Panoorin ang video

Buod

Image Source: www.freepik.com

Ang baga ay napakahalaga sa katawan ng tao. Tumutulong ito sa pagsu-supply ng oxygen na kailangan upang mabuhay at mamalagi ang maayos na paggana ng bawat selula sa katawan. Ayon sa mga dalubhasa, ang malusog na tao ay humihinga nang may 25,000 na beses bawat araw. Kapag nagkaroon ng pinsala o karamdaman ang baga, hindi nito mabibigyan ng sapat na dami ng oxygen ang katawan.

May ilang uri ng sakit na maaaring umapekto sa mga baga. Ang mga ito ay maaaring dulot ng mga impeksyon, mga namamanang kondisyon, o ng kanser.

Ang pangunahin sa mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit sa baga ay ang hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, mabilis o mabagal na paghinga, at panghihina o pananamlay ng katawan.

Depende sa uri ng sakit sa baga o sa tindi nito, maaari itong lunasan sa pamamagitan ng mga antibiotic, antihistamine, expectorant, bronchodilator, o ng lung transplant para sa mga malalalang kaso na kagaya ng emphysema o kanser.

Kapag nagkukulang ng oxygen ang katawan, labis itong manghihina. Maaari rin itong humantong sa pagtigil ng wastong paggana ng ibang bahagi ng katawan. Kaya, napakahalagang maagapan nang agaran ang kahit anong sakit na nakaaapekto sa mga baga bago pa ito lumala.

Kasaysayan ng mga sakit sa baga

Mula pa noong panahon ni Hippocrates ay inilarawan na ang iba’t ibang uri ng kondisyon na kaugnay ng mga sakit at karamdamang nakaaapekto sa baga.

Subalit, ang paggamot sa mga sakit sa baga bilang isang bukod na larangan ng medisina ay umusbong lamang noong mga 1950. Sina William Welch at William Osler ang nagtatag ng American Thoracic Society at National Association for the Study and Prevention of Tuberculosis noong mga taong iyon. Dahil dito, lalong bumilis pa ang pag-unlad sa pagsasaliksik ukol sa iba’t ibang mga kondisyon sa baga at sa buong respiratory system.

Mga Katangian

Ang ilan sa mga maagang palatandaan ng pagkakaroon ng sakit sa baga ay hindi gaanong mapapansin. Bagama’t marami ang mga sintomas ng kondisyong ito dahil sa dami ng uri nito, ang pinaka-karaniwang palatandaan ng sakit na ito ay ang pananamlay.

Narito naman ang ilan pa sa ibang mga karaniwang sintomas ng mga sakit sa baga:

  • Pabalik-balik na ubo. Ang pag-ubo na tumatagal nang isang buwan ay tanda ng pagkakaroon ng problema sa mga baga.
  • Kakapusan ng hininga. Kapag madaling makaranas ng hirap o ng kakapusan sa paghinga, maaari ring itong palatandaan ng pagkakaroon ng sakit sa baga.
  • Pabalik-balik na pagkakaroon ng plema sa baga. Ang pabalik-balik na pagkakaroon ng plema sa baga ay maaaring tanda ng pagkakaroon ng impeksyon nito na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng mga sakit.
  • Umaagahas na paghinga. Ang pagkakaroon ng umaagahas na ingay sa tuwing humihinga ay palatandaan na maaaring may bara sa loob ng baga o kaya ay kumikipot ang mga daanan ng hangin sa loob nito.
  • Pag-ubo na may kasamang dugo. Kapag sa pag-ubo ay may kasamang dugo, ito ay maaaring mula sa baga. Maaaring palatandaan din ito ng pagkakaroon ng pagkapinsala o matinding impeksyon ng baga.
  • Pabalik-balik na pananakit ng dibdib. Ang hindi maipaliwanang ng pananakit ng dibdib na tumatagal nang hanggang ilang buwan ay maaaring tanda ng pagkakaroon ng kondisyon sa baga.

Mga Sanhi

Hindi lahat ng mga sakit sa baga ay tukoy ang sanhi. Subalit, sa mga karaniwang uri ng sakit sa bahaging ito ng katawan, narito ang ilan sa mga sanhi nito:

  • Usok. Ang usok, galing man sa sigarilyo o sa sasakyan, ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa baga. Maging ang mga usok na nanggagaling sa mga naninigarilyo (secondhand smoke) ay maaari ring magdulot ng sakit.
  • Radon. Ito ay isang uri ng walang kulay na gas na matatagpuan sa mga kagamitan sa paggawa ng mga gusali. Maaari rin itong matagpuan sa mga tubig na ginagamit sa tahanan. Ang sangkap na ito ay maaaring magdulot ng kanser sa baga.
  • Asbestos. Ang asbestos ay isang uri ng mabalahibong sangkap na ginagamit na pang-insulate sa mga gusali laban sa apoy at init. Ang mga maliliit na balahibo nito na madaling malanghap ay nagdudulot ng kanser sa baga.
  • Polusyon sa hangin. Ang polusyon sa hangin na dulot ng mga usok mula sa mga sasakyan ay maaaring magdulot ng hika, COPD, kanser sa baga, at iba pang mga kondisyon sa bahaging ito ng katawan.
  • Mga mikrobyo. May mga uri ng mikobryo na kagaya ng bacteria, virus, o fungi na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng impeksyon na nakapagpapahina sa baga ng tao.

Anu-ano naman ang mga bagay na maaaring magpataas sa antas ng pagkakaroon ng sakit sa baga?

Mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng mga sakit sa baga

May mga tao na sadyang may mataas na panganib na magkaroon ng iba’t ibang uri ng sakit sa baga dahil sa mga sumusunod na mga salik:

  • Paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng karamihan sa mga sakit sa baga. Ito ay dahil ang isang sigarilyo ay may mahigit na 4,000 na mga sangkap na ang karamihan ay nakalalason at nagdudulot ng kanser.
  • Secondhand smoke. Tinatawag din itong passive smoking. Ito ay ang paglanghap sa usok na mula sa taong naninigarilyo. Nakapgdudulot din ito ng iba’t ibang sakit na maaaring umapekto sa baga.
  • Mga salik mula sa mga unang taon ng buhay ng tao. May mga salik sa maagang bahagi ng buhay ng tao na maaaring magdulot ng sakit sa baga. Kabilang sa mga ito ang pagiging labis na mataba noong siya ay bata pa, hindi pagsuso sa nanay, paggamit ng ina ng ilang uri ng gamot habang nagbubuntis, komplikasyon habang ipinanganganak, maging ang uri ng hangin sa paligid na kinalakihan.
  • Mga namamanang kondisyon. May mga sakit sa baga o iba pang kondisyon sa mga gene na maaaring maipasa mula sa mga magulang papunta sa mga anak.
  • Uri ng hangin sa loob ng gusali. Ang uri ng hangin sa loob ng mga gusali, kagaya ng tahanan, opisina, paaralan, maging sa sasakyan, ay maaaring makaapekto sa kalagayan ng baga, lalo na kung matagal ang pagkakalantad dito.
  • Uri ng hangin sa paligid. Ang maruming hangin sa paligid na dulot ng mga usok ng sasakyan at iba pang mga kemikal na pang-industrya ay nagdudulot ng iba’t ibang kilalang uri ng sakit sa baga.
  • Uri ng kinakain. May mga makabagong pag-aaral na nag-uugnay sa mga uri ng pagkain sa kabuuang kalagayan ng baga.

Paggamot at Pag-Iwas

Ang manggagamot na sumusuri at lumulunas sa mga sakit sa baga ay tinatawag na pulmonologist. Ang mga pulmonologist ang maaaring tumingin sa kalagayan ng baga at magbigay ng payo ukol sa mga lunas na maaaring ilapat sa uri ng sakit na umaapekto rito.

Ang ilan naman sa mga uri ng lunas na maaaring ilapat sa mga kilalang sakit sa baga ay ang mga sumusunod:

  • Chest tube insertion. Ginagamit ang pamamaraang ito upang maiwasan ang pag-collapse ng baga kapag napuno ng dugo o kaya ng hangin ang pleural space
  • Chest tube thoracostomy. Ginagawa ito upang alisin ang mga likido na namuo sa loob ng baga, kagaya ng nakikita sa mga may pulmonya o kanser.
  • Pulmonary lobectomy. Ginagawa ito kung kailangang alisin ang isang bahagi, o lobe, ng baga ay apektado ng malubhang sakit.
  • Mga gamot na nilalanghap o kaya iniinom laban sa hika. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga salbutamol na mga uri ng Ang mga ito ay nagbibigay-ginhawa sa pamamagitan ng pagpapaluwag ng daluyan ng hangin sa baga.
  • Oxygen therapy. Kapag kinakapos ng oxygen ang baga, mangangailangan ang pasyente ng oxygen therapy. Nakatutulong ito upang mapunan ang kakulangan ng oxygen na kailangan naman ng buong katawan sa maayos na paggana ng bawat bahagi nito.
  • Pulmonary rehabilitation. Ito ay isinasagawa para sa mga may pabalik-balik na problema sa baga. Hindi pinapalitan ng paraang ito ang mga kasalukuyang lunas na inilalapat sa pasyente. Bagkus, ito ay ginagamit bilang karagdagdang lunas.
  • Paggamit ng ventilator. Ang ventilator ay isang uri ng makina na tumutulong sa paghinga ng taong may labis na napinsalang baga. Tumutulong ito upang magkaroon ng sapat na dami ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan at maging sa pag-alis ng carbon dioxide mula rito.
  • Lung transplant. Ang paraang ito ay bihira lamang. Mangangailangan lamang nito sa kaso ng kanser o kaya ay kung ang baga ng isang tao ay ganap nang tumigil sa paggana.
  • Mga iba’t ibang uri ng gamot. Ang mga antibiotic ay tumutulong upang patayin ang mga bacteria na sanhi ng sakit sa baga. Samantala, ang mga expectorant ay tumutulong sa pag-aalis ng mga plema sa baga na bumabara sa mga daanan ng hangin. Ang mga bronchodillator naman ay tumutulong upang lumuwag ang mga daanan ng hangin, lalo na sa kaso ng mga may hika.

Papaano naman ang pag-iwas sa mga sakit sa baga?

Pag-iwas sa mga sakit sa baga

Maaaring iwasan ang mga sakit sa baga, bagama’t may ilang uri nito ang hindi maaaring iwasan o lunasan.

Narito ang ilan sa mga mabibisang pamamaraan upang makaiwas sa mga karaniwang sakit sa baga:

Image Source: vietnamnews.vn

  • Iwasan ang paninigarilyo. Higit na nakapagpatataas ng panganib ng pagkakaroon ng sakit sa baga ang paninigarilyo—lalo na ng mga sakit na kanser at COPD. Ito ay dahil ang usok ng sigarilyo ay naglalabas ng mga sangkap na nakalalason at nakapagdudulot ng kanser. Para sa mga hindi naninigarilyo, mainam ding iwasan ang mga lugar kung saan may mga naninigarilyo. Sa mga naninigarilyo naman, ipinapayo ang lubos na pagtigil bago pa mahuli ang lahat.
  • Iwasan ang secondhand smoke. Ang secondhand smoke ay usok ng sigarilyo na nanggagaling sa ibang taong naninigarilyo. Nagtataglay din ang mga ito ng mga sangkap na nakalalason at nakapagdudulot ng kanser. Maging ang thirdhand smoke, o mga natitirang sangkap mula sa usok ng sigarilyo na dumikit sa mga dingding, mga kurtina, o kaya sa mga upuan, ay maaari ring magdulot ng sakit sa baga.
  • Ugaliin ang wastong paghuhugas ng mga kamay. Ugaliin ang regular at wastong paghuhugas ng mga kamay. Tumutulong ang kaugaliang ito sa pag-iwas sa mga mikrobyong maaaring magdulot ng sakit sa baga.
  • Takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing. Nakatutulong ito sa pag-iwas sa pagkalat ng mga mikrobyo na maaaring magdulot sa iba ng pagkakaroon ng sakit sa baga.
  • Panatilihing malinis ang tahanan. Tiyaking malinis at walang alikabok ang loob ng bahay. Iwasan din ang paggamit ng mga air freshener dahil sa taglay nitong mga sangkap na maaaring makapinsala sa mga baga. Kung maaari ay maglagay ng exhaust fan sa kusina upang mapanatiling maginhawa ang lugar sa tuwing magluluto.
  • Ugaliin ang pagsusuot ng face mask. Sa tuwing umaalis ng bahay, kung maaari ay magsuot ng face mask. Nakatutulong ito sa pagpapababa ng antas na nalalanghap na dumi, alikabok, o usok sa tuwing nasa labas ng bahay. Ito ay lalong mabisa kapag napapadaan sa mga matatrapik na lansangan. Ang face mask ay napakahalaga rin kung ang uri ng hanap-buhay ay nasa mga paggawaan kung saan ang isang tao ay lantad sa mga nakalalasong sangkap.
  • Magpatingin kaagad sa doktor. Kapag may naramdamang kakaiba sa dibdib, kagaya ng kakapusan sa paghinga o panghihina, magpatingin kaagad sa doktor. Kinakailangan din na sundin ang kanilang ipapayo, lalo na sa uri ng mga gamot na dapat inumin upang malunasan ang tintaglay na kondisyon.
  • Regular na mag-ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ng 30 minuto bawat araw ay nakatutulong sa pagpapalakas sa baga. Nakatutulong din ito sa maayos na pagdaloy ng oxygen sa buong katawan na nagiging daan naman sa ikapananatiling maayos ng kalusugan nito.
  • Alamin ang kalagayan ng hangin sa paligid. Kapag pupunta sa isang lugar, makatutulong ang pagkakaroon ng kabatiran ukol sa uri ng hangin sa paligid nito. Ito ay napakahalaga, lalo na sa mga may hika o COPD, upang magawa ang mga kaukulang hakbang upang mapababa ang panganib ng pagkakaroon o pagsumpong ng sakit sa baga.
  • Magpabakuna. Ugaliin ang pagpapabakuna laban sa pulmonya taun-taon. Ito ay lalong nakatutulong sa mga taong may mahihinang resistensya, kagaya ng mga may edad 65 na taong gulang na pataas.

Mga Uri ng Sakit

Narito ang talaan ng iba’t ibang mga sakit na maaaring umapekto sa baga:

  • Asbestosis. Ang sakit na ito ay bunga ng pagkakalanghap ng Kaakibat nito ang pagkakaroon ng malubhang fibrosis at ang mataas na panganib ng pagkakaroon ng mesothelioma (kanser sa pleura).
  • Bronchiectasis. Ito ay isang uri ng pangmatagalang sakit sa baga kung saan ang mga daanan ng hangin ay labis na nakabuka. Nagdudulot ito ng pamumuo ng mga plema at nagiging daan din sa pagkakalantad ng baga sa iba’t ibang uri ng impeksyon.
  • Bronchitis. Ang sakit na ito ay ang pamamaga ng mga daanan ng hangin, o bronchial tube. Nagdudulot ito ng pag-uubo na may kasamang plema. May dalawang uri ng sakit na ito: ang acute at chronic bronchitis.
  • Chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Ang sakit na ito ay ang pagkakaroon ng bara sa baga na nagdudulot ng pangmatagalang problema sa paghinga at daloy ng hangin sa baga. Ang sakit na ito ay karaniwang lalong lumalala.
  • Croup. Ang sakit na ito ay isang uri ng sakit na umaapekto sa mga bata. Ang trachea na nasa harap na bahagi ng leeg, ang bronchi, maging ang larynx ang mga karaniwang naapektuhan nito.
  • Emphysema. Ito ay isang uri ng COPD na nagdudulot ng pamamaga ng mga baga. Ito naman ay nagubunga nga pagkakapos sa paghinga, pagkakaroon ng labis na plema, at pagkawala ng ganang kumain.
  • Cystic fibrosis. Ang sakit na ito ay isang uri ng genetic na kondisyon na ang pangunahing naapektuhan ay ang baga. Dahil sa sakit na ito, ang baga ay madalas na maimpeksyon, kaya ang taong mayroon nito ay hirap sa paghinga at madalas inuubo na may kasamang plema.
  • Hantavirus pulmonary syndrome. Ito ay isang uri ng impeksyon na hindi pangkaraniwan, subalit maaaring makamatay kapag hindi naagapan. Ang sakit na ito ay nakukuha mula sa pagkalanghap ng hangin na may ihi, laway, o dumi ng daga na apektado ng
  • Hika (Asthma). Ang hika ay nagdudulot ng pagkipot at pamamaga ng mga daanan ng hangin sa baga. Ito ay nagdudulot ng pagkakaroon ng plema sa baga na lalong nagpapahirap sa paghinga, pag-uubo, pagkakapos ng hininga, at pagkakaroon ng umaagahas na tunog sa tuwing humihinga.
  • Hika na dulot ng uri o lugar ng hanap-buhay. Ito ay isang uri ng hika na dulot ng mga nalalanghap na bagay o sangkap sa paligid ng lugar kung saan nagtatrabaho ang taong apektado nito.
  • Idiopathic pulmonary fibrosis. Ang sakit na ito ay ang pagkakaroon ng peklat, o fibrosis, sa baga sa hindi malamang dahilan. Sa paglipas ng panahon, lalala ang pagkakaroon ng peklat na magdudulot ng hirap sa paghinga hanggang sa magkaroon ng kakulangan ng oxygen sa katawan.
  • Influenza. Tinatawag din itong flu, ito ay isang uri ng nakahahawang impeksyon sa respiratory system na nakaaapekto sa ilong, lalamunan, maging sa mga baga. Maaari itong makamatay, subalit maaari ring iwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
  • Kanser sa baga (lung cancer). Ang kanser sa baga ay bunga ng pagtubo ng mga hindi pangkaraniwang selula sa bahaging ito ng katawan. Maaaring magdulot ang mga ito ng pagkakaroon ng mga tumor na pumipigil sa maayos na paggana ng mga baga. Ang sakit na ito ay namamatay, lalo na kapag hindi kaagad naagapan.
  • Karaniwang sipon (common cold). Ang sakit na ito ay bunga ng virus na umaapekto sa itaas na bahagi ng baga at lalamunan. Maaari ring maapektuhan nito ang sinus at magdulot ng pagkakaroon ng sipon. Ang mga sintomas nito ay maaaring magpakita may dalawang araw mula sa unang pagkalantad sa
  • Pabalik-balik na pag-ubo (chronic cough). Ang sakit na ito ay tumatagal nang may apat hanggang walong linggo. Ito ay karaniwang bunga ng hika, mga allergen, bronchitis, o maging ng pangangasim ng sikmura.
  • Pandemic flu. Ito ay ang pandaigdigang pagkalat ng bagong influenza A na
  • Pertussis. Ang kondisyong ito ay kilala rin bilang whooping cough. Ito ay isang uri ng nakahahawang sakit na dulot ng bacterium na Bordetella pertussis. Kilala ang sakit na ito dahil sa labis na pag-uubo ng may-sakit.
  • Pleurisy. Ang sakit na ito ay ang pamamaga ng pleura, ang bahagi na bumabalot sa baga. Ito ay nagdudulot ng labis na pananakit ng dibdib, lalo kapag humihing nang malalim.
  • Pulmonary embolism. Ito ay ang agad na pagkakabara ng mga malalaking daluyan ng dugo sa baga dahil sa pamumuo ng dugo. Maaaring hindi ito makamatay, subalit maaari nitong mapinsala ang baga. Subalit, kapag hindi naalis ang bara sa baga, maaari itong magdulot ng kamatayan.
  • Pulmonary hypertension. Ito ay isang uri ng altapresyon na umaapekto sa mga artery sa baga. Ito ay nagdudulot ng pagkakaroon ng bara sa mga daluyan ng dugo sa bahaging ito ng katawan.
  • Pulmonya (pneumonia)– Ang sakit na ito ay dulot ng bacteria, virus, o kaya Nagdudulot ito ng pamamaga ng iba’t ibang bahagi ng baga na may kasamang pamumuo ng mga likido o nana. Dahil sa sakit na ito, makararanas ang pasyente ng labis na hirap sa paghinga.
  • Respiratory syncytial virus (RSV). Ito ay isang uri ng impeksyon sa baga at sa buong respiratory tract na karaniwang umaapekto sa mga bata. Subalit, maaari rin itong umapekto sa mga may sapat nang edad. Ito ay dulot ng isang uri ng
  • Sarcoidosis. Ang sakit na ito ay maaaring umapekto sa lahat ng bahagi ng katawan. Subalit, ang karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga baga at mga kulani. Sa sakit na ito, namumuo ang mga granuloma, o mga uri ng abnormal na pamumuo na nakaapekto sa maayos na paggana ng mga organ ng katawan.
  • Sleep apnea. Ito ay isang uri ng malubhang kondisyon sa pagtulog kung saan ang paghinga ay tumitigil at bumabalik. Kapag ang tao ay madalas humilk nang malakas at nakararanas ng biglaang paggising mula sa pagkakatulog na pagod ang pakiramdam, maaaring siya ay mayroon ng kondisyong ito.
  • Sudden infant death syndrome (SIDS). Ang kondisyong ito ay ang hindi maipaliwanag na agarang pagkamatay ng bata na wala pang isang taong gulang. Ito ay karaniwang nangyayari habang ang bata ay natutulog.
  • Tuberkulosis (Tuberculosis). Ang sakit na ito ay dulot ng isang uri ng bacteria na Mycobacterium tuberculosis. Ang karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga baga at ito ay lubhang nakahahawa.

Sanggunian