang pamamaga at pagkapinsala ng daluyan ng bile, maaari itong magkaroon ng peklat. Ang kondisyong ito ay tinatawag na sclerosing cholangitis. Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tiyak na dahilan nito.
  • Mga tumor sa apdo at sa daluyan ng bile o kanser sa apdo. Ang pagkakaroon ng tumor o kanser sa apdo at sa mga daluyan ng bile ay bihira lamang. Subalit, kapag nagkaroon ang tao ng kondisyong ito, mahirap itong lunasan, sapagkat ang mga sintomas nito ay hindi mapapansin hanggang sa huling bahagi na nito. Ang pagkakaroon ng bato sa apdo ang pinaka-karaniwang salik sa posibilidad ng pagkakaroon nito. Kapag nagkaroon ng kanser sa apdo, ito ay maaaring kumalat atay, sa maliit na bituka, sa mga kulani, at maging sa iba pang bahagi.
  • Pamamaga ng apdo (Cholecystitis). Ang sakit na cholecystitis ay ang pinaka-karaniwang uri ng sakit sa apdo. Ang halos kalahati ng mga malalala o kaya ang mga pabalik-balik na pamamaga ng apdo ay bunga ng kondisyong ito.

Sanggunian