Buod
Ang balakubak o dandruff ay isang uri ng kondisyon kung saan ang balat sa anit ay nagtutuklap. Kapag nagkaroon ng balakubak, mapapansin na may nalalaglag na puti-puti o mga flake mula sa ulo. Pinaniniwalaan ng ibang mga tao na ang balakubak ay dulot ng kakulangan sa kalinisan ng katawan, subalit ayon sa mga doktor, hindi ito ang pinakapangunahing sanhi nito. Ganunpaman, maaaring makapagpalubha ito ng balakubak.
Ayon sa mga doktor, nagkakaroon ng balakubak dahil sa mas mabilis na proseso ng pagkamatay at pagpapalit ng balat sa anit. Sa mga normal na kondisyon, ang balat sa anit ay nagpapalit sa loob ng 1 buwan. Subalit ang mga taong may balakubak ay nakararanas ng mabilis na pagpapalit ng balat sa anit sa loob ng 2 hanggang 7 araw. Bukod dito, ang balakubak ay maaari ring dulot ng pamamahay ng mga organismo sa anit, gaya ng fungi. Maaari ring dulot ito ng labis na paglalangis ng anit o kaya naman ay mga sakit sa balat, gaya ng eczema o psoriasis.
Maaari namang malunasan o mabawasan ang balakubak sa pamamagitan ng paggamit ng mga anti-dandruff cream, lotion, o shampoo. Maaari ring gumamit ng ilang mga halamang gamot upang ito ay matanggal. Dagdag dito, malaki rin ang naitutulong ng wastong paliligo araw-araw.
Kasaysayan
Noon pa man ay nagkaroon na ng interes ang mga sinaunang mananaliksik tungkol sa kondisyon na balakubak, gaya na lamang nila Celsus at Galen. Madalas nilang pagtalunan kung ano ba talaga ang katangian ng mga nao-obserbahang mga flake, kung ang mga ito ba ay tuyo o basa.
Pagsapit ng ika-19 na siglo, ipinahayag ni Ferdinand Ritter von Hebra, isang Austrian physician at dermatologist, na ang balakubak ay isang uri lamang ng sebaceous disease. Dahil dito, nagkaroon ng pagkalito kung ano ang kaibahan ng balakubak sa kondisyon na seborrhea.
Noong bandang katapusan ng ika-19 na siglo, nagsagawa sila Rivolta, Malassez, at Sabouraud ng mga bacteriological study upang matukoy kung may mga organismo o mikrobyo na nagdudulot ng balakubak. Batay sa mga pag-aaral, napag-alaman na maaaring ang sanhi nito ay isang uri ng fungi. Ganunpaman, sa patuloy na pag-aaral sa balakubak, natukoy na hindi lamang fungi ang sanhi nito, kundi pati na rin ang mga bacteria.
Mga Sanhi
Ang balakubak ay mayroong iba’t ibang mga sanhi. Maaaring ito ay dulot ng mga sumusunod:
- Mabilis na pagtutuklap at pagpapalit ng balat ng anit
- Pamamahay ng mga organismo o mikrobyo, gaya ng fungi, yeast, at bacteria
- Labis na paglalangis ng anit
- Pagkakaroon ng sakit sa balat, gaya ng eczema, psoriasis, contact dermatitis, o buni
- Pagkaipon ng mga patay na balat sa ulo
- Paggamit ng mga nakaiirita at nakatutuyong shampoo sa ulo
Mga Sintomas
Masasabing may balakubak ang isang tao kung nakararanas siya ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng makaliskis na anit
- Pagkakaroon ng mga flake o flaking sa ulo
- Madaming pagbagsak ng mga flake lalo na sa malalamig na panahon
- Pangangati ng ulo
- Pagkakaroon ng puti-puting patsi sa ulo
- Pagkakaroon ng malangis na anit
Mga Salik sa Panganib
Maaaring magkaroon ang kahit sinuman ng balakubak. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagbibinata o pagdadalaga. Kadalasang nagkakaroon ng balakubak kapag ang isang tao ay nagbibinata o nagdadalaga. Ito kasi ang yugto kung saan ang katawan ay labis na gumagawa ng langis, dulot na rin ng pagbabago ng mga Ganunpaman, kahit matanda na ay maaari pa ring magkaroon nito.
- Pagiging lalaki. Ayon sa mga datos, mas maraming kalalakihan ang nagkakaroon ng balakubak. Pinaniniwalaan ng mga doktor na may kinalaman ang mga male hormone kaya nagkakaroon ng kondisyong ito.
- Pagkakaroon ng mahinang immune system. Kung ang isang tao ay may mahinang immune system o kaya naman ay may sakit na gaya ng Parkinson’s disease o HIV, mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng balakubak. Dahil sa mas mahina ang kanilang resistensya, mas madaling kapitan ang kanilang anit ng mga mikrobyo.
Mga Komplikasyon
Wala namang gaanong naidudulot na komplikasyon ang balakubak. Subalit kung ang anit ay labis na kakamutin, maaari itong magkaroon ng impeksyon. Ang mga mikrobyo, gaya ng bacteria ay maaaring pumasok sa anit at magdulot ng labis na pamamaga at pananakit.
Kung magkakaroon ng impeksyon ang anit, maaaring ang mga sugat nito ay magkaroon ng nana at maantala ang pagtubo ng mga buhok. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng patsi-patsi na bahagi ng kanyang ulo.
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Upang hindi magkaroon ng balakubak, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Maligo araw-araw at bigyang-pansin ang wastong paghuhugas ng ulo. Kung masyadong naglalangis ang anit, mainam na maligo 2 beses sa isang araw tuwing umaga at bago matulog.
- Iwasang gumamit ng kung anu-anong produkto sa ulo o buhok sapagkat maaaring magdulot ang mga ito ng panunuyo at pagka-irita sa anit.
- Siguraduhing nakatutulog ng 8 oras araw-araw upang hindi makaranas ng stress ang katawan. Ang labis na stress ay nagdudulot ng matinding paglalangis ng balat.
- Kumain ng mga masusustansyang pagkain na nakatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng balat. Ilan sa mga maiinam na pagkain upang maka-iwas sa balakubak ay ang mga pagkaing mayaman sa omega-3 at probiotics.
Sanggunian:
- https://www.medicinenet.com/seborrhea/article.htm#dandruff_facts
- https://www.nhs.uk/conditions/dandruff/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Dandruff
- https://www.healthline.com/health/dandruff-itchy-scalp
- https://www.healthline.com/nutrition/ways-to-treat-dandruff
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dandruff/symptoms-causes/syc-20353850
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/2181905