Buod
Hindi magsisimulang tumibok ang puso hangga’t wala itong natatanggap na electrical signal mula sa sinus node. Ang sinus node naman ay bahagi ng puso na matatagpuan sa bandang itaas ng kanang kalamnan nito o right atrium. Ang sinus node ay nagsisilbing pacemaker ng puso o ang bahaging nangangasiwa ng nararapat na bilis ng pagtibok nito. Dahil dito, anumang pinsalang maranas ng sinus node ay maaaring magdulot ng kondisyong atrioventricular block, na kilala rin bilang AV block.
Bukod sa AV block, ang atrioventricular block ay kilala rin sa tawag na heart block. Sa kondisyong ito, hindi makadaloy nang maayos ang electrical signal mula sa atrium papuntang ventricle o ibabang kalamnan ng puso. Maaaring magkaroon ng mga balakid sa pagdadala ng mga electrical signal kung ang pasyente ay may ibang karamdaman. Ilan sa mga karamdamang ito ay ang idiopathic fibrosis, sclerosis, ischemic heart disease, congenital heart defect, at marami pang iba.
Sa AV block, maaaring makaranas ang pasyente ng iregular na pagtibok ng puso, hirap sa paghinga, pagkahilo at pagkahimatay, paninikip ng dibdib, maging ang madaling pagkapagod. Upang magamot ang kondisyong ito, ang doktor ay maaaring magbigay ng medikasyon upang maibsan ang mga sintomas o kaya naman ay isasailalim ang pasyente sa isang operasyon upang malagyan ng artipisyal na pacemaker.
Kasaysayan
Ang kauna-unahang nakapaglahad ng kondisyon na AV block o heart block ay si Karel Frederik Wenckebach, isang Dutch na anatomist, noong 1893. Ayon sa kanya, maaari raw maantala ang pagdadala ng mga electrical signal mula sa atrium papuntang ventricle. Nangyayari raw ito kapag may higit na pagkukulang ng sangkap na pang-konduksyon sa atrioventricular border.
Kamangha-mangha ang naisagawang paglalahad ni Wenckebach tungkol sa kondisyong ito sapagkat hindi pa naiimbento noon ang mga electrocardiogram o ECG—isang aparatong ginagamit upang ma-diagnose ang AV block. Kay Wenckebach din iginawad ang pagkakadiskubre ng type 1 second degree AV block.
Sumunod kay Wenckebach ay ang pagkakadiskubre ni John Hay sa type 2 second degree AV block. Si John Hay ay isang kilalang doktor mula sa Liverpool, England. Nadiskubre niya ang type 2 second degree AV block noong 1905 nang nagkaroon siya ng isang 65-anyos na pasyente na may mabagal na pulso.
Ayon kay Hay, nagkaroon ng mabagal na pulso ang kanyang pasyente sapagkat ang ventricle ay hindi nakatatanggap ng stimulus o signal mula sa atrium. Dahil sa kakulangan pa rin ng kaalaman tungkol sa tamang lunas sa AV block, namatay din ang kanyang pasyente dahil sa madalas na pagkakaroon ng mga seizure at kakulangan ng dugong dumadaloy sa utak (syncopal attack).
Ang type 1 at type 2 second degree AV block ay kilala na ngayon sa tawag na Mobitz Type 1 at Mobitz Type 2 matapos magsagawa ng mas masugid na pag-aaral si Woldemar Mobitz tungkol dito. Si Mobitz ay isang Russian-German na doktor, at siya ang kaunahang gumuhit ng isang graph upang maipakita ang relasyon ng pagbabago sa pagtibok ng puso dulot ng kakulangan ng konduksyon sa pagitan ng mga atrium at ventricle.
Mga Uri
Ang atrioventricular block o heart block ay maaaring ihanay sa tatlong kategorya batay sa tindi ng kalagayan nito. Narito ang tatlong uri ng AV block:
- First degree AV block. Ang first degree AV block ay ang pinaka-hindi-delikadong uri ng AV block. Bagama’t naaantala ang pagdadala ng electrical signal, nagagawa pa rin naman nitong makarating sa mga tamang kalamnan. Sa uri ng AV block na ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng mga sintomas, ngunit maaari ring wala siyang maramdaman. Kung walang nararanasang sintomas, maaaring hindi na gamutin ang pasyente, subalit kailangan pa rin niya ng maigting na obserbasyon at pag-iingat.
- Second degree AV block. Ang second degree AV block ay mas delikado kaysa sa first degree. Bukod sa naaantalang pagdadala ng electrical signal, hindi na nakararating pa ang ilan sa mga signal sa mga dapat nitong puntahan. Dahil dito, ang pagtibok ng puso ay bumabagal. Mayroon ding dalawang uri ang second degree AV block at ito ay ang mga sumusunod:
- Mobitz Type 1. Ang Mobitz Type I ay kilala rin sa tawag na Wenckebach’s AV block. Sa uring ito, ang electrical signal mula sa sinus node ay pabagal nang pabagal hanggang sa ang puso ay may malaktawan na pagtibok. Ngunit kumpara sa Mobitz Type II, ang Mobitz Type I ay hindi gaanong delikado.
- Mobitz Type II. Sa Mobitz Type II naman o Hay AV block, ang electrical signal na ipinadadala ng sinus node ay iregular. Kung minsan, hindi rin nakararating ang signal sa mga ventricle. Dahil dito, ang puso ay tumitibok nang napakabagal at maraming beses na mayroong nalalaktawang pagtibok.
- Third degree AV block. Ang third degree AV block ay kilala rin sa tawag na complete AV block at ito ang pinakadelikadong uri. Sa kondisyon na ito, ang mga electrical signal mula sa sinus node ay hindi na talaga nakararating pa sa mga ventricle. Dahil dito, ang puso ay unti-unting bumabagal at humihina ang pagtibok. Kapag hindi ito naagapan, ito ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente.
Mga Sanhi
Maraming posibleng maging sanhi ng AV block. Maaaring ipinanganak ka nang mayroon nito o kaya naman ay maaari itong makuha dulot ng iba’t ibang mga sakit. Upang malaman ang karampatang lunas para sa AV block, nakatutulong ding alamin ang mga posibleng naggudulot nito gaya ng mga sumusunod:
- Congenital heart defect. Kung ipinanganak kang mayroong congenital heart defect, maaai ka ring magkaroon ng AV block lalo na kung ang bahaging may problema ay ang right atrium na kung saan ay naroon ang sinus node.
- Ischemic heart disease. Sa lahat ng mga sanhi ng AV block, binubuo ng ischemic heart disease ang 40% nito. Sa sakit na ito, nagkakaroon ng pagkipot ng mga ugat ng puso dulot ng pagkabara dahil sa taba o mga kumpul-kumpol na dugo. Kung ang mga ugat na nabarahan ay ang mga artery, maaaring hindi makatanggap ng sapat na dami ng dugo ang atrium ng puso at magresulta sa depektibong sinus node.
- Idiopathic fibrosis. Ang idiopathic fibrosis ay kilala rin sa tawag na pulmonary fibrosis, isang uri ng sakit sa baga. Kapag napabayaan ang sakit na ito, maaaring magkaroon ng komplikasyon sa puso at maapektuhan ang sinus node sa atrium.
- Sclerosis. Ang sclerosis naman ay isang uri ng sakit sa utak at gulugod (spinal cord). Sa sakit na ito, ang komunikasyon ng bawat bahagi ng katawan ay maaaring maapektuhan, kabilang na ang mga electrical signal mula sa puso. Ang pasyente ay maaaring makaranas ng pamamanhid ng ilang bahagi ng katawan o kaya naman ay madaling pagkawala sa balanse.
- Medikasyon. Ang pag-inom ng medikasyon ay maaari ring magdulot ng mga side effect sa puso. Kahit ang mismong mga gamot para sa puso gaya ng beta blocker, calcium channel blocker, digoxin, at amiodarone ay maaaring makaapekto sa electrical signal na binibigay ng sinus node.
Hindi lamang ang mga nabanggit ang posibleng maging sanhi ng AV block. Kung may iba pang sakit ang pasyente na makaaapekto sa gawain ng puso, maaari pa rin siyang magkaroon nito.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kung ang pasyente ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas, maaaring siya ay may AV block:
- Iregular na pagtibok ng puso. Dahil hindi lahat ng mga signal mula sa sinus node ay nakararating sa puso, nagiging iregular ang pagtibok nito. Kadalasan, ang pagtibok ng puso ay bumabagal o kaya naman ay may nalalaktawan na pagtibok.
- Hirap sa paghinga. Sa AV block, maaari ring makaranas ng hirap sa paghinga ang pasyente sapagkat hindi sapat ang bilang at bilis ng pagtibok ng puso. Dahil dito, hindi agad nakatatanggap ng dugo at oxygen ang mga baga kaya naman kinakapos sa paghinga ang pasyente.
- Pagkahilo at pagkahimatay. Bukod sa mga baga, maaari ring maapektuhan ang utak ng pasyente kapag siya ay may AV block. Dahil kinukulang din ang utak sa dugo at oxygen, maaaring mahilo o mahimatay ang pasyente.
- Paninikip ng dibdib. Gaya ng iba’t ibang uri ng mga sakit sa puso, mataas din ang posibilidad na makaranas ng paninikip ng dibdib ang pasyente. Lalo itong lumalala kapag ang pasyente ay may ginagawang nakapapagod.
- Madaling pagkapagod. Sa pagbagal at paghina ng pagtibok ng puso, kakaunti lamang ang nutrisyong natatanggap ng bawat bahagi ng katawan. Dahil dito, ang pasyente ay nakararanas ng madaling pagkapagod.
Mahirap matukoy na may AV block ang pasyente lalo na kung wala pang isinasagawang mga pagsusuri o diagnostic test sapagkat ang mga sintomas nito ay katulad ng iba’t ibang uri ng sakit sa puso. Karaniwang ipinasasailalim ang pasyente sa electrocardiogram o ECG upang tiyak na malaman kung siya ay may AV block. Sa pamamaraang ito, ang pasyente ay kinakabitan lamang ng mga kable sa kanyang dibdib at titingnan ng doktor ang kondisyon ng pagtibok ng kanyang puso sa isang screen o monitor.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Babae man o lalaki ay maaaring magkaroon ng AV block. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito kung nabibilang sa alinman sa mga sumusunod na grupo:
- Mga matatanda. Sa pagtanda, ang mga kalamnan ng puso ay maaaring manghina o magkaroon ng pinsala dahil sa kalaunang pagkarupok. Dahil dito, ang mga kalamnan ng puso (mga atrium at ventricle) ay napipiilitang magtrabaho nang higit pa sa normal nitong kaya, mapunan lamang ang mga pagbabagong ito. Kalaunan, maaaring magdulot ito ng pinsala sa mga kalamnan at maapektuhan ang sinus node ng puso.
- Kasaysayan ng AV block sa pamilya. Kung may kasaysayan ng AV block sa pamilya, hindi malayong magkaroon ka rin ng kondisyong ito, lalo na kung hindi nag-iingat pagdating sa kalusugan ng puso.
- Mga naninigarilyo. Ang mga taong naninigarilyo ay mataas din ang posibilidad na magkaroon ng AV block. Dahil ang sigarilyo ay naglalaman ng nicotine at iba pang nakalalasong sangkap, maaaring mapinsala ang atrium at maging dahilan upang hindi makapagdala ng electrical signal nang tama ang sinus node sa ventricle.
- Mga naoperahan na sa puso. Kung ang pasyente ay naoperahan na sa puso, madali na siyang maapektuhan ng iba’t ibang kondisyon sa puso gaya ng AV block. Bagama’t ang layunin ng operasyon sa puso ay pagalingin ang pasyente, ito ay nagdudulot pa rin ng mga sugat at pamemeklat sa puso. Kung hindi ito mapangangasiwaan nang maayos, maaaring maapektuhan nito ang atrium at magdulot ng pinsala sa sinus node.
- May ibang karamdaman sa puso. Kung may mga karamdaman sa puso gaya ng cardiomyopathy, coronary thrombosis, myocarditis, at endocarditis, mataas din ang posibilidad na magkaroon ng AV block. Ang mga sakit sa puso na ito ay maaaring samahan ng iba pang mga komplikasyon at magdulot ng pagkapinsala sa mga kalamnan ng puso.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Kung ipinanganak nang may problema sa atrium, ang AV block ay hindi na maiiwasan. Subalit, maaari namang maiwasang makakuha nito kung laging pananatilihing malusog ang puso sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3, phytonutrients, at fiber upang mapanatiling malusog ang puso. Ang mga ito ay kadalasang matatagpuan sa mga prutas, gulay, at isda.
- Iwasan ang pagkain ng mga maaalat at matatabang bahagi ng karne upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng pagbabara sa mga ugat ng puso.
- Uminom ng walong baso ng tubig araw-araw upang mailabas nang tama ang sobrang asin sa katawan.
- Mag-ehersisyo kahit 30 minuto lamang araw-araw upang mapanatili ang tamang timbang at umayos ang sirkulasyon ng dugo sa katawan.
- Itigil ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo sapagkat ang mga ito ay may nakalalasong mga sangkap na nakaaapekto sa puso.
- Magpahinga o matulog nang sapat upang hindi mapagod nang wasto ang puso.
Ang second at third degree AV block o heart block ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente lalo na kung hindi ito maagapan. Kaya naman, ang regular na pagpapasuri sa doktor ay malaki ang naitutulong upang malaman ang kondisyon ng puso.
Sanggunian
- https://www.msdmanuals.com/professional/cardiovascular-disorders/arrhythmias-and-conduction-disorders/atrioventricular-block
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17056-heart-block
- https://www.webmd.com/heart-disease/what-is-heart-block#1
- https://www.medicinenet.com/script/main/art.asp?articlekey=8448
- https://www.medicinenet.com/script/main/art.asp?articlekey=8448
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/180986.php
- https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17056-heart-block/management-and-treatment
- https://ecgwaves.com/ecg-topic/av-block-1-2-3-treatment-management-ecg/
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3012282/
- https://onlinelibrary.wiley.com/doi/pdf/10.1002/clc.4960231118
- https://www.ahajournals.org/doi/full/10.1161/01.cir.0000140669.35049.34
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/15339865
- https://litfl.com/woldemar-mobitz/