Buod
Ang arrhythmia ay isang uri ng sakit sa puso na nagpapabago sa pagtibok nito. Nangyayari ito kapag ang senyales na elektrikal, o electrical impulses ng puso, ay hindi dumadaloy nang tama. Naihahayag ang karamdamang ito sa pamamagitan ng mabilis, mabagal, o iregular na pagtibok ng puso. Bagama’t ang arrhythmia ay isang sakit sa puso, pwede din itong maging senyales ng iba pang kondisyon sa kalusugan.
Bukod sa pagbabago ng pagtibok ng puso, ang arrhythmia ay maari ring may kasamang pagkahilo, kapaguran, kakulangan sa paghinga, pagkabalisa, at paninikip ng dibdib. Pinakamalalang pwedeng maramdaman ng isang may arrhythmia ay pag-atake sa puso. Sa kabilang dako naman, pwede ring walang ibang kasamang sintomas ang karamdamang ito.
Sa kabutihang palad, marami sa mga kaso ng arrhythmia ay hindi nakapipinsala sa puso o iba pang bahagi ng katawan. At kahit na may pagkakataong ang sakit na ito’y dulot ng pusong may pagkapinsala, maaaring maibsan ang mga salik sa panganib ng sakit na ito sa pamamagitan ng pagkupkop sa isang malusog at maingat na paraan ng pamumuhay.
Kasaysayan
Maaaring ituring ang pagtibok ng puso na isa sa pinakamahalagang batayan sa pagsusuri ng kalusugan. Sa katunayan, ang pagsukat ng pulso ng puso ay ginagamit noong pang panahon ng mga Ancient Egyptian at Ancient Chinese, ilang libong taon na ang nakalilipas.
Gayunpaman, ang epektibong pagsusuri ng pagtibok ng puso ay hindi naganap hanggang ang kahulihang bahagi ng ika-19 na siglo. Ito’y dahil sa pag-imbento ni Dr. Willem Einthoven ng electrocardiogram, o ECG. Ang ECG ay isang aparato na sinusukat at tinatala ang daloy ng electrical impulse ng puso. Dahil din sa imbensiyon na ito ay nakatanggap si Dr. Einthoven ng premyong Nobel sa larangan ng physiology noong 1924.
Sa katunayan, ang pag-imbento ng ECG ay nakatulong sa pagtatag ng cardiology bilang isang natatanging sangay ng medisina. Nakatulong din ang ECG sa pagdiskubre ng Purkinje system. Ang Purkinje system naman ay ang sistema na nagpadadaloy sa pulso ng kuryente na syang dahilan ng pagtibok ng puso.
Mga Uri
Ang mga uri ng arrhythmia ay nabubukod batay sa bilis ng pagtibok, at pati na rin kung saan sa puso nagmumula ang mga ito. Mahalagang alalahanin na ang pagbilis o pagbagal ng pagtibok ng puso ay hindi nangangahulugan na mayroong arrhythmia ang isang tao. Ito ay dahil pwedeng magkaroon ng mabilis na pagtibok habang nag-eehersisyo. Sa kabilang dako naman, pwedeng bumagal ang pagtibok kapag natutulog.
Gayunpaman, sa aspeto ng bilis ng pagtibok, ang mga uri ng arrhythmia ay:
- Tachycardia – Tinutukoy ng Tachycardia ang mabilis na pagtibok ng puso. Dito, ang pagtibok ay humihigit sa 100 na bawat minuto, habang nagpapahinga.
- Bradycardia – Ang Bradycardia naman ay kabaligtaran ng Tachycardia. Dito naman, ang pagtibok ay mababa sa 60 na kumpas bawat minuto, habang nagpapahinga
Ang mga uri ng arrhythmia na nabubukod sa kung saan sa puso ito nagmumula ay pawang mga Tachycardia. Ang mga ito ay:
- Atrial fibrillation – Sa atrial fibrillation, bumibilis ang pagtibok ng puso dahil sa magulong pagdaloy ng electrical impulses sa atria ng puso. Bagama’t pansamantala ang atrial fibrillation, may mga pagkakataon na hindi ito titigil hangga’t hindi ito ginagamot. Pwede ring humatong sa mas malalang komplikasyon ang atrial fibrillation, gaya ng stroke.
- Atrial flutter – May pagkakahawig ang atrial flutter sa atrial fibrillation, pero mas maayos ang mga electrical impulse dito. Gaya din sa atrial fibrillation, maaaring humantong ito sa stroke at iba pang mas malalang kondisyon.
- Paroxysymal supraventricular tachycardia – Sa ganitong uri ng arrhythmia, nagkakaroon ng higit sa pangkaraniwan na dami ng tibok ng puso. Bukod sa pagturing na hindi mapanganib, ang arrhythmia na ito ay nagsisimula at titigil nang mag-isa. Kadalasan, nangyayari ito sa mga kabataan.
- Wolff-Parkinson-White syndrome – Ang syndrome na ito ay uri ng supraventricular tachycardia kung saan ang isang tao ay may karagdagang daluyan ng electrical impulses mula sa atrium at ventricle ng puso. Ang karagdagang daluyan na ito’y nandoon na sa puso mula pa sa pagkabata. Gayunpaman, lumalabas lamang ang mga sintomas nito pagtanda ng pasyente.
- Ventricular tachycardia – Ang ventricular tachycardia ay mabilisang pagtibok ng puso na nagmumula sa ventricle nito. Kadalasan ay nagiging mapanganib ito dahil hindi napupuno ang ventricle ng dugo gawa ng masyadong mabilis na pagtibok nito. Kapag hindi ito nabigyan ng tamang lunas ay maari itong tumuloy sa ventricular fibrillation.
- Ventricular fibrillation – Ang kaibahan nito sa ventricular tachycardia ay ang dagdag na pagkagulo ng pagdaloy ng mga electrical impulses. Mapanganib ang uri ng arrhythmia na ito dahil hindi nakakapagbomba ng dugo ang puso kapag nangyari ito. Nakamamatay ang ventricular fibrillation kapag hindi ito naagapan. Ang mga taong may ganitong uri ng arrhythmia ay mayroon nang sakit sa puso, o nakaranas ng trauma.
- Long QT syndrome – Ang long QT syndrome ay kondisyon sa puso na may kaakibat na panganib dahil sa naidudulot na biglaang mabilis at magulong pagtibok ng puso. Ito ay maaring pagmulan ng pagkahimatay at pwede ring magdulot ng biglaang pagkamatay. Mutasyon o genetic mutation at paggamit ng ilang mga gamot ay puwedeng maging sanhi nito.
May mga uri din ng arrhythmia na nasa hanay naman ng bradycardia. Ang mga ganitong uri ng arrhythmia ay hindi naman palaging mapanganib, lalung-lalo na kung ikaw ay may malakas na pangangatawan, o umiinom ng gamot para sa mga ibang sakit gaya ng altapresyon. Para masabing masama ang bradycardia na nararanasan mo, kailangan ito ng tamang pagsusuri ng doktor.
Ang di kanais-nais na bradycardia ay kung hindi na nakakapagbomba ng wastong dami ng dugo ang iyong puso. Marami naman ang mga ganitong uri ng bradycardia. Ang ilang halimbawa nito ay:
- Sick sinus syndrome – Ang sinus node ng puso ay ang isang grupo ng mga cell na namamahala sa bilis at pagiging regular ng pagtibok ng puso. Sa sick sinus syndrome, nagkakamali ng pagpapadala ng mga electrical impulse ang sinus node.
- Hadlang sa conduksyon, o conduction block – Dito sa conduction block, nagkakaroon ng hadlang sa daluyan ng electrical impulses sa pagitan ng atrium at ventricle, at pati na rin sa daluyan sa pagitan ng dalawang magkaibang ventricle. May mga pagkakataon na walang sintomas ang conduction block, pero kadalasan ay nagpapabagal ito ng pagtibok ng puso.
Mga Sanhi
Source: wellnessdestinationindia.com
Maraming sanhi ang arrhythmia, at di lahat na ito ay mapanganib. Halimbawa ng mga ilan dito ay:
- Labis na pag-inom ng alak o kape
- Hindi tamang balanse ng electrolytes, o o electrolyte imbalance sa dugo. Halimbawa ng mga electrolyte ay potassium o magnesium
- Pinsala sa puso dahil sa naunang atake dito
- Mga pagbabago sa istruktura ng puso kagaya sa cardiomyopathy
- Paninigarilyo
- Pag-abuso sa bawal na gamot
- Pag-atake sa puso na nagaganap sa sandaling iyon
- Mga gamot, kagaya ng gamot laban sa altapresyon, depresyon, ibang mga gamot laban sa allergy, at gamot laban sa psychosis
- Pagkabalisa, lubos na pagaalala, sukdulang pagkagalit, o pagkabigla
- Page-ehersisyo o iba pang mabigat na gawaing pisikal
- Diabetes
- Altapresyon o high blood pressure
- Mga kondisyon sa thyroid gaya ng hyperthyroidism at hypothyroidism
- Sanhing genetic
- Sakit sa arterya ng puso o coronary artery disease
Sintomas
Source: buhayofw.com
Ang pinakakapansin-pansin na sintomas ng arrhythmia ay ang pagbago sa pagtibok ng puso, kasama dito ang naunang nabanggit na tachycardia at bradycardia. Gayunpaman, hindi palaging napapansin o naihahayag ang mga sintomas nito. Sa katunayan, may mga pagkakataon na ang iyong doktor ang unang makapapansin na ikaw ay mayroon palang arrhythmia.
Gaya din ng naunang nabanggit, ang pagkakaroon ng mga sintomas ng arrhythmia ay hindi nangangahulugan na mayroon kang mapanganib na sakit. Ang mga pangkaraniwang sintomas nito na maaring mapansin ng pasyente ay:
- Pagkuto sa dibdib
- Pananakit sa dibdib
- Biglaang panghihina
- Pagigsi, o kawalan ng hininga
- Pagkahimatay o ang pakiramdam na malapit ka nang hihimatayin
- Pagkahilo
- Pagpapawis
Mga Salik sa Panganib
Source: mga-sakit.com
Iba-iba ang uri ang mga salik sa panganib ng arrhythmia, gaya ng:
- Mga naunang problema sa puso – Kasama dito ang coronary artery disease, naunang atake sa puso, abnormal na mga heart valve, cardiomyopathy, at naunang operasyon sa puso.
- Altapresyon – Nagiging salik sa panganib ang altapresyon dahil maaari itong pagmulan ng problema sa puso, gaya ng coronary artery disease.
- Pag-inom ng mga partikular na gamot – Ang mga gamot na maaring magdulot ng arrhythmia ay mga gamot sa ubo at sipon.
- Sakit sa pusong congenital o congenital heart disease – Ang ganitong uri ng sakit sa puso ay nakikita mula sa pagkasilang.
- Diabetes – Ang diabetes ay pwedeng maging sanhi ng coronary artery disease at altapresyon, na parehong salik sa panganib ng arrhythmia .
- Paninigarilyo, at labis na pag-inom ng alak at kape – Ang nicotine na galing sa sigarilyo at pati na rin ang kape ay maaaring makapagpabilis sa pagtibok ng puso. Ang labis na pag-inom ng alak naman ay maaaring magpabago sa mga electrical impulse ng puso.
- Mga problema sa thyroid – Gaya ng naunang nabanggit, ang mga problema sa thyroid ay maaaring maging sanhi ng arrhythmia .
- Electrolyte imbalance – Ang mababa o mataas na antas ng electrolyte sa dugo ay nakaka-apekto sa wastong pagdaloy ng mga electrical impulse sa puso.
- Obstructive sleep apnea – Ang obstructive sleep apnea ay isang uri ng karamdaman kung saan may kahirapan sa paghinga ang pasyente habang siya ay natutulog. Ito ay dahil sa pagkakaroon ng harang sa daanan ng hininga. Dinadagdagan nito ang salik sa panganib ng pagkakaroon ng bradycardia, atrial fibrillation, at iba pang mga arrhythmia .
- Matandang edad – Mas mataas ang salik sa panganib ng matatanda para magkaroon ng arrhythmia kaysa sa kabataan.
Kung mapapansin, ang iba sa mga salik sa panganib ng arrhythmia ay pwede ring ituring bilang mga sanhi nito.
Pag-Iwas
Source: bbc.com
Isa sa pinakamahalagang pwedeng gawin para maiwasan ang karamdamang ito ay ang pagpili ng mga malusog na paraan ng pamumuhay. Kasama dito ang pag-iwas o pagtigil sa paninigarilyo, pagbawas o pagtigil sa paginomng alak, at sa pagkain ng malulusog na pagkain.
Bukod dito, nakatutulong din ang regular na pag-ehersisyo at pati na rin ang pag-iwas sa pagkain na mataas sa kolesterol at taba. Sundin laman ang mga ito at maaring mabuhay na ligtas mula sa arrhythmia.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heart-arrhythmia/symptoms-causes/syc-20350668
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/8887.php
- https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/arrhythmia
- https://www.heart.org/en/health-topics/arrhythmia/symptoms-diagnosis–monitoring-of-arrhythmia
- https://www.nhs.uk/conditions/arrhythmia/
- https://cimonline.ca/index.php/cim/article/view/2794