Gamot at Lunas  

Image Source: www.freepik.com

Ang balakubak o dandruff ay maaaring malunasan. Subalit, kailangan ay tuloy-tuloy ang paggamot dito sapagkat maaari itong bumalik. Ilan sa mga maaaring imungkahing lunas ng doktor para sa balakubak ay ang mga sumusunod:

  • Paggamit ng mga cortisone-based cream o lotion. Kapag mayroong balakubak ang isang tao, maaari siyang gumamit ng mga cortisone-based cream o lotion. Nakatutulong ang cortisone upang mabawasan ang labis na pamamaga ng anit dulot ng madalas na pagkamot. Ipahid lamang ang cream o lotion pagkatapos maligo sa umaga at gabi upang humupa ang pamamaga.
  • Paggamit ng mga topical anti-yeast lotion o shampoo. Maaari ring gumamit ng mga topical anti-yeast lotion o shampoo. Kumpara sa mga ordinaryong lotion o shampoo, ang mga produktong ito ay may kakayanang labanan ang fungi na sanhi ng dandruff. Maaari namang bumili ng mga ito kahit walang reseta ng doktor. Maghanap lamang sa botika ng mga lotion o shampoo na naglalaman ng mga sangkap na gaya ng zinc pyrithione, salicylic acid, selenium sulfide, ketoconazole, o coal tar. Kung hindi sigurado sa bibilhin, magtanong lamang sa pharmacist. Bumili muna ng isang bote ng lotion o shampoo at tingnan kung hiyang ang anit dito. Subukan ang produkto ng hanggang 1 buwan at obserbahan kung may pagbabago. Kung wala, sumubok ng ibang brand.
  • Pagligo araw-araw. Upang malabanan ang labis na panunuyo at panunuklap ng balat ng anit, maligo araw-araw. Ang tubig at shampoo na ginagamit ay nakatutulong upang manatali ang moisture ng buhok at anit. Dagdag dito, tinatanggal nito ang labis na langis ng ulo.
  • Pag-iwas sa pagkakamot. Hangga’t maaari, huwag kamutin at tuklapin ang balakubak. Hayaan itong matanggal at malaglag nang kusa. Kung nangangati naman ang anit, puwede itong pahiran ng tea tree oil. Ayon sa pag-aaral, mabisa itong pantanggal ng kati ng anit. Batay sa datos, kaya nitong bawasan ang pangangati ng hanggang 41%.
  • Pagre-relax o pagpapahinga. Nakatutulong din sa pagbawas ng balukabak ang pagre-relax o pagpapahinga. Kapag may sapat na pahinga ang katawan, hindi gaanong maii- Ang stress kasi ay naghuhudyat sa mga glandula ng katawan na gumawa ng maraming langis. Kapag nangyari ito, lulubha lamang ang balakubak.
  • Paggamit ng coconut oil. Ang coconut oil o langis ng niyog ay isa sa mga pangkaraniwang sangkap ng mga Ito ay dahil sa kakayanan nitong tanggalin ang panunuyo ng anit. Dagdag dito, nagtataglay ang coconut oil ng mga antimicrobial property na nakatutulong sa pagbawas ng mga sintomas ng balakubak at iba pang sakit sa balat na gaya ng eczema.
  • Paglalagay ng sabila. Ang sabila o aloe vera ay karaniwan ding sangkap ng mga shampoo at skin lotion. Kilala rin ito bilang mabisang halamang gamot sa mga sakit sa balat na gaya ng psoriasis, singaw, at pagkapaso. Bukod sa mga ito, maaari rin itong mabisang halamang gamot sa balakubak. Ayon sa pag-aaral, ang sabila ay may kakayanang makatulong sa pagpigil ng pagdami ng fungal infection at pamamaga sa balat. Upang gamitin ito, talupan lamang ang dahon ng sabila at ikuskos ang gel nito sa anit. Ibabad ng ilang mga minuto, pagkatapos ay banlawan.
  • Paggamit ng apple cider vinegar. Ang apple cider vinegar ay tanyag sa mga benepisyo nitong pangkalusugan. Bukod sa mainam itong pampalasa sa mga pagkain at inumin, maaari rin itong gamitin bilang lunas sa balakubak. Dahil sa taglay nitong acidity, nababalanse nito ang pH level ng balat sa anit kaya naman hindi na ito tutubuan pa ng balakubak. Upang gamitin ito, maghalo ng 1 o 2 kutsarita ng apple cider vinegar sa tuwing magsha-shampoo ng buhok. Puwede rin itong direktang imasahe sa anit. Ibabad ito ng ilang mga minute, pagkatapos ay banlawan.
  • Pagkain ng pagkaing mayaman sa omega-3. Ang mga pagkaing mayaman sa omega-3 ay tanyag sa mga benepisyo nito para sa puso. Ngunit bukod dito, mainam din itong mineral para sa kalusugan ng balat. Kapag kumain nito, mas mapangangasiwaan ng katawan ang produksyon nito ng langis sa balat at mababawasan ang pagkatuyo nito. Dagdag sa mga ito, nababawasan din ng omega-3 ang labis na pamamaga at iritasyon ng balat kaya naman nakatutulong ito sa pagpuksa ng balakubak. Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 ay salmon, sardinas, mackerel, chia seeds, flaxseed, at mani.
  • Pagkain ng pagkaing mayaman sa probiotics. Ang probiotics ay nagtataglay ng “good bacteria” at pinapalakas nito ang resistansya ng katawan. Dahil dito, nakakayanan ng katawan na labanan ang iba’t ibang mga uri ng impeksyon, gaya ng fungal infection na nagdudulot ng balakubak. Bukod dito, batay sa isang pag-aaral, ang mga taong kumonsumo ng probiotics sa loob ng 56 na araw ay nakitaan ng pagkabawas ng balakubak. Halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa probiotics ay yogurt, miso, kimchi, pickles, at iba pa. Mayroon ding mga nabibiling probiotic supplements sa mga botika at online health store.
  • Paggamit ng baking soda. Ang baking soda ay isang uri ng pulbos na puwedeng gamitin sa pagluluto o paglilinis ng mga kagamitan. Bukod sa mga ito, maaari rin itong gamitin bilang lunas sa balakubak. May taglay kasi itong exfoliating property na tumutulong sa pagtatanggal ng mga libag o patay na balat. Kapag ginawa itong paste at iminasahe sa anit, mababawasan nito ang pangangaliskis at pangangati nito.

Bagama’t ang balakubak ay tila simpleng kondisyon, kumonsulta pa rin sa doktor o dermatologist lalo na kung walang nangyaring pagbabago kahit na ginawa na lahat ang mga nabanggit na mungkahi. Kumonsulta rin sa doktor kung nakararanas ng matinding pangangati sa ulo, o kaya naman ay kapag masyado nang namamaga at namumula ang anit. Maaaring ang balakubak ay sintomas na ng ibang sakit sa balat na gaya ng eczema o psoriasis.