Buod

Ang atake sa puso o heart attack ay kilala rin sa tawag na acute myocardial infarction. Isa itong mapanganib na kondisyon kung saan ang puso ay hindi nakatatanggap ng sapat na dami ng dugo. Dahil dito, ang mga kalamnan ng puso ay unti-unting napipinsala at namamatay. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pananakit o paninikip ng dibdib na kumakalat sa kanyang leeg, panga, o likod.

Karaniwang inaatake sa puso ang isang tao kapag ang kanyang mga ugat o artery ay nabarahan ng namuong dugo o taba. Maaaring mangyari ang mga ito dahil sa hindi malusog na paraan ng pamumuhay. Kasama sa mga nai-uugnay na salik dito ay ang labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak, kakulangan sa pag-eehersisyo, pagiging mataba, at pagkakaroon ng madaming kolesterol sa katawan. Bukod sa pagbabara ng mga ugat, maaari ring magdulot ng atake sa puso kung nagkaroon ng butas o punit ang mga ugat.

Bagama’t ang atake sa puso ay isang mapanganib na kondisyon, malaki ang posibilidad na masagip ang buhay ng pasyente kung ito ay maaagapan. Sa oras na inaatake sa puso ang pasyente, kailangang dalhin siya agad sa ospital. Kung tumigil ang paghinga ng pasyente, kailangang magsagawa ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) sa pamamagitan ng manual chest compression o defibrillation upang mabombahan muli ng dugo at oxygen ang puso ng pasyente.

Pagkarating ng pasyente sa ospital, maaaring siya ay bigyan ng mga gamot upang matanggal ang mga nakabara sa ugat. Maaari rin siyang sumailalim sa cardiac cathetherization o bypass surgery kung hindi sapat ang mga ibinibigay na gamot bilang lunas.

Kasaysayan

Ayon sa mga pag-aaral, ang unang sakit sa puso ay natuklasan noong 1550 BC ng mga taga-sinaunang Ehipto. Ipinapakita ng mga tala na may kaaalaman na ang kanilang sibilisasyon kung paano matukoy ang iba’t ibang uri ng sakit sa puso na gaya ng atake sa puso o myocardial infarction. Sa mga salitang ito, ang “myo” ay nangangahulugang “kalamnan,” samantalang ang “cardial” ay tumutukoy sa “puso.” Ang “infarction” naman ay tumutukoy sa “pagkamatay ng kalamnan.” Kaya naman sa kondisyong ito, ang pasyente ay nakararanas ng pagkamatay ng kalamnan ng kanyang puso kapag ito ay nagkulang sa dami ng natatanggap na dugo.

Noong unang panahon, ipinapakita rin na mayroon nang kaalaman ang mga tao kung paano malulunasan ang mga sakit sa puso. Karaniwang nang inooperahan noon pa ang mga pasyenteng may sakit sa puso upang gumaling sa kondisyon. Subalit sa paglipas ng maraming taon, ang iba’t ibang uri ng mga sakit sa puso ay maaari na’ng malunasan kahit walang isinasagawang operasyon. Kasama na rito ang atake sa puso.

Mga Uri

Ang atake sa puso ay may tatlong pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • ST segment elevation (STEMI). Sa STEMI na uri, ang coronary artery ay nagkakaroon ng tuluyang pagkabara na nagdudulot nang malaki at permanenteng pinsala sa puso.
  • Non-ST segment elevation (NSTEMI). Kumpara sa STEMI na uri, ang NSTEMI ay hindi gaanong malubha sapagkat ang coronary artery ay hindi tuluyang nabarahan. Ganunpaman, isa pa rin itong mapanganib na kondisyon na nangangailangan ng agarang lunas.
  • Coronary artery spasm (CAS). Ang CAS ay kilala rin sa tawag na silent heart attack. Sa uring ito, ang alinman sa mga artery ng puso ay mayroong pagbabara. Kadalasan, ang mga sintomas na nararamdaman ng pasyente sa kondisyong ito ay halos natutulad sa mga sintomas ng heartburn, gaya ng pagkabusog, impatso, paninikip ng dibdib o lalamunan, at iba pa.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Ang karaniwang sanhi ng atake sa puso ay ang pagbabara ng mga ugat o artery. Kadalasang nagkakaroon ng pamumuo ng dugo o taba sa mga ugat dahil sa mga sumusunod:

  • Labis na paninigarilyo
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Pagiging mataba
  • Kakulangan sa pag-eehersisyo
  • Pagkakaroon ng maraming kolesterol sa katawan

Bukod sa pagbabara ng ugat, maaari ring atakihin ang puso kung ang mga ugat ay nagkaroon ng butas o punit.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Ang bawat tao ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas ng atake sa puso. Masasabing inaatake na sa puso ang isang tao kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod:

  • Pananakit na tila parang pinipiga o dinudurog ang dibdib
  • Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam sa likod, panga, lalamunan, o braso
  • Pagkaranas ng mga sintomas ng heartburn na gaya ng pagkabusog, impatso, at pagkabara ng lalamunan
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Hirap sa paghinga
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pananakit ng ulo o pagkahilo
  • Labis na pamamawis
  • Panghihina ng katawan

Ang pangunahing sintomas ng atake sa puso ay ang paninikip o pananakit ng dibdib na kumakalat papuntang leeg, panga, o likod. Kapag nakaramdam ng sintomas na ito, agad pumunta sa pinakamalapit na ospital upang ikaw ay mabigyan ng agarang tulong na medikal.

Subalit, sa ibang mga kaso ng atake sa puso, maaaring hindi makaranas ng pananakit ng dibdib ang isang pasyente. Ayon sa mga doktor, may ilang mga pasyenteng inaatake na sa puso kahit ang nananakit lamang sa kanila ay ang kanilang mga tenga o braso, samantalang ang iba naman ay nagsusuka lamang at nahihilo.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Ang lahat ng tao ay maaaring maapektuhan ng atake sa puso. Subalit, may iba’t ibang salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng kondisyong ito. Kasama na rito ang mga sumusunod:

  • Pagiging matanda. Ang mga taong nasa 65 taong gulang pataas ay mas mataas ang posibilidad na atakihin sa puso. Ito ay dahil mas nagiging marupok at matigas na ang mga kalamnan at ugat ng kanilang puso.
  • Pagiging lalaki. Ayon sa mga tala, mas maraming lalaki ang nagkakaroon ng atake sa puso kaysa sa mga babae. Pinaniniwalaang ito ay dahil kadalasang mas maraming bisyo ang mga kalalakihan, gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.
  • Pagiging Aprikano. Mas laganap din ang kondisyong ito sa mga taong may lahing Aprikano. Ito ay itinuturong dahil na rin sa kanilang kakulangan sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay. Ayon sa mga pag-aaral, karamihan sa mga Aprikano ay labis na naninigarilyo at umiinom ng alak. Dagdag dito, sila rin ay natukoy na kadalasang kulang sa ehersisyo at sapat na nutrisyon.
  • Pagkakaroon ng kasaysayan ng kondisyon sa pamilya. Maaari ring tumaas ang posibilidad na makaranas ng pag-atake sa puso kung mayroong kasaysayan ng mga sakit sa puso o cardiovascular disease sa inyong pamilya. Nangangahulugan ito na nasa lahi niyo na ang pagkakaroon ng atake sa puso at maaaring ma-trigger ito, lalo na kung hindi malusog ang iyong paraan ng pamumuhay.
  • Hindi pagkakaroon ng malusog na pamumuhay. Kung ang isang tao ay hindi malusog ang paraan ng pamumuhay, maaaring atakihin siya sa puso. Ilan sa mga nakapagpapataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng kondisyong ito ay ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagiging mataba, pagkulang sa ehersisyo, at pagkakaroon ng labis na dami ng kolesterol sa katawan.

Maaaring pababain ang posibilidad ng pagkakaroon ng atake sa puso kung uugaliing magkaroon ng malusog na pamumuhay. Subalit, ang mga salik na gaya ng edad, kasarian, lahi, at kasaysayan ng kondisyon sa pamilya ay hindi maaaring baguhin o pigilan pa. Kung naiuugnay sayo ang alinman sa mga hindi nababagong salik na ito, iminumungkahing mas paigtingin pa ang pagkakaroon ng malusog na puso at pangangatawan.

Mga Komplikasyon

Ang atake sa puso ay maaaring magdulot ng iba’t ibang mga komplikasyon, lalo na kung hindi ito maagapan. Ilan sa mga posibleng komplikasyon nito ay ang mga sumusunod:

  • Pagpalya ng puso o heart failure
  • Pagkakaroon ng aneurysm
  • Pagkakaroon ng pericarditis
  • Pagkakaroon ng erectile dysfunction o hindi pagtigas ng ari sa mga kalalakihan

Ang komplikasyong gaya ng heart failure ay lubhang mapanganib. Upang hindi na umabot pa sa mga ganitong uri ng mapanganib na komplikasyon, nangangailangang sundin ng pasyente ang lahat ng ipapayo ng doktor.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Upang ma-iwasang maranasan ang atake sa puso, nakatutulong ang mga susunod na na paraan upang palusugin ang puso at pangangatawan:

  • Itigil ang mga bisyong gaya ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.
  • Mag-ehersisyo araw-araw upang umayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan.
  • Magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagpili ng balanse at masusustansyang pagkain.
  • Kung nakaranas na noon pa ng pag-atake sa puso, inumin ang mga iniresetang gamot upang hindi na muling atakihin pa.

Sanggunian