Buod
Ang appendicitis ay ang pamamaga ng appendix. Ito ay tila isang hugis-daliring sisidlan na matatagpuan sa ibabang kanang bahagi ng tiyan. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, madalas ay makararanas ang pasyente ng pananakit ng kanang bahagi ng tiyan. Maaaring lumubha ang pananakit na nararamdaman habang umuubo, naglalakad, o anumang uri ng magalaw na pagkilos. Bukod dito, maaari ring makaranas ang pasyente ng pagduduwal o pagsusuka, pagkawala ng gana sa pagkain, pagkakaroon ng lagnat, pagtitibi o pagtatae, pagkabag, at naaantalang pag-utot.
Maaaring magkaroon ng appendicitis kapag may namuong matigas na dumi sa appendix. Dahil dito, napamamahayan ng mapinsalang uri ng bacteria ang appendix at nagkakaroon ng impeksyon at pamamaga. Dagdag dito, maaari ring maging sanhi ng kondisyong ito kung may mga bulate sa tiyan ang pasyente, tumor, o kaya naman siya ay nagkaroon ng injury.
Ang pinakamabisang lunas sa appendicitis ay ang pagtitistis ng apektadong bahagi. Bago ang operasyon, maaari ring bigyan ang pasyente ng mga antibiotic upang mawala ang pamamaga nang sa gayon ay mas madaling matistis ang appendix.
Kasaysayan
Noong mga taong 1500 pa lamang, natuklasan na ang appendix. Subalit noon, hindi pa lubusang nalalaman ng mga doktor kung ano ang ginagampanan ng bahaging ito. Pinaniniwalaan noon na walang ginagampanan ang appendix sa katawan ng tao. Subalit sa mga patuloy na pag-aaral, napag-alaman na nagsisilbi itong ligtas na tahanan ng mga mabubuting bacteria sa tiyan at may inaambag din ito sa pagpapalakas ng depensa ng katawan laban sa mga sakit sa sistemang panunaw.
Noong taong 1735, naisagawa ni Dr. Claudius Amyand ang kauna-unahang matagumpay na appendectomy o pagtitistis sa appendix sa isang ospital sa London. Ang pasyente ay isang 11 taong gulang na bata na nakalunok ng karayom kaya naman namaga ang kanyang appendix. Pagsapit naman ng taong 1759, naisagawa ang kauna-unahang matagumpay na operasyon para sa pasyenteng may acute appendicitis, isang uri ng appendicitis na dulot naman ng naumong dumi. Bagama’t matagumpay ang mga operasyong isinasagawa, napakahirap ng pinagdadaanan ng mga pasyente noong mga kapanahunang ito sapagkat wala pang anesthesia o pampamanhid noon.
Ang ginagawa ng mga doktor at mga nars ay itinatali at pinipigilan ang pasyente upang hindi gaanong magwala at magkikilos habang isinasagawa ang operasyon. Pero pagsapit ng taong 1846, naimbento na ang anesthesia.
Mga Uri
Image Source: medicalxpress.com
Ang appendicitis ay mayroong iba’t ibang mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Acute appendicitis. Masasabing ang acute appendicitis ay ang pinakamalubhang uri. Sa kondisyong ito, nagkakaroon ng pamamaga ang appendix ng pasyente sapagkat namuo ang dumi sa loob ng appendix. Dahil hindi ito mailabas, nagkakaroon ng impeksyon at pamamaga ang
- Sub-acute appendicitis. Sa kondisyong ito, ang appendix ay namamaga subalit ang mga sintomas ay pasulpot-sulpot lamang. Gaya ng acute appendicitis, ang sanhi nito ay namuong dumi. Ang kaibahan lamang ay mas malambot ang namuong dumi sa uring ito kaya naman hindi ito gaanong malubha.
- Chronic appendicitis. Sa chronic appendicitis, ang pasyente ay nakararanas ng pangmatagalang mga sintomas. Ito ay dahil sa ang appendix ay mayroon ng mga butas at sugat. Bagama’t walang nakabara, ang mga butas at sugat ay nagdudulot pa rin ng pamamaga.
- Recurrent appendicitis. Sa recurrent appendicitis, hindi pa lubusang nagkakaroon ang pasyente ng malubhang kondisyon. Ganunpaman, may mga pagkakataon na pabalik-balik (recurrent) ang mga sintomas na kanilang nararamdaman. Subalit kadalasan, ang mga ito ay hindi gaanong masakit. Kung minsan naman, hindi sila nakararamdam ng mga sintomas.
- Non-obstructive appendicitis. Ito ay isang uri ng appendicitis na hindi gaanong malubha sapagkat wala namang kaso ng pagbabara. Subalit kung susuriin, may bahagyang pamamaga ang lining ng appendix, at kung hindi mapangangasiwaan, maaaring magresulta ito sa ibang mga uri na gaya ng sub-acute, chronic, at recurrent appendicitis.
Mga Sanhi
Ayon sa mga pag-aaral, 1 sa 20 tao ay maaaring magkaroon ng appendicitis. Bagama’t maaaring maapektuhan nito ang kahit na sinuman, mas maraming mga kaso ang naitatala sa mga taong nasa pagitan ng edad na 10 at 30 gulang pataas. Ito ay isang laganap na kondisyon na maaaring maging dulot ng mga sumusunod:
- Pagbabara ng dumi
- Pagkakaroon ng mga bulate sa tiyan
- Pagkakaroon ng mga tumor sa tiyan
- Pagtatamo ng injury sa tiyan
Ayon sa mga nakatatanda, ang appendicitis ay dulot ng agad-agad na pagtakbo o pagbubuhat ng mabibigat pagkatapos kumain. Subalit wala itong katotohanan. Ang tanging mga sanhi lamang ng kondisyong ito ay ang mga nabanggit sa itaas. Kung makaramdam man ng pananakit ng kanang bahagi ng tiyan habang tumatakbo o nagbubuhat, maaring ang appendix ay namamaga na at lumalala lamang ang pananakit nito kapag nagkikikilos nang mabilis at nagsasagawa ng mabibigat na gawain.
Mga Sintomas
Image Source: www.movin925.com
Hindi lamang pananakit ng tiyan ang sintomas ng appendicitis. Bukod dito, maaari ring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit ng ibabang kanang bahagi ng tiyan
- Paglubha ng sakit na nararamdaman habang umuubo, naglalakad, tumatalon, at iba pa
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagtitibi o pagtatae
- Pagkakaroon ng kabag
- Naaantalang pag-utot
Dahil iba-iba ang kondisyon ng bawat pasyente, maaaring iba-iba rin ang maranasang mga sintomas. Ang iba ay nakararanas lamang ng matinding pananakit ng tiyan, samantalang sa ibang mga kaso naman, nakararanas sila lahat ng mga nabanggit na sintomas.
Mga Salik sa Panganib
Maaaring maapekuhan ng appendicitis ang kahit sinuman. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ang isang tao ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata at matanda. Bata man o matanda ay maaaring magkaroon ng Subalit, ang kadalasang naaapektuhan nito ay ang mga taong nasa pagitan ng edad 10 at 30 gulang pataas.
- Pagiging lalaki. Ayon sa pag-aaral, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng appendicitis ang mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. Batay sa datos, mas maraming mga kabataang lalaki ang nagkakaroon nito.
- Kasaysayan ng appendicitis sa pamilya. Kung may kasaysayan ng appendicitis sa inyong pamilya, malaki rin ang posibilidad na magkaroon nito. Bagama’t hindi ito namamana, maaaring maka-impluwensya ang mga uri ng pagkain at aktibidad na isinasagawa sa pamilya.
Mga Komplikasyon
Madalas na ipagsawalang-bahala ng karamihan ang appendicitis. Kung hindi ito malulunasan, maaaring sumabog ang appendix at magdulot ng mapanganib na uri ng impeksyon sa katawan, gaya ng mga sumusunod:
- Kung pumutok ang appendix, magkakaroon ng impeksyon ang peritoneum o lining ng tiyan at mapipinsala rin nito ang iyong mga organ. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, tuluy-tuloy ang mararanasang pagsakit ng tiyan, pamamaga ng tiyan, pagkakaroon ng mataas na lagnat, mabilis na pagtibok ng puso, at hirap sa paghinga.
- Ang abscess ay ang masakit na pamumuo ng nana sa paligid ng appendix. Bagama’t maaaring mawala ang pananakit sa pamamagitan ng pag-inom ng mga antibiotic, kailangan pa ring sumailalim ng pasyente sa isang operasyon upang matanggal ang mga nana.
Ang mga nabanggit na komplikasyon ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Maaaring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon upang matistis ang appendix. Asahan na mananatili sa ospital sa loob ng dalawang araw o higit pa.
Pag-Iwas
Walang tiyak na paraan kung paano mai-iwasan ang pagkakaroon ng appendicitis. Subalit, ayon sa mga pag-aaral, madalang magkaroon ng kondisyong ito ang mga taong madalas kumain ng mga high-fiber na uri ng pagkain. Upang ma-iwasan ang kondisyong ito, mainam na kumain ng mga sumusunod:
- Anumang uri ng prutas
- Anumang uri ng gulay
- Mga legume na gaya ng sitaw, patani, at iba pa
- Mga butil na gaya ng whole wheat, brown rice, at iba pa
Bukod sa pagkain ng mga pagkaing matataas sa fiber, ugaliin din na maghugas ng mga kamay bago kumain lalo na ang mga bata nang sa gayon ay matanggal ang anumang mga itlog ng bulate na nakakapit sa kanilang mga kamay.
Sanggunian:
- https://www.healthline.com/health/appendicitis#symptoms
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/158806.php
- https://www.webmd.com/digestive-disorders/digestive-diseases-appendicitis#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/appendicitis/symptoms-causes/syc-20369543
- https://columbiasurgery.org/news/2015/06/04/history-medicine-mysterious-appendix
- https://en.wikipedia.org/wiki/Appendix_(anatomy)
- https://www.epainassist.com/abdominal-pain/intestine/appendicitis