Buod
Ang mga mata ay bukas sa maraming uri ng mga sakit. Ang isa sa mga ito ay ang astigmatismo (astigmatism) na nakaaapekto sa paningin ng taong mayroon nito.
Ang astigmatismo ay isang uri ng kondisyon kung saan hindi tugma ang kurba ng ibabaw (surface) ng cornea o ng lente ng mga mata. Dahil dito, makararanas ang isang taong mayroon ng kondisyong ito ng panlalabo ng paningin, o kaya ay nawawala sa focus ang isang bagay na tinitignan dahil hindi pantay ang pagtama ng liwanag sa ibabaw ng mga mata. Ang kondisyong ito ay maaaring mula sa pagkapanganak o kaya ay bunga ng isang injury, sakit, o operasyon sa mga mata.
Bukod sa panlalabo ng paningin, ang mga karaniwang sintomas na mararanasan ng taong may astigmatismo ay pananakit ng ulo, pangangailangang mag-squint ng mga mata upang makakita nang malinaw, o pagkahilo.
Sa ngayon, ang isa sa mga lunas sa astigmatismo ay ang pagpapasuot ng salamin na sadyang para rito.
Kasaysayan
Image Source: villageeyecare.net
Ang isa sa mga unang nakadiskubre sa kondisyong ito ay si Thomas Young, isang Ingles na manggagamot. Natuklasan niya ito sa sarili niyang mga mata noong taong 1793 nang siya ay isa pa lamang estudyante. Ginawa niya ang karagdagang pagsusuri sa sakit na ito at ipinakita ang kaniyang mga natuklasan sa Bakerian Lecture noong 1801.
Sa kabilang dako, natuklasan din nang bukod ni George Biddell Airy, isang Ingles na matematiko at astronomo, ang kondisyong ito sa kaniyang sariling mga mata. Ipinakita niya ang kaniyang mga natuklasan sa sakit na ito noong 1825 sa Cambridge Philosophical Society. At sa taon ding iyon ay lumikha siya ng mga lente para itama ang problema sa kaniyang paningin. Nagawa niya ito matapos siyang makakuha ng cylindrical na lente mula sa isang gumagawa ng salamin sa mata sa Ipswich, na isang bayan sa Inglatera.
Bagama’t ang kondisyong ito ay nadiskubre at ginawan ni Airy ng lunas, hindi siya ang nagbigay ng pangalan dito. Ang kondisyong ito ay pinangalanan ni William Whewell, isang Ingles na siyentipiko, sa kalagitnaan ng ika-20 na siglo.
Mula noong 1860s, ang astigmatismo ay isa nang kinikilalang kondisyon sa mata na nailimbag na sa iba’t-ibang mga aklat medisina.
Bago bigyan ng lunas ang kondisyong ito, kailangang matiyak ng manggagamot ang uri ng astigmatismo na mayroon ang isang tao.
Mga Uri
Mayroong iba’t ibang uri ng astigmatismo. Ang tatlo sa mga pinakakaraniwang uri ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
Myopic
Ang myopic na astigmatismo, o myopia (nearsightedness), ay ang pinakakaraniwang kondisyon na matatagpuan sa mga bata. Dahil lubhang nakakurba ang mata, ang liwanag mula sa isang malayong bagay ay nagiging focused sa harap ng retina, kaya nawawala ito sa pagka-focus.
Hyperopic
Ang hyperopic na astigmatismo, o hyperopia (farsightedness), ay kabaligtaran ng myopia. Bunga ito ng kakulangan ng kurba sa mga mata, kaya ang liwanag na pumapasok sa mata ay nafo-focus sa likod ng retina. Dahil dito, ang mga bagay sa malapit ay nagmumukhang hindi naka-focus sa paningin.
Mixed
Ang pangatlong uri ng astigmatismo ay ang pagkakaroon ng pangunahing meridian na nearsighted at isa pang meridian na farsighted. Dahil sa kondisyong ito ay lubhang napakalabo ng paningin dahil napakahirap ma-focus ang isang bagay sa paningin ng isang tao.
Upang maibigay ang angkop na lunas sa astigmatismo, dapat ay malaman muna ang mga sanhi nito.
Mga Sanhi
Upang lalong maintindihan ang sanhi ng astigmatismo, kailangang maintindihan muna ang istruktura ng mga mata at kung paano nito pinoproseso ang liwanag na pumapasok dito.
May dalawang kurbadong bahagi sa ating mga mata na nagkukurba din o nagbe-bend ng liwanag papunta sa retina. Ang mga ito ay ang cornea at ang lente.
Ang cornea ay ang malinaw na ibabaw (surface) ng mga mata. Samantalang ang lente ay ang malinaw na bahagi sa loob ng mata na nagbabago ng hugis upang tumulong sa pagpo-focus sa mga bagay na nakikita sa malapit.
Ang matang may perpektong hugis ay pabilog na parang bola. Kapag tugma ang mga kurba ng cornea at lente, nabe-bend nito ang mga pumapasok na liwanag sa mata para lumikha ng malinaw na larawan sa retina sa likurang bahagi ng mata.
Refractive error
Kapag hindi tugma ang kurba ng cornea at ng lente, hindi magiging maayos ang pag-bend ng liwanag. Ito ay nagdudulot ng refractive error na siyang sanhi ng panlalabo ng paningin.
Ang kondisyong ito ay maaaring taglay na ng isang tao mula pa sa pagkapanganak. Maaari rin itong maging bunga ng pagkakaroon ng malubhang sakit o mangailangan ng operasyon sa mata.
Dapat nating malaman na hindi ito nakukuha o napapalala sa pamamagitan ng pagbabasa sa madidilim na lugar o kaya ng malapitang pagtutok sa telebisyon.
Sintomas
Ang astigmatismo ay karaniwang may sintomas na kagaya ng mga sumusunod:
- Panlalabo ng paningin
- Magulong paningin
- Pananakit ng ulo
- Hindi komportableng pakiramdam sa isa o dalawang mga mata
- Pagkahilo
- Hirap makakita sa gabi
- Panay na pag-squint ng mga mata
Sa mga bata na may astigmatismo, ang panlalabo ng paningin ay hindi nila agad mapapansin. Subalit, ang labis at madalas na pananakit ng ulo ay maaaring palatandaan na sila ay may astigmatismo. Matitiyak lamang ito sa pamamagitan ng mga tamang kagamitang panuri para rito. Maaari ring lagyan ng iba’t ibang hugis ng mga lente ang harap ng mga mata ng mga batang may ganitong kondisyon upang malaman kung sa alin lumilinaw ang kanilang paningin.
Sa mga adult o may sapat na gulang, hindi dapat balewalain kung labis na ang hirap na idinudulot ng panlalabo ng paningin at nakapipinsala na ito sa mga gawain. Kaya, magpatingin agad sa espesyalista upang matiyak kung ang paglabo ng mata ay sanhi ng astigmatismo.
Mga Salik sa Panganib
Ang sinoman, ano man ang edad, ay maaaring magkaroon ng astigmatismo. Ayon sa mga pagsasaliksik, bahagyang may kinalaman sa pagkakaroon nito ang genetic factors. Ang mga sumusunod ay nanganganib na magkaroon ng astigmatismo:
- May miyembro ng pamilya na may astigmatismo at iba pang kondisyon sa mata kagaya ng keratoconus
- May numinipis o naghuhugis na cone o kono na cornea
- May labis na nearsightedness
- May labis na farsightedness
- Dati nang nagpa-opera sa mata, kagaya ng pagpapatanggal ng katarata
Ang kaalaman ukol sa sanhi at risk factors ng astigmatismo ay mga unang hakbang para malunasan ito.
Pag-Iwas
Image Source: www.carmelmountainvisioncare.com
Dahil sa uri ng kondisyong ito, ang astigmatismo ay hindi maiiwasan. Ang pinakamainam na gawin ay ang regular na pagpapatingin sa espesyalista upang mabigyan kaagad ng tamang lunas para maiwasan ang pagdurusa nang matagal bunga ng hindi malinaw na paningin.
Kapag ang taong may astigmatismo ay nagsusuot na ng corrective lens, kinakailangan pa rin ang regular na pagpapatingin upang masiguradong tama ang grado ng mga lente o salamin nito.
Para naman sa regular na pagpapatingin, ang mga adult o nasa tamang edad ay dapat sundin ang nasa ibaba:
- Magpatingin tuwing 2 hanggang 4 na taon para sa mga may edad 40 hanggang 55 na taong gulang
- Magpatingin tuwing 1 hanggang 3 taon para sa mga may edad 55 hanggang 65 na taong gulang
- Magpatingin tuwing 1 hanggang 2 taon para sa mga may edad lagpas 65 na taong gulang
Subalit, maaari ring magpatingin nang mas madalas batay sa rekomendasyon ng espesyalista.
Sanggunian
- https://en.wikipedia.org/wiki/Astigmatism#History
- http://diseasesdic.com/astigmatism-history-types-symptoms-treatment/
- https://www.allaboutvision.com/conditions/astigmatism.htm
- https://www.aoa.org/patients-and-public/eye-and-vision-problems/glossary-of-eye-and-vision-conditions/astigmatism
- https://www.webmd.com/eye-health/astigmatism-eyes
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/astigmatism/symptoms-causes/syc-20353835
- https://www.drgreene.com/articles/astigmatism/
- http://www.childrenshospital.org/conditions-and-treatments/conditions/a/astigmatism-hyperopia-and-myopia